Sa Sobrang Kalasingan ay Napaslang ng Lalaki ang Nakitang Baboy Ramo sa Loob ng Kanilang Bahay, Huli na nang Malaman na Nagkamali Siya sa Ginawa
Mula nang iwan si Arman ng kanyang asawa at sumama sa ibang lalaki ay puro pag-inom at paglalasing na lang ang inatupag ng lalaki.
“Itay, lasing na naman po kayo?” tanong ng anak na si Joey.
“Puwede ba huwag mho akong pakialaman, hik!”
“Pero itay palagi na lang po kayong umiinom ng alak. Masama po iyan sa kalusugan niyo!”
“Peste kang bata ka! Wala kang karapatang pagsabihan ako kung ano ang dapat kong gawin, ha! Buwiset ‘to! Umalis ka nga sa harap ko at baka masuntok kita!” bulyaw niya sa anak.
Tila nakasanayan na ni Joey ang ganoong gawi ng ama tuwing uuwi galing sa trabaho. Palagi itong lasing at hindi makausap ng matino. Wala na lang siyang magawa kundi intindihin ang ama dahil alam niya ang pinagdaanan nitong sakit sa kanyang ina.
Niloko kasi ng kanyang ina ang ama nang sumama ito sa kalaguyo nito. Nalaman ng ama na may kinakatagpong ibang lalaki ang ina at nahuli pa sa aktong nagtatalik ang mga ito. Sa sobrang galit ng ama ay binugbog nito ang lalaki. Dahil hindi matanggap ng ina ang ginawa ng ama sa kalaguyo ay nakipaghiwalay ito at mas piniling sumama sa lalaki. Halos mabaliw ang ama sa ginawa ng ina ngunit nagawa pa rin nitong magpakatatag para sa kanya. Ang naging sandalan nga lang nito ay ang pag-inom ng alak. Sa pamamagitan kasi noon ay nakakalimutan nito ang pagtataksil na ginawa ng asawa.
Maayos naman ang pag-iisip ni Arman kapag hindi nasasayaran ng alak ang lalamunan kaya kapag ganoon ang nangyayari ay nagkakaroon sila ng bonding na mag-ama.
Araw ng Sabado at walang pasok sa trabaho si Arman, naisipan nitong mag-ihaw ng baboy, manok at isda para sa pananghalian nilang mag-ama. Kumakanta-kanta pa ito habang nag-iihaw.
“Ang halik mo, nami-miss ko, ang halik mo, nami-miss ko…” birit ng ama.
“Itay, sana lagi na lang na hindi ka lasing para palagi kang masaya,” bulong ni Joey sa isip habang pinagmamasdan ang ama sa ginagawa nito.
Mayamaya ay natapos nang mag-ihaw ang lalaki at nagsimula nang maghain.
“O, anak maghugas ka na ng kamay mo at kakain na tayo!” sigaw nito.
“Opo, itay!” sagot niya.
Habang kumakain ay tinanong siya nito tungkol sa kanyang pag-aaral.
“Kumusta ang grades mo, anak. Pasado ba lahat?” tanong ng ama.
Mabilis na sumagot si Joey. “Opo, itay, sa katunayan nga po ay hindi ako nawawala sa Top 10,” pagmamalaki niyang sabi.
“Wow, very good, anak! Ipagpatuloy mo lang iyan at bibigyan kita ng regalo kapag natapos ang pasukan na pasok ka pa rin sa Top 10,” anito.
“Talaga, po itay?”
“Oo naman, anak! Kailan ba ako may sinabing hindi ko tinupad?”
Sa sobrang saya ay niyakap ng mahigpit ni Joey ang ama.
“Salamat po, itay!”
“Naku, ang mabuti pa ay kumain ka ng marami para tumaba ka anak. Nangangayayat ka na sa sobrang pag-aaral mo!”
Sa sinabing iyon ng ama ay hindi napigilan ni Joey na matawa. Bihira kasi itong nagsasalita ng ganoon sa kanya.
Kinahapunan ay nagpaalam si Arman sa anak na pupunta ito sa kaarawan ng kumpare nito. Nangako naman ang lalaki na uuwi ng maaga at hindi magpapakalasing. Pinanghawakan ni Joey ang pangako na iyon ng kanyang ama kaya hinayaan niya itong umalis.
“Itay, huwag po kayong iinom ng marami ha! Huwag po kayong magpapakalasing,” paalala ni Joey.
“Promise, anak!” pangako ng lalaki sa anak.
Pagdating ni Arman sa bahay ng kanyang kumpare ay wala itong ginawa kundi ang uminom ng alak kasama ang iba pang kaibigan. Ang pangako niya sa anak na hindi siya magpapakalasing ay hindi natupad dahil nang masayaran na naman ng alak ang lalamunan ng lalaki ay nawala na naman ito sa huwisyo.
Matapos magpakalasing sa bahay ng kumpare ay susuray-suray na naglakad pauwi ang lalaki. Pakiramdam niya ay umiikot ang kanyang paningin sa sobrang kalasingan hanggang sa marating na niya ang kanilang bahay.
Pagbukas pa lang niya ng pinto ay laking gulat niya nang may makitang malaking baboy ramo na palakad-lakad sa sala.
“Aba, anong ginagawa ng baboy ramong ito dito?” nagtataka niyang tanong sa sarili.
Biglang tumingin sa kanya ang baboy ramo at nanlilisik ang mga mata nito. Bigla siyang nahimasmasan nang pagmasdang mabuti ang baboy ramo. Nakakatakot ang hitsura nito na para bang kahit anong oras ay maaari siyang atakihin.
“Aswang, aswang, lumayas ka sa bahay namin!” sigaw ng lalaki.
Sa sobrang takot ni Arman ay nadampot niya ang itak at pinagtataga ang baboy ramo.
“Hayup kang aswang ka! Mam*tay ka, Mam*tay ka!” paulit-ulit niyang sabi.
Tinigilan lang niya ang pagtaga nang makitang hindi na humihinga ang baboy ramo at duguan na itong nakahandusay sa sahig.
Nagpunta siya sa banyo para linisin ang katawang nabahiran ng dugo. Agad niyang pinuntahan sa kuwarto ang anak na si Joey para kumustahin ngunit laking pagtataka niya dahil wala ang bata sa higaan nito.
“Joey, Joey, anak! Nasaan kaya ang batang iyon?”
Muli siyang lumabas sa sala at nagimbal siya sa nakita.
“A-anak, anak ko!” malakas na sigaw si Arman nang makita ang duguang bangkay ng anak na si Joey sa sahig.
“Dyusko, anong nagawa ko? Hindi, hindi ko sinasadya anak ko!” hagulgol ng lalaki habang yakap ang wala nang buhay na katawan ng anak.
Napagtanto ni Arman na dahil sa sobrang kalasingan niya ay napagkamalan niyang baboy ramo ang anak at napaslang niya ito.
Magsisi man ang lalaki ay huli na dahil hindi na niya maibabalik pa ang buhay ni Joey. Nang dahil sa labis niyang paglalasing ay nawalan na naman siya ng mahal sa buhay. Isinuko ni Arman ang sarili sa mga pulis at pinagdusahan sa kulungan ang nagawang kasalanan. Muli niyang ipinangako sa sarili at sa namayapang anak na hinding-hindi na siya muling titikim ng alak.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!