Inday TrendingInday Trending
Itinakwil Ko Ang Aking Ina

Itinakwil Ko Ang Aking Ina

“Ma, look ohhh… Kawawa naman ‘yong lola…”

Sinulyapan ni Angie ang itinuro ng anak na si Kael sa kabilang ibayo ng kalsada. Isang matandang babae, na halos pakuba na, ang matiyagang namamasura sa daan. Kinakalkal nito ang basurahang goma, inilalagay sa nanlilimahid na sakong sira-sira ang mga patapong bagay na maaari pang pakinabangan.

Talagang tatawid sila sa kabilang kalsada. Dumaan sila sa pedestrian lane. Habang patawid, napansin ni Angie na may nakataling retaso ng sinirang kamiseta sa kaliwang paa nito. Mukhang nabubog o nakatapak ng matalim na bagay ang kahabag-habag na matanda.

Dahil likas sa puso ni Angie ang pagiging matulungin sa mga nangangailangan, nilapitan niya ito.

“Lola, ayos lang po ba kayo? Napano ho ang paa n’yo?” Usisa ni Angie sa matandang namamasura.

Napatingin ito sa kanya, at nakita niya ang abuhin nitong mga mata. Mga matang nangungusap. Parang nakita na niya ang mga matang iyon subalit hindi niya matukoy kung saan at kung kanino.

“Naku, Ineng… natibo ako kahapon habang nangangalakal… medyo masakit nga…” naiiyak na sagot sa kanya ng matanda. Saka lamang napansin ni Angie na mukhang malinis naman ang lola. Na kaya lamang ito namamasura ay dahil wala na itong ibang paraang maisip upang mabuhay.

Dahil malapit lamang naman ang kanilang bahay, pinagbilinan niya ang matanda, na napag-alaman niyang si Lola Isabel, na sumama ito sa kanila ni Kael sa kanilang bahay upang makakain. Todo ang tanggi ng matanda, subalit sa kapipilit ni Angie ay nagpaunlak na rin. Magiliw ang matanda kay Kael. Nang sila ay nasa tarangkahan na ng kanilang bahay, tumanggi na ang matanda.

“Ineng, hanggang dito na lamang siguro ako, kailangan ko nang umuwi,” sabi ng matanda kay Angie.

“Naku, saan ho ba kayo umuuwi, lola? Mukhang malayo pa po kayo. Saka, baka kailangan pong magamot ang sugat n’yo? Kumain din po muna kayo.”

“Hindi na, Ineng. Hindi na siguro ako tutuloy sa inyong bahay. Nakakahiya,” kiming sabi ni Lola Isabel kay Angie.

Pinilit ni Angie na huwag munang umalis ang matanda at hintayin siya kahit sa kanilang tarangkahan. Matapos papasukin sa loob ng bahay si Kael at ipagbilin sa yaya, kumuha ng pagkain at inumin si Angie. Ibinalot niya ito sa isang espesyal na lalagyan at isinilid sa plastik.

“Pagdamutan n’yo po ito, Lola. Baka po nagugutom na kayo,” nakangiting sabi ni Angie kay Lola Isabel. Iniabot niya rito ang plastik na naglalaman ng mga pagkain.

“Maraming salamat, Ineng…” naluluha na namang pasasalamat ng matanda kay Angie. Pinilit ni Angie na maihatid niya ang matanda sa tinutuluyan nito. Hindi na nagulat si Angie sa kalunos-lunos na kalagayan ng matanda sa tirahan nito. Mas masahol pa sa bahay ng aso ang tinutuluyan nito, na itinayo lamang mula sa pinagtagpi-tagping materyales, sa tabi ng isang abandonadong hardware.

“Bakit dito po kayo nakatira, Lola? Nasaan po ang pamilya ninyo?” untag ni Angie sa nakilalang matanda.

Isinalaysay ng matanda ang kwento ng kanyang buhay. Tiga-Romblon daw ito subalit lumuwas ng Maynila upang hanapin ang naglayas na anak na lalaki, na hindi naman binanggit ang pangalan. Isa raw inhinyero ang anak nito. Lumayas daw sa kanyang poder ang kanyang anak dahil hindi niya maibigay ang mga pangunahing pangangailangan nito sa buhay noong binata pa lamang ito.

Kamakailan daw ay nagkita na sila, subalit imbes na mahabag sa kanya ang anak na lalaki, muli siya nitong itinakwil. Nawalan ng pera si Lola Isabel dahil wala siya ni isang kakilala sa Maynila kaya nagsimula na siyang magpagala-gala at mamasura upang mabuhay sa araw-araw.

