Inday TrendingInday Trending
Naiinggit ang Lalaking Ito sa Kaniyang mga Kaibigan Dahil Magaganda ang Kanilang mga Asawa, Samantalang ang Kaniyang Misis ay Napakalosyang na

Naiinggit ang Lalaking Ito sa Kaniyang mga Kaibigan Dahil Magaganda ang Kanilang mga Asawa, Samantalang ang Kaniyang Misis ay Napakalosyang na

Naimbitahan si Francis kasama ang kaniyang mga katrabaho sa nalalapit na kaarawan ng kanilang big boss. Masaya naman nila itong pinaunlakan dahil maari nilang isama ang kanilang mga asawa.

“Oh sa Sabado ha, wag kayong mawawala, isama niyo mga misis niyo para payagan kayo,” wika ng boss.

“Oo boss pupunta kami, salamat sa imbitasyon ha,” sagot ng isa.

Agad namang ibinalita ni Francis sa kaniyang asawa na si Becky ang tungkol sa dadaluhan nilang salo-salo, sabik na sabik naman ang babae dahil magmula ng siya’y manganak ay naburo na siya sa kanilang bahay.

“Mahal, may pupuntahan tayong handaan sa Sabado.”

“Talaga mahal? Eh paano si baby? Sinong magbabantay?”

“Nasabi ko na yan kay mama, pupunta siya dito sa biyernes ng gabi.”

Ibang-iba ang buhay ni Becky magmula nang mapangasawa niya si Francis at maisilang ang kanilang anak. Napakahigpit nito sa kaniya kaya’t bibihira siyang makapamasyal, nang dumating ang kaniyang supling ay halos napabayaan niya na rin ang sarili. Sa umaga ay naghahanda siya ng almusal, pag nakaalis na si Francis ay nagliligpit siya ng kinainan, naglalaba, namamlantsa at naglilinis habang nag-aalaga ng bata.

“Hay, napuyat nanaman ako kay baby kagabi mahal, tingnan mo ang eyebags ko nangingitim na.”

“’Wag mo kasing patulugin sa hapon para sa gabi diretso ang tulog niya.”

“Pwede ba ‘yon? Kung hindi siya matutulog sa hapon magbubusisi siya at papalahaw ng iyak.”

Hindi na nga niya nagagawang ayusan pa ang sarili at madalas ay napupuyat pa kakahintay sa asawang ginagabi ng uwi.

Sa araw ng okasyon ay halos sabay sabay na nagsidatingan ang mga bisita. Suot ang kanilang magagarang kasuotan, maya-maya pa’y dumating na rin ang kaniyang mga katrabaho kasama ang kanilang mga asawa.

“Uy Francis, si Wena nga pala, asawa ko.”

“Hi, si Becky naman ang misis ko.”

Isa-isang nakilala ni Francis ang mga kabiyak ng kaniyang mga katrabaho at hindi niya maiwasang mainggit dahil napakagaganda ng mga ito kung ikukumpara sa kaniyang asawa. Pakiramdam niya ay si Becky na yata ang pinakalosyang sa lahat ng mga kababaihan.

“Tara na Becky, uwi na tayo,” paanyaya niya.

“Oh, bakit? Halos kakatapos pa lang natin kumain, balita ko ay kakanta pa ang boss mo.”

“Masama na ang pakiramdam ko, halika na.”

Nagpaalam na sila sa mga kasama at dali-daling umalis. Ayaw man ni Becky na umuwi kaagad ay wala naman siyang magawa. Pagdating ng lunes ay tinanong si Francis ng mga katrabaho tungkol sa maaga niyang pag-alis.

“Sumakit kasi ang tiyan ko kaya niyaya ko na si Becky na umalis,” paliwanag niya.

“Sayang, hindi niyo naabutan yung mga singer na bisita ni boss, ang gagaling kumanta.”

Ngunit ang kaniyang matalik na kaibigan na si Harvey ay hindi naniniwala sa kaniyang palusot, halos kasabayan niya ito nang siya ay magsimulang magtrabaho sa kompanya kaya’t mas malapit sila sa isa’t-isa.

“Bro, alam ko nangsisinungaling ka, ano bang nangyari nung sabado? Yung totoo, nag-away ba kayo ni Becky?”

“Hindi bro, ang totoo niyan ay naiinggit kasi ako sa inyo. Ang gaganda ng asawa niyo, ang sesexy, parang mga dalaga. Samantalang si Becky, losyang na losyang.”

“Kinausap mo na ba siya tungkol diyan?”

“Hindi pa, baka kasi magalit siya, alam mo naman ang mga babae.”

“Alam mo bro, ang babae? Parang halaman yan, dapat dinidiligan at inaalagaan! ‘Yong iba nga kinakausap pa eh, baka naman kulang ka sa pag-aalaga kay Becky?”

Naguguluhan man si Francis sa ibig niyang sabihin ay patuloy siyang nakinig sa mga payo ni Harvey.

“”Paanong alaga ba iyan?”

“Dalhin mo siya minsan sa salon, paayusan mo, bigyan mo siya ng allowance para sa mga pampaganda niya, bilhan mo siya ng mga make-up, tapos tulungan mo siya sa bahay, bigyan mo siya ng panahon na magpahinga, lalo na ngayon siguradong puyat siya araw-araw dahil sa baby niyo.”

Naintindihan naman ni Francis ang ibig sabihin ng kaibigan. Kaya’t nang araw na iyon ay ipinasyal niya si Becky at ang kanilang anak sa mall, pagdating doon ay dinala niya si Becky sa salon upang magpaayos.

“Oh mahal, bakit tayo nandito?” tanong ni Becky.

“Napansin ko kasi wala kang oras para makapagpa-salon. Kaya eto, sige magpaayos ka ng buhok, magpa-pedicure ka. Lahat ng gusto mo mahal, ako nang bahala kay baby.”

“Talaga mahal? Naku salamat, angtagal ko ng hinihintay na makapagpagupit ng buhok ko.”

At sa tuwing sasapit ang kaniyang day-off sa trabaho ay tinutulungan niya si Becky sa mga gawaing bahay, siya na rin ang umaasikaso sa kanilang anak nang sa gayon ay maagang makapagpahinga ang kaniyang asawa.

Di nga nagtagal ay unti-unting bumalik ang kagandahan at alindog ng kaniyang asawa. Nagkaroon na si Becky ng panahon upang ayusan ang sarili at hindi malosyang. Labis namang ikinagalak ni Francis ang malaking pagbabago sa kaniyang asawa hindi lamang sa panlabas na anyo kundi pati na rin ang pagbabalik ng masigla at masiyahing si Becky.

Natutunan ni Francis na ang misis ay dapat pangalagaan, tulungan, at hindi pabayaan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement