Isang Linggong Pag-ibig
Simula pagkabata ay nasaksihan na ni Marco ang sunod-sunod na pagtulo ng luha ng kanyang matalik na kaibigan na si Christine nang dahil sa mga manlolokong lalaki.
“Ano ba naman yan?! Pang MMK na naman ‘yang lovelife mo. Paulit ulit nalang. Hindi ka ba magbabago?” inis na tanong nito sa kaibigan.
“Alam mo naman na sobrang mahal ko yung tao e. Teka, bakit mo ba ako pinapagalitan? ‘Di ba dapat dinadamayan mo ako?!” sagot naman ng dalaga.
“Dinadamayan nga kita. Pero syempre papagalitan din kita. Kasi nga kaibigan kita, Christine. Ayaw kong nakikita kang umiiyak. Syempre kahit papaano, kahit magkaibigan tayo, mahal kita. Ayaw kong nasasaktan ka,” paliwanag naman ni Marco habang hinihimas ang likod ng dalaga. Agad naman siyang niyakap nito dahil sa labis na lungkot na nadarama. Habang yakap yakap ni Marco ang dalaga ay naramdaman niya ang biglaang pagbigat nito. Napansin na lamang niya na nakatulog na pala ang dalaga.
“Hello po, tita? Si Marco po ito. Itatanong ko lang po sana kung nasa bahay kayo, ihahatid ko lang po sana si Christine d’yan,” tanong ni Marco sa ina ni Christine habang kausap sa telepono. Agad naman itong sinang-ayunan ng ina ng dalaga kaya dahan-dahan na inilapag ni Marco ang kaibigan sa sofa at lumabas para magtawag ng taxi.
Pagkarating nila sa bahay ni Christine ay agad silang sinalubong ng ama ng dalaga at mga kapatid nito.
“Marco, anong nangyari sa anak ko? Bakit ganito?” nag-aalalang tanong ng ama.
“Tito, kasi po yung anak niyo. Nakita yung bago niyang kasintahan sa mall na may kasamang ibang babae. Ayun po, nagpunta siya agad sa bahay para po umiyak. Nahihiya po kasi siya sa inyo,” paliwanag nito habang dahan-dahang inaabot ang dalaga sa mga kapatid nito. Habang pinagmamasdan papalayo ang kaibigan ay muling kinausap ng ama ni Christine ang binata.
“Bakit hindi niyo subukan na maging kayo?” tanong nito. Nagulat naman ang binata sa tanong na kanyang narinig kaya halos mapaupo ito sa sahig.
“Kahit minsan hindi po yan dumaan sa aking isipan pero dahil sinabi niyo yan, habang buhay ko na iyang hindi malilimutan. Matagal na po kaming magkaibigan ni Christine. Ayaw ko pong masira yun dahil sa gantong dahilan,” nahihiyang sagot ni Marco habang unti-unting bumabalik sa kinatatayuan.
“Yun nga, bakit hindi niyo gawing pundasyon ng relasyon niyo ang pagiging magkaibigan niyo? Simula pagkalipat namin dito, magkaibigan na kayo. Nagpatayo pa nga ako ng playground sa likod ng bahay para may paglaruan kayo noon. Isa pa, kilalang kilala mo na ang anak ko. Alam mo na ang mga gusto at ayaw niya,” sabi pa ng ama ni Christine. Nagulat naman ang binata sa sinabi ng ama kaya napaisip ito sa pabor ng ama ng kaibigan niya.
“Pag-iisipan ko po yan,” sagot nito sabay tango. Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay tuluyan ng umalis si Marco sa bahay nila Christine. Pagkauwi nito ay hindi pa rin mawala sa isip niya ang pabor na hinihiling ng ama ng kaibigan.
“Mama, mababaliw na ako kakaisip. Tulungan mo po ako. May itatanong ako sa iyo,” tanong ni Marco sa ina habang pinapanood itong mag-ayos ng kanilang pagkain.
“Diyos ko! Sabing ‘wag mo akong gugulatin, Marco. Malilintikan ka sa akin. Ano ba yang tanong mo?” gulat na tanong nito sabay palo sa braso ng anak.
