Matapos ang ‘Di Inaasahang Kaganapan sa Sanglaan ay Tumakas at Nagtago ang Lalaki; Wala Palang Dahilan Para Takbuhan Niya ang Kaniyang Ginawa
Ang sadya lang naman ni Nato sa establisyementong iyon ay upang isanla ang kaniyang alahas sa sanglaan. Nasa ospital ang kaniyang anak at kailangan nila ng pera para sa pagpapagamot nito. ‘Di niya lubos akalain na dadanak ang dugo sa lugar na iyon, na dudungisan niya ang kaniyang mga kamay. Sana lang ay ayos lang ang lagay ng babaeng nagtatrabaho sa sanglaan. Sa sobrang taranta niya ay mabilis siyang nagtatakbo palayo. Iniwan niya iyong babae na nakahandusay sa sahig, walang malay.
Nang nakalayo na si Nato sa pinangyarihan ng krimen ay agad niyang pinindot ang mga numero sa kaniyang selpon.
“Sir, may naganap pong nakawan sa isang sanglaan dito. Dalawa po ang sugatan, isang lalaki at isang babae.”
Matapos niyang sagutin ang iba pang katanungan ng kausap niya sa linya ay ibinaba na niya ang kaniyang selpon. Hindi niya ibinigay ang kaniyang pangalan.
Agad na umuwi si Nato sa kanilang bahay para magimpake ng kaniyang mga gamit. Sunud-sunod ang pagsalpak niya ng kaniyang mga damit sa bag. Kailangan niyang magmadali. Kailangan niyang magtago. Kailangan niyang lisanin agad ang kanilang lugar bago pa siya maabutan ng mga pulis. Matapos makapag-impake ay dumaan muna si Nato sa ospital para makapagpaalam sa kaniyang mag-ina.
“Mahal, inalok ako ng trabaho ni kompare sa probinsya. Mas malaki ang kita. Sayang naman kaya tinanggap ko na. Dumaan lang ako dito para magpaalam. Ngayong gabi kami luluwas,” pagsisinungaling ni Nato kay Karen, ang kaniyang asawa.
“Ito nga pala yung perang nakuha ko nung sinanla ko yung kwintas ko. Matatagalan ako sa probinsya kaya ipapadala ko na lang yung pera tuwing sahuran,” dagdag pa niya.
“Magiingat ka doon. Huwag mong pababayaan ang sarili mo. Dalasan mo ang pagtawag para hindi ako masyadong mag-alala,” bilin ni Karen sa kaniyang asawa.
Ilang araw na ang lumipas simula nung umalis si Nato. Naiuwi na rin ng bahay ang anak niyang may sakit. Abala si Karen sa pagpapakain ng kaniyang anak nang bisitahin sila ng mga pulis.
“Mawalang galang lang po. Dito po ba nakatira si Nato? Pwede po ba namin siyang makausap?”
Kinakabahan si Karen sa pagbisita ng mga pulis. Wala siyang maisip na dahilan kung bakit hahanapin ng mga ito ang kaniyang asawa.
“Ako po ang asawa ni Nato. Anong kailangan niyo sa asawa ko?” usisa niya sa mga ito.
“May ilan po kaming katanungan sa kaniya tungkol sa naganap na nakawan sa sanglaan nung isang gabi,” sagot ng isa sa mga pulis.
“Wala siya dito. Nagtatrabaho siya sa probinsya. Pag nakausap ko siya ay ipapaalam ko agad na hinahanap niyo siya.”
Nang makaalis ang mga pulis ay agad na tinawagan ni Karen ang kaniyang asawa. Natakot siya nang malaman niya ang pakay ng mga pulis kay Nato. Nag-aalala siya para sa kaniyang pamilya, lalong-lalo na sa kaligtasan ng kaniyang asawa.
“Sa tingin ko ay nakapaslang ako, Karen. Hindi ko naman sinasadya, eh. Nabigla lang ako sa mga pangyayari. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Natatakot ako,” mangiyak-ngiyak na pag-amin ni Nato sa kaniyang asawa.
Ilang beses pang nagpabalik-balik ang mga pulis para hanapin si Nato sa kaniyang asawa. Nagsususpetya sila na baka natatakot itong lumantad dahil sa naganap na krimen.
