Pinagtagpo Ngunit Hindi Itinadhana
Hayskul pa lamang sina Leila at Ronald ay kilala na sila bilang pinakasikat na magkasintahan sa kanilang paaralan.
“Parating na ang pinaka-cute na couple!” sigaw ng isang estudyanteng ‘di kalayuan sa nilalakaran ng dalawa. Agad naman silang tiningnan ng iba pang mga estudyante. Buong-buo ang paghanga nila sa dalawa dahil kahit na pinasok nila ang kanilang relasyon ay hindi ito naging hadlang sa kanilang pag-aaral.
Araw ng kanilang graduation ay nagpalakpakan ang mga tao nang i-anunsyo ng guro na si Leila ang valedictorian habang si Ronald naman ang salutatorian ng kanilang batch.
“Ayan ang couple goal! Hindi nagiging hadlang ang relasyon sa pag-aaral,” pagmamalaki ng guro nito.
Pagkalipas ng ilang taon ay naging isang ganap na manunulat si Ronald, madalas ay maiwan itong gumagawa ng mga akda sa kanilang bahay. Si Leila naman ay naging businesswoman kaya ito ay palaging umaalis ng bansa. Bago umalis si Leila ay sinigurado ng dalawa na nakapagpundar na sila ng pambili ng kanilang bahay at si Ronald naman ay nakapaglagay na ng singsing sa kamay ni Leila.
Natapos ang ilang buwan ay kinailangang umalis ni Leila para sa isang business trip. Sa hindi inaasahang liko ng kapalaran, doon niya nakilala ang lalaking makakapagpabago ng lahat… si Danilo. Sa unang tingin pa lang ni Leila sa lalaki ay nakaramdam agad ito ng kakaibang init sa katawan. Naging napakabilis ng mga pangyayari, dala ng atraksyon nila sa isa’t isa ay agad nang may nangyari sa kanila.
“Bakit may suot kang ganyan?” tanong ng lalake habang nakaturo sa singsing ni Leila.
“Ah ito ba? Galing ‘to sa boyfriend ko, sa ngayon kasi ay nagpupundar pa kami ng pangkasal namin,” sagot naman nito habang nakayakap sa binata.
“Paano tayo niyan? Edi hindi mo na ako matitikman ulit?” pabirong tanong pa nito.
“Kaya nga sulitin na natin habang ‘di pa ako kasal,” natatawang sagot pa ng dalaga sabay sunggab na namang muli kay Danilo.
Ilang linggo matapos ang business trip ni Leila ay dumeretso na ito sa paguwi. Nadatnan nito na magulo ang bahay nila ni Ronald kaya agad itong nagtatalak sa kinakasama.
“Ano ba naman yan, Ronald? Pagod na pagod ako galing trabaho tapos pag-uwi ko, puro kalat lang ang dadatnan ko? Ayan, tingnan mo yung mga papel at energy drink na nakakalat sa sahig! Ang ganda ng sala natin pero nagmukhang bodega!” sigaw nito habang padabog na naglakad papunta sa kwarto nito.
“Aayusin ko ‘yan lahat bago matulog, nagtapos pa kasi ako ng isang libro. Pasensya na,” sagot naman ng binata habang patuloy na nagsusulat ng akdang kasalukuyang pinaghihirapan.
Pagkatapos ng ilang linggo, muling umalis si Leila para sa isa na namang business trip kaya kinuha na ni Ronald ang pagkakataon para magpacheck up. Nagpunta ito sa malapit na ospital at doon na nga nalaman ng binata na meron siyang sakit sa atay dulot ng labis na pag-inom ng energy drink o mga inuming pampagising. Dagdag pa roon ang pagkain niya ng mga pinrosesong pagkain.
“Kakailanganin niyo pong magpa-chemotherapy para gumaling kayo,” sabi ng doctor subalit ito ay tinanggihan ni Ronald dahil sa hindi alam na dahilan.
