Inangkin ng Madrasta ang Naiwang Kayamanan ng Kaniyang Yumaong Asawa; Bumaliktad ang Kaniyang Buhay nang Mabuking ang Pinakatatago Niyang Sikreto
“Love, magpakasal na kasi tayo! Ako nang bahala mag-asikaso ng mga papeles natin kung masyado kang abala sa negosyo,” pagpipilit ni Vivian sa kasintahang si Edmun.
“Love, kakausapin ko muna si Erica, alam mo naman ang mga teenager ngayon madaling magtampo.”
“Sige, balitaan mo ako kung anong mapaguusapan niyo ha.”
Dalawang taon ng kasintahan ni Vivian ang byudong si Edmun, nang pumanaw ang asawa nito anim na taon na ang nakakalipas ay naiwan sa kaniya ang anak na si Erica. Nagkakilala ang dalawa sa isang bar kung saan ay nagtatrabaho si Vivian bilang isang waitress at kostumer naman si Edmun.
“Anak, pwede ba tayong mag-usap?” tanong ni Edmun.
“Opo papa, ano po iyon?” sagot niya habang gumagawa ng takdang-aralin.
“Eh nagpaplano na kasing magpakasal ng Tita Vivian mo, ayos lang ba sa iyo yun?”
“Pa, matagal naman ng wala si mama, kung saan ka masaya ay susuportahan lamang kita,” sagot niya.
Niyakap ni Edmun ang anak dahil palagi itong naging mabuting anak sa kaniya, ni minsan ay hindi siya nito binigyan ng sama ng loob at sakit ng ulo. Agad naman niyang ibinalita kay Vivian ang pagpayag ni Erica.
“Love, pwede mo na asikasuhin ang kasal natin, nakausap ko na si Erica at wala raw problema. Ikaw na ang bahala sa mga papeles ha? Masyado akong abala sa negosyo.”
“Mabuti naman love at makakasal na tayo, ‘di na ako makapaghintay na tumira sa mansiyon mo,” sagot ni Vivian.
Isang engrandeng kasal ang ginanap sa hardin ng bahay ni Edmun, dinaluhan iyon ng kaniyang malalapit na kaibigan at mga kamag-anak nila ni Vivian. Masayang masaya naman si Erica para sa kaniyang ama.
“Congrats papa at tita, masaya ako para sa inyo,” wika niya.
“Salamat, Erica! Simula ngayon pwede mo na akong tawaging mommy, para happy family na tayo,” sagot ni Vivian habang binibeso ang dalagita.
Masaya ngang namuhay ang tatlo bilang isang pamilya sa kanilang tahanan, bagaman nagbuhay donya si Vivian ay wala namang naging reklamo si Erica sa kaniyang madrasta.
“Ano ba to yaya, sabi ko ‘di ba ayoko ng maalikabok? Ulitin mo ang paglalampaso!” sigaw ni Vivian sa kasambahay bago magtungo sa kaniyang silid.
“Hayaan niyo na ho, baka mainit lang ang ulo niya ngayon,” bulong naman ni Erica sa kaniya.
Ngunit isang delubyo ang dumating sa kanilang mga buhay nang sa paglipas ng panahon ay unti-unting bumagsak ang katawan ni Edmun, makailang ulit na siyang kumonsulta at nagpatingin sa doktor ngunit lalong lumalala ang lagay ng kaniyang kalusugan.
“Love, ang anak ko ha, huwag mong pababayaan si Erica,” bilin niya sa asawa.
“Love wag kang magsalita ng ganyan.”
“Malapit na ako mawala, mag-iingat kayong dalawa, mahal na mahal ko kayo.”
Nang pumanaw ang lalaki ay naiwan kay Vivia at Erica and ari-arian ni Edmun. Dito na rin nagsimulang lumabas ang tunay na ugali ni Vivian, ang kaniyang pagiging ganid sa kayamanan ay hindi na niya naitago pa.