“Pag tumawag po ang asawa niyo sabihin niyo po sa kaniya na kailangan naming kunin ang kaniyang salaysay tungkol sa naganap na pagnanakaw. Wala siyang dapat ikatakot dahil walang masamang mangyayari sa kaniya. Dumiretso na lang po siya sa presinto pag nakabalik na siya. Pakisabi na rin po sa kaniya na matagal na siyang hinahanap ni Agatha, yung babae sa sanglaan, lalong-lalo na po ang mga magulang niya. Nais po nila siyang makausap.”
Matapos ang ilang ulit na pakiusap ni Karen ay nakumbinsi na rin niya ang kaniyang asawa na kusang sumuko na lang sa mga pulis. Pinahayag niya na mas makakabuti ito para sa kaniyang kaligtasan kaysa palaging itong nagtatago at namumuhay na puno ng takot dahil sa kaniyang nagawa.
Pagkadating ni Nato ay dumaan muna sila ng kaniyang pamilya sa simbahan para magdasal bago sila pumunta ng presinto. Humiling sila ng gabay at katatagan ng loob na harapin ang pagsubok na kanilang pinagdadaanan.
“Sabay nating haharapin ito. Anumang mangyari, hindi ka namin iiwan ng anak mo,” pangako ni Karen kay Nato.
Pagdating sa presinto ay nagulat ang mag-asawa. Hindi dinakip ng mga pulis si Nato. Tulad ng palagi nilang sinasabi tuwing hinahanap nila si Nato sa kanilang bahay ay kinuha lang nila ang kaniyang testimonya at may ilan silang katanungan tungkol sa naganap na krimen na buong pagtatapat naman niyang sinagot.
Dahil hindi nila lubos na maunawaan ang mga nangyayari ay hindi na napigilan ni Nato na magtanong. “Hindi niyo po ba ako ikukulong dahil nakapaslang ako ng tao?”
Nagtataka man sa kaniyang katanungan ay sinagot pa rin siya ng pulis.
“Maliwanag po sa CCTV kung ano ang inyong ginawa. Nabaril niyo yung holdaper nung nagkipag-agawan kayo ng baril sa kaniya matapos niyang barilin si Agatha. Hindi maituturing na krimen ang inyong ginawa sa halip ay isa itong act of self defense o pagtatanggol sa sarili kaya walang dahilan upang ikulong namin kayo. Wala kang pinaslang. Hindi binawian ng buhay ‘yong holdaper. Nakakulong siya ngayon sa piitan.”
Sa isang iglap ay nawala ang lahat ng pangamba ng mag-asawa. Wala na silang dapat ikatakot. Maaari nang bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay.
Paalis na sana sila Nato at Karen para ipagdiwang ang magandang pangyayari kasama ang kanilang anak nang dumating sa Agatha kasama ang kaniyang mga magulang. Ang pamilya pala ni Agatha ang may-ari ng sanglaan. Matagal na nilang gustong makilala si Nato.
“Maraming salamat, Nato. Kung hindi dahil sa iyong kabayanihan ay malamang wala na ko dito ngayon. Bilang pasasalamat ay nais naming bigyan ka ng pabuya,” pahayag ni Agatha sa kaniyang tagapagligtas. Inabot niya kay Nato ang isang tseke na nagkakahalaga ng limang milyong piso. “Maliit na halaga lang iyan. Basta’t may kailangan kayo ng pamilya mo huwag kayong mahihiyang lumapit sa amin. Ito ang selpon number ko at numero ng telepono ng bahay namin,” sabi naman ng tatay ni Agatha.
Matagal na namuhay sa takot si Nato sa pag-aakalang nakagawa siya ng mabigat na krimen. Pero kung muling malalagay si Nato sa parehong sitwasyon ay hindi pa rin siya magdadalawang isip na gawin ang kaniyang nagawa. Sana nga lang ay pag dumating ang araw na iyon ay hindi na siya mataranta, na magkaroon siya ng sapat na tapang na harapin ang resulta ng kaniyang kabayanihan imbes na tumakbo at magtago.