Makalipas ang ilang araw ay muling umuwi si Leila. Dito, napansin niya ang kanyang nobyo na sumusuka na ng dugo.
“Anong nangyayari sa’yo?” tanong nito habang nag-aayos ng mga dalang gamit.
“Wala ito, na over fatigue lang siguro ako,” matamlay na sabi ng binata. Nilingon niya ang dalaga at doon ay naisipan niyang gawan ito ng libro.
“Next month, may alis ulit ako. Medyo matagal ‘yon pero malaki yung kikitain kaya kailangan kong umalis,” sabi ni Leila. Nginitian lamang siya ng kanyang nobyo kaya hindi na niya ito pinansin at nagtuloy na sa pagtulog.
Lumipas ang mga araw at nagpatuloy lamang ang buhay ng magkasintahan. Si Ronald ay nasa ‘Pinas at pilit na sinasarili ang karamdaman, habang si Leila ay nasa ibang bansa at nagpapakasasa sa piling ng kinakalantari niya.
“Ronald, dahil hindi ka agad nagpagamot, nagkaroon na ng taning ang buhay mo. At sa pagkakatingin ko ay suswertehin ka na kung lalagpas ka ng isang buwan,” malungkot na pahayag ng doktor nang magpatingin si Ronald.
“Hayaan mo na, kahit mas mababa pa sa isang linggo ay ayos na sa akin,” saktong pagkasabi ng binata nito ay bigla siyang nawalan ng malay. Nagmadali siyang isinugod sa emergency room ng doktor.
Pagkatapos ng ilang araw ay nakauwi na si Leila sa kanilang bahay. Dalawang nakakandadong kahon ang sumalubong sa kanya. At habang nagmamasid sa malinis na kapaligiran ay biglang tumunog ang telepono kaya sinagot niya ito.
“Hello? Sino ito?” tanong ni Leila sa kanyang kausap.
“Hi, Leila. Si Dra. Santos ito. Maaari ka bang pumunta dito sa ospital? Tungkol ito kay Ronald,” malamig na sabi ng doktor. Agad itong kinutuban kaya agad siyang nagtungo sa ospital. Pagkarating nito ng ospital ay bumagsak ang mundo nito ng makita ang nobyo na nakahiga sa kama at wala nang buhay.
“Grabe ka. Para saan pa yung mga iyak mo? Hindi mo na mababalik ang buhay niya. Hindi mo na maitatama ang mga kasalanan mo,” nanggigigil na sabi ng doktor. Agad siyang nilingon ni Leila sa gulat.
“Ano bang alam mo? Kung makapagsalita ka e akala mo kung sino ka ah?!” tanong nito sa doktor.
“Sa totoo lang? Lahat. Alam ko ang lahat dahila akin siya nagkukwento ng problema niya sa bahay niyo, sa panloloko mo at sa karamdaman niya,” sagot ng doktor. Magsasalita na sana si Leila ngunit naunahan siya muli ng doktor.
“Pinapaabot nga pala ni Ronald,” sabi pa nito sabay abot ng susi. Umuwi ito saglit para tingnan kung sakto ang susi para sa nakakandadong kahon. Nagulat ito ng mabuksan ang kahon ngunit mas nagulat ito sa mga sulat ni Ronald para sa kanya.
Pagbukas niya ng isang kahon ay doon nakalagay ang titulo ng kanilang bahay at ang closing statement at nagsasabing buo na ang bayad nila dito. Nakalagay rin sa titulo ang pangalan ni Leila at nakaalis na ang pangalan ni Ronald dito.
Napaluhod sa hinagpis itong si Leila. Magsisi man siya’y huli na ang lahat. Sinayang niya lamang ang pagmamahal na sana’y pang habambuhay na. Ang tanging magagawa niya na lang ay ipagdasal ang kaluluwa ng namayapang nobyo, at subukang magbago para sa alaala ni Ronald.