“Wala bang paraan para mapunta sa akin lahat ng iniwan ni Edmun? Bakit niya pa kasi pinamanahan ang batang iyon?” tanong niya sa abogado ni Edmun.
“Wala talaga Vivian, maliwanag sa huling habilin ng iyong asawa ang mga ari-arian na nararapat para kay Erica.”
Sadya talagang makasarili si Vivian at humanap siya ng bayarang abogado upang mapeke ang mga dokumentong iniwan ni Edmun. Tinanggal niya ang pangalan ni Erica at inilipat sa kaniyang pangalan ang lahat ng kayamanan.
“Paano nangyare ito? Imposibleng walang iniwan sakin si papa kahit piso.” tanong ni Erica sa madrasta.
“Hindi ko din alam Erica, pero dahil akin na ang bahay na ito at wala na ang ama mo ay makakalayas ka na.”
Labis ang paghihinagpis ni Erica nang palayasin siya ng babae sa tahanang kaniyang kinalakihan, hindi niya maintindihan kung bakit walang iniwan sa kaniya ang ama gayong wala naman silang naging alitan nito.
Pinagsumikapan niyang buhayin ang sarili at tapusin ang pag-aaral ng abogasya sa kabila ng lahat ng kaniyang pinagdaanan. Nang makatapos ay pumasok siya bilang isang intern sa isang law firm.
“Erica? Hija, ikaw ba iyan? Aba dalagang dalaga ka na,” wika ni Samuel, ang dating abogado ng kaniyang ama.
“Hi, Tito Sam! Kayo po pala yan.”
“Hindi na kita nadalaw simula nung nailibing ang papa mo, kumusta ka na? Ang factory niyo ng mga damit napapatakbo mo ba ng maayos?”
“Ano pong ibig niyong sabihin? Ang pagkakaalam ko ay walang iniwan na kahit ano si papa para sa akin.”
Laking gulat ni Samuel nang marinig ang kanyang sinabi. Ipinaliwanag niya kay Erica ang nilalaman ng totoong habilin ng kaniyang ama: ang bahay, factory at mga bukirin nila sa probinsya ay sa kaniya iniwan. Samantalang ang isang rest house naman nila sa Tagaytay at maliit na negosyo ang dapat na para kay Vivian.
Sa tulong ng abogado ay nagsampa si Erica ng kaso sa kaniyang madrasta, habang kaniyang pinag-aaralan ang mga dokumento ay nakita rin niya ang records ni Vivian na ni minsan ay hindi naman pala ito ikinasal, nangangahulugan na peke din amg mga dokumento sa kasal nila ni Edmun. Nagulat na lamang si Vivian nang makatanggap siya ng court order.
“Walang katotohanan ang lahat ng binibintang nila sa akin, your honor!” unang depensa niya.
“Narito ang lahat ng papeles na nagpapatunay na dinaya mo at pineke ang kasal niyo ni papa pati na rin ang huling habilin niya na naglalaman ng AKING mga pamana,” mariing sagot ni Erica na inaniban pa ni Samuel.
Ilang buwan silang paulit-ulit na nagbangayan sa loob ng korte. At dahil sa matibay na ebidensya ni Erica ay tuluyang nakulong si Vivian. Lahat ng ari-arian ni Edmun ay inilagay na sa pangalan ni Erica lalo pa’t napatunayang walang saysay ang naging kasal ni Vivian kay Edmun.
“Mabulok ka sa kulungan Vivian. Wala kang awa, hindi mo man lang ako tiniran kahit isa.”
“Erica please, maawa ka, ibabalik ko na ‘yan sayo ‘wag mo lang akong ipakulong.”
Tinalikuran ni Erica ang kaniyang pekeng madrasta at muling umuwi sa dati niyang tahanan. Masaya siya sa kabila ng kaniyang paghihirap ay nabawi niya ang nararapat para sa kaniya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.