Sa Kanilang Ika-limang Paglipat ng Bahay ay Isang Nakakatakot na Pangyayari ang Bumulabog sa Buong Pamilya
Bagong lipat lamang noon ang pamilya nila Julia at Ronnie sa bagong bahay na kanilang inuupahan. Palagi kasing nadedestino sa iba’t-ibang lugar ang lalaki dahil sa trabaho. Sa pang-limang beses nilang lumipat ng bahay, ay isang kakila-kilabot na pangyayari pala ang kanilang mararanasan.
May kalumaan na ang bagong bahay na kanilang uupahan, ngunit malinis naman at maayos ang loob nito. May dalawang kwarto at may kaluwagan din ang bagong tahanan. Kanilang nilibot ang lugar, at agad naman nilang napansin ang isang malaking puno sa bakuran.
Malaki ang puno at masasabing matanda na. Hindi naman nila ikinatakot ang malaking puno, bagkus ay mas nagustuhan pa nga nila ang lugar dahil dito. Nagbibigay ng malaking lilim ang puno, kaya’t maginhawa sa pakiramdam ang bagong bahay.
Nang makalipat ay agad naman din nilang naisaayos ang mga gamit sa bahay. Naging maganda ang mga unang araw nila sa bahay, ngunit makalipas ang isang linggo, ay doon lamang nila naramdaman na mayroon silang ibang kasama.
Hating gabi noon nang makaramdam si Ronnie ng matinding pagkauhaw. Napansin naman din niya na wala ang kanyang misis sa tabi. Tumayo siya at agad na nagtungo sa kusina upang uminom ng malamig na tubig.
Napansin naman ni Ronnie ang ang babaeng nakaitim na nakatayo malapit sa lababo, kaya’t kinausap niya ito.
“Mahal, kung nagugutom ka, may pagkain pa tayo sa refrigerator. Pwede mong iinit muna sa oven,” wika ng lalaki.
“Mahal, ano yung sinasabi mo kanina? Hindi ko masyado naintindihan dahil nagbabanyo ako,” tanong ng asawa na nasa kwarto.
Ngunit hindi man lang sumagot ang babae. Nanatili itong nakatayo habang nakatingin sa bintana kung saan matatanaw ang malaking puno. Paalis na sana siya upang bumalik sa higaan nang marinig niyang mayroong nag flush ng toilet sa kanilang banyo sa kwarto.
Nanlaki ang mata ni Ronnie nang marinig ang tinig ng asawa na tinatawag siya galing sa kwarto. Ang buong akala niya ay asawa niya ang babaeng nakatayo malapit sa kanya.
Napalunok lamang si Ronnie dahil hanggang ngayon ay nakatayo pa rin ang babae malapit sa kanya, at sa gilid ng kanyang mata ay nakikita niyang unti-unti itong tumitingin sa kanya.
Naibagsak ni Ronnie ang basong hawak niya, dahilan para tumakbo palabas ng kwarto ang kanyang misis. Nakakaramdam ng matinding panlalamig ng katawan at takot si Ronnie dahil sa nakita.
Nang kanya nang lingunin ang babaeng kaninang nakatayo, ay parang bula na lamang itong naglaho. Di pa rin niya lubos maisip kung sino o ano ang kanyang nakita. Magmula ng gabing iyon ay sunod-sunod nang pagpaparamdam ang kanilang naranasan.
Pinili muna ng lalaki na manahimik at huwag na lamang ikwento ang nakita, dahil ayaw na rin naman niyang magdulot pa ng takot sa kanilang sambahayan, ngunit nang magsalita na ang isa sa kanilang mga anak, ay doon na siya nagsalita.
“Papa, mama!” sigaw ng batang babae, “may babae po na nakadungaw sa pintuan ko kanina. Umalis na po tayo dito. Ayoko na po dito!” iyak pa ng bata.
Nagkatinginan lamang ang mag-asawa. Tinabihan muna nila ang mga anak hanggang sa makatulog ang mga ito. Kinuha ni Julia ang kamay ng mister at saka ito sumenyas na lumabas.
“Mahal, matagal ko nang gusto sa’yo iyo na sabihin ‘to, ngunit natatakot ako na baka hindi ka maniwala,” nanginginig na boses ng asawang babae, “nakikita ko rin ang babaeng nakikita ng mga anak natin. Natatakot ako na baka saktan niya tayo. Baka may mas malala pa siyang gawin.”