Nakaramdam ng galit si Angie sa hinahanap na anak na lalaki ni Lola Isabel. Kung inhinyero na ito ngayon, malamang may pera at may kaya na ito sa buhay. At kung nagkita na pala sila, hindi man lamang nakonsensya at tumanaw ng utang na loob sa kanyang ina!

Kahit na anong pilit at pangungumbinse ni Angie na maisama si Lola Isabel sa kanilang bahay, hindi ito nagpaunlak. Iginalang ni Angie ang pagpapasya ng matanda, basta’t nangako siya rito na muli niya itong babalikan, upang maipagamot ang sugat nito sa pinakamalapit na ospital.

Subalit hindi rin nakatiis si Angie. Hindi kaya ng konsensiya niya ang mga ganitong sitwasyon. Kailangang may gawin siya. Tinawagan niya ang boyfriend na si Paulo na isang inhinyero. Matagal na silang hiwalay ng ama ni Kael. Nagpasundo siya rito upang dalhin sa ospital ang matanda. May sasakyan kasi ito.

Nang dumating si Paulo sa mismong lokasyon na sinabi niyang sunduin siya nito, nangunot ang noo nito nang makita si Lola Isabel. Kitang-kita naman ang pagkabahala sa mukha ni Lola Isabel.

“Huwag po kayong mag-alala, Lola. Siya po ang boyfriend ko, si Paulo. Ihahatid po niya tayo sa ospital para maipagamot ang sugat n’yo sa paa.”

“Kilala ko siya…” sabay na sabi nina Paulo at Lola Isabel.

Takang tinitigan ni Angie si Paulo. “Anong ibig mong sabihin…”

“Hindi ba sinabi ko na sa iyo na lumayo ka na sa buhay ko at lumayo ka sa buhay ng mga mahal ko? Anong ginagawa mo rito? Paano mo nakilala si Angie? Nilapitan mo? Hiningian mo ng tulong?” galit na untag ni Paulo kay Lola Isabel. Tuluyan nang umiyak ang matanda.

“A-anak, p-patawarin mo ako. Hindi ako lumapit sa kanila. Tadhana ang naglapit sa amin. Anak, patawarin mo ako…”

Hindi makapaniwala si Angie. At napagtagni-tagni niya ang lahat. Ang tinutukoy na anak na lalaking inhinyero ni Lola Isabel ay walang iba kundi si Paulo. Si Paulo na kanyang boyfriend. Tiga-Romblon si Paulo, at batay sa kwento nito, ang ina niya umano ay matagal nang sumama sa lalaki nito, na labis niyang kinamuhian.

“Walang kapatawaran ang ginawa n’yo sa Itay. Nang dahil sa inyo, maagang sumakabilang-buhay ang Itay! Inatake sa puso dahil nakita niya kayong nakikiapid sa iba… at ngayon, babalik kayo sa akin? Anong klase kayong ina?! Iniwan n’yo na kami hindi ba?” galit na sumbat ni Paulo kay Lola Isabel.

“Tara na, Angie… umalis na tayo…” aya ni Paulo kay Angie subalit hindi natinag ang girlfriend.

“Hindi ako sasama sa iyo. Kung ganyan lang din ang lalaking mapapangasawa ko at magiging ama ni Kael, pwes, mas mabuti na lamang na maghiwalay na lang tayo. Hindi ko kailangan ng lalaking matigas ang puso para sa kanyang ina.”

Isinama ni Angie si Lola Isabel sa kanyang bahay. Isang buwan na hindi nagparamdam si Paulo. Hanggang sa isang araw, dumalaw ito kay Angie. Nakikipagbalikan. Nagmatigas si Angie. Kailangan munang patawarin at magkaayos ng mag-ina, bago niya ito muling tanggapin sa buhay niya.

Unti-unti, sinubukan ni Paulo na makipag-ayos sa kanyang ina. Tumagal ng isang taon, bago tuluyang nagkaayos sina Paulo at Lola Isabel. Matapos nito, sinubukan naman ni Paulo na ayusin ang nasirang relasyon nila ni Angie dahil sa mga pangyayari. Nakita naman ni Angie ang sinserong pagtanggap at pagpapatawad ni Paulo sa ina, kaya muli niya itong tinanggap sa kanilang buhay ni Kael, hanggang sa sila’y nagpakasal, at nagsama-sama bilang isang pamilya.

Advertisement