Inday TrendingInday Trending
Nakatanggap ng Pananakot ang Abogado Dahil sa Kasong Hawak Niya, Hindi Niya Akalain na Magkakatotoo Ito

Nakatanggap ng Pananakot ang Abogado Dahil sa Kasong Hawak Niya, Hindi Niya Akalain na Magkakatotoo Ito

“Atty. Pascal, may mga bagong sulat po pala tayong natanggap kanina. Naasikaso ko na po lahat maliban dito sa isa,” bungad ni Ruben. Seryoso at nag-aalala ang mukha ni Ruben noong iabot ito.

“Gusto talaga nilang bitawan ko ‘tong kasong ito. Akala naman nila matatakot nila ko,” pahayag ni Atty. Pascal pagkabasa sa sulat. Itinapon niya agad ito gaya ng iba pang mga pananakot na mga sulat na natatanggap niya noon simula nung maging sikat na abogado siya.

Ipinagpatuloy na ng dalawa ang trabaho nang biglang may pumasok na mensahe sa selpon ni Atty. Pascal. Napaisip ng malalim ang abogado bago pinakiusapan si Ruben na samahan siya sa pupuntahan niya mamayang gabi.

Sa itinakdang oras ay may pinuntahan ang dalawa. Hininto ni Atty. Pascal ang sasakyan malapit sa lugar na pupuntahan niya. “Dito ka lang, Ruben. Kapag may masamang nangyari, tumawag ka agad ng mga pulis,” bilin ng abogado.

“Boss, hindi ba masyadong delikado ‘to. Huwag ka na lang kaya tumuloy?” tugon ni Ruben. Umiling ito at tumungo sa madilim at abandonadong bodega.

Noong matanaw ng katagpo si Atty. Ruben sa bungad ng bodega ay tinawagan niya ito upang makasiguro na siya nga ang abogadong kakatagpuin niya. Doon lamang siya lumabas sa kaniyang pinagtataguan at hinirap ito.

May inabot itong flash drive at sinabing: “Atty. naglalaman ‘yan ng mahahalagang impormasyon na makakatulong sa kaso mo.”

“Sino ka ba at bakit mo ito ginagawa?” tanong ng abogado.

“Hindi ko na maatim ang mga ginagawa nila. Gusto ko nang kumalas sa grupo,” sagot ng lalaki.

“Kung totoo ‘yang sinasabi mo bakit hindi ka na lang tumestigo laban sa kanila?” pag-uusisa ng abogado.

“Ayaw kong madamay ang pamilya ko dito. Mahirap silang kalabanin kapag lumantad ako! Sige na kailangan ko nang umalis,” paliwanag ng lalaki bago ito nagmadaling umalis.

Wala nang nagawa ang abogado kaya naglakad na lamang siya pabalik sa sasakyan. Papalapit na siya rito nang biglang sumabog ito. Labis niya itong ikinagulat at inalala ang assistant na si Ruben nang biglang may sumigaw sa malapit.

“Boss! Boss! Ayos ka lang ba?” sigaw ng lalaki habang tumatakbo papalapit kay Atty. Pascal. Nakahinga ng maluwag ang abogado ng makitang buhay at ligtas si Ruben. Mabuti na lang at bumaba ito ng sasakyan upang mas lumapit sa bodega para magmasid habang kausap ng abogado ang katagpo kaya hindi siya nasabugan.

Matapos nilang iulat ang nangyari sa mga pulis ay nagpasya na silang umuwi. Naghiwalay na sila pagbaba ng bus at naglakad na si Atty. Pascal pauwi ng bahay. Dumaan siya sa isang shortcut na eskinita para mas mapabilis ang uwi niya nang biglang may lalaking lumapit sa kaniya at tinutukan siya ng kutsilyo.

“Ano ‘yung sinabi sa’yo ni Carlos kanina? Asan ‘yung inabot niya sa’yo? Ibigay mo ‘yun sa’kin,” pananakot ng lalaki. Hindi na inantay ng lalaki ang sagot ng abogado at kinuha na lamang ang bag nito at kinapkapan.

Papaslangin na sana siya ng lalaki nang biglang may grupo ng mga kalalakihan ang napadaan sa eskinita at nakita ang balak nito. Sinita nila ito kaya tumakbo na lang ito palayo. Nagpasalamat si Atty. Pascal sa pagkakaligtas sa kaniya ng mga lalaki at nagmadali na lamang siyang umuwi ng bahay.

Pagkauwi ng bahay ay agad niyang tinawagan si Ruben at kinuwento ang nangyari sa kaniya. “Mabuti na lang at napatabi ko sa’yo ‘yung flash drive kanina. Gawan mo ng kopya ‘yan at ipasa sa pulis na humahawak ng kaso natin bilang ebidensiya,” utos ni Atty. Pascal.

Kinabukasan ay nabalitaan na lamang nila na may lalaking napaslang na nagngangalang Carlos. Naalala ni Atty. Pascal na ito ang pangalang nabanggit ng lalaking nagtangka sa kaniya sa eskinita. Noong pinakita ang mukha nito sa telebisyon ay nakumpirma niya na ito ‘yung lalaking nagbigay sa kaniya ng flash drive.

Kaagad niyang tiningnan ang kopya ng flash drive na pinagawa niya kay Ruben at doon na tumambad sa kaniya ang mga ebidensiyang kailangan niya para sa kaniyang kaso. Nakalagay doon ang pangalan ng mga dawit sa sindikato. Ang sindikatong ito ay nangingidnap ng mga tao upang kuhaan ng iba’t-ibang lamang loob atsaka ilegal na ibebenta sa mga mayayaman na nangangailangan nito.

Naging malaking tulong ito para sa kasong hawak ni Atty. Pascal. Nahuli rin ang mga kasangkot sa sindikatong ito at napakulong niya. Mula noon ay mas lalo siyang hinangaan bilang isang magaling at dedikadong abogado na kahit malagay sa delikado ang buhay niya ay patuloy niya pa ring inaalam ang katotohanan.

Advertisement