“N-nakita mo rin pala siya. Ilang beses nang nagpapakita ang babaeng nakaitim sa akin, ngunit hindi ko pinapansin dahil ayokong matakot kayo, ngunit kailangan natin humingi ng tulong para mapalayas ito,” saad naman ng lalaki.
“Nakita ko siya nung isang gabi, noong una akala ko ay magnanakaw lamang, ngunit labis ang takot ko dahil sa nangyari,” takot na wika ni Julia habang ikinukuwento ang nangyari nung nakaraang gabi.
Mag-aalas siyete ng gabi noon, kakauwi lamang ni Julia galing sa palengke. Nagmamadali na siyang pumasok upang makaluto na ng hapunan noon nang marinig niya ang isang malakas na katok.
Hinanap niya kung saan nanggagaling ang ingay, ngunit laking gulat niya na makitang mayroong babaeng kumakatok sa bintana sa loob ng kanilang bahay. Nakatingin ito sa kanya habang kinakalampag ang kahoy na parte ng bintana.
Napatakbo siya ng mabilis upang buksan agad ang bahay, subalit naguluhan siya nang makitang walang tao sa looban ng kanilang bahay. Nangilabot siya ng sobra nang marinig ang isang malakas na pagsitsit.
“Psst! Psst!”
Hinanap niya kung saan ito nanggaling, sobrang nangilabot siya nang makita ang parehong babae na nakasilip sa binatana. Nasa labas naman ngayon ang babae malapit sa pinto patungo sa malaking puno.
“Sino ka?” sigaw ni Julia, ngunit wala siyang narinig na kahit anong tugon.
Lakas loob niyang binuksan ang pintuan at saka tinignan ang bakuran. Walang katao-tao. Masyadong matataas ang kanilang pader doon para maging isang akyat bahay.
Lumabas siya upang hanapin kung may bakas ng tao doon, ngunit napasigaw siya ng malakas nang biglang may uhimip sa kanyang tenga kasunod ng isang malakas na sitsit.
Kinabukasan matapos na ikwento ni Julia ang nakakatakot na pangyayari ay kumausap sila ng pari at tumawag ng albularyo. Ngunit wala kahit sino sa mga iyon ang nakatulong upang maitaboy ang babaeng nagpapakita.
May ipinakilala naman sa kanila ang kapitbahay na matandang lalaki. Magaling na albularyo daw ito at makatutulong sa kanila. Ayaw na sana nilang maniwala dahil sa mga unang nagpunta, ngunit sinubukan pa rin nila kung matataboy ito ngayon.
Sumipol-sipol lang ang matanda habang naglalakad-lakad sa bakuran. Tumigil ito sa harapan ng malaking puno at saka inilabas ang rosaryo. Nagsimula itong magdasal ng isang pangkristiyanong dasal, habang nakahawak sa puno.
“Mayroon ba kayo diyang malaking hagdan at kutsilyo?” tanong ng matandang lalaki.
“Mayroon ho, sandali at kukunin ko,” tugon naman ni Ronnie.
Umakyat ang matanda sa may taas na bahagi ng puno habang may kung anong hinihiwa doon. Maya-maya pa ay bumaba ito dala ang isang makapal na tali.
“Kaawa-awa ang sinapit ng babaeng ito sa kamay ng mga hapon. Ito ang dahilan kung bakit hindi pa siya nakakaalis sa lugar na ito,” saad ng matanda habang nakatingin sa makapal na tali.
“Magkano ho tatang?” tanong ni Julia.
“Wala kayong kailangan bayaran sa akin, dahil hindi naman kayo ang tinulungan ko kundi ang babaeng matagal nang nagdurusa dito,” sagot pa ng matanda.
Nagpasalamat na lamang sila sa matanda at saka ito umalis dala ang makapal na lubid. Magmula noon ay wala naman nang nagparamdam o gumambala sa kanila, nanirahan pa sila ng tatlong taon doon bago muling lumipat sa nabili nilang sariling bahay at lupa.
Kanilang nalaman na biktima pala ng panggagahasa at pang-aabuso ang babae noong panahon ng hapon. Doon sa puno kinitil at ibinigti ang kaawa-awang babae. Hinayaang mabulok lamang daw ang katawan nito habang nakasabit.
Pinutol lamang daw ang tali noon, ngunit may naiwan pang kakarampot, na naging dahilan kung bakit hindi pa rin nakakalaya ang kaluluwang kaytagal nang nagdusa, ngunit dahil sa pamilya nila Julia at tulong ng matandang albularyo ay natulungan itong makalaya sa lubid na matagal nang gumagapos dito.