“Aray! Mama naman e. Sa tingin mo bagay kami ni Christine? Magtatagal kaya kami?” tanong nito sa ina habang hinihimas ang kaniyang braso. Nagulat naman ito sa hindi inaasahang reaksyon ng ina.
“Aba’y oo naman. Alam mo naman na sobrang boto ako d’yan kay Christine. Pakiramdam ko nga ay kayo na pero hindi niyo lang sinasabi. Bakit anak? Liligawan mo ba?” nakangiting sabi ng ina na sinabayan pa ng pangasar na kindat.
“Secret!” malokong sagot naman ng binata sabay takbo sa kwarto nito. Dahil sa tulong ng kanyang ina ay napadali ang pagdedesisyon ng binata.
Isang linggo ang lumipas ay muling nagkita ang magkaibigan sa isang kainan malapit sa bahay nila.
“Christine, kumusta ka na? Ok ka na ba?” nag-aalalang tanong ni Marco sa kaibigan.
“Oo, okay na ako. Madali lang naman pala na kalimutan siya,” nakangiting sagot naman ng dalaga.
“Christine, may imumungkahi ako. ‘Wag kang tatawa ha! Subukan lang naman… Kung ayaw mo, okay lang! Paano kung subukan natin maging tayo ng isang linggo?” dali-daling tanong nito sabay takip ng tenga para hindi marinig ang sagot ng kaibigan. Agad naman itong tinanggal ni Christine para iparinig ang kanyang sagot.
“Sus! Saang palabas mo na naman nakuha ‘yan?! O sige ba! Pero paano kung hindi tayo umubra? Saka paano naman kapag naging okay?” nagtatakang tanong nito.
“Kung hindi, e ‘di friends lang talaga. Kung magwork, e ‘di much better ‘di ba?!” nakangiting sabi naman ni Marco. Agad naman itong sinangayunan ni Christine dahil ipinaliwanag ni Marco ang mga balak nila sa isang buong linggo.
Nang magkasundo sa pakikipagrelasyon ni Christine sa binata ay dinala niya ito sa kanilang bahay para ipakilala bilang nobyo sa kanyang mga magulang. Pagkatapos ay ipinakilala naman ni Marco ang dalaga sa kanyang ina bilang nobya. Tila’y parang bata na kinilig ang parehong magulang ng bagong magkasintahan dahil matagal na silang umaasa na silang dalawa ang magkakatuluyan.
Sa unang araw ng kanilang relasyon ay kumain sila sa bahay nila Christine ng hapunan kasama ang ina ni Marco.
“Ang saya naman no? Pagkatapos ng ilang taon ay nagkasama sama ulit tayo na kumain sa iisang lamesa. Natatandaan ko pa dati noong mga bata pa lamang ang dalawang ito, palagi tayong nagpipicnic ng magkakasama,” masayang sabi ng ina ni Christine.
“Kaya nga e! Na-miss ko kayo, na-miss ko ‘yong ganito. Ngayon kasi ay puro na lang ako trabaho para sa pamilya ko,” sagot naman ng ina ni Marco. Napuno ang kanilang gabi ng kwentuhan at tawanan.
Sa sumunod na araw ay nagkita muli ang magkasintahan sa kainan at dito ay kinausap ni Christine ang kanyang nobyo.
“Marco, pwede ko bang mahirap ang cellphone mo?” tanong nito sabay abot ng mga palad sa binata.
“Oo naman. Heto oh. Ano palang gagawin mo?” sagot naman ni Marco habang inaabot ang telepono sa nobya. Hindi siya sinagot nito subalit patuloy ang paghahalungkat sa phone ni Marco. Nagulat na lamang ang binata ng may luha na tumulo sa mga mata ng dalaga.
“Bakit ka umiiyak?” gulat na tanong nito at dali daling tinabihan ang dalaga.
“Wala lang. Akala ko dahil matagal na tayong magkaibigan tapos ngayon magkasintahan na, ay magiging tapat ka sa’kin. Pero parang hindi pala…” panimula ng dalaga.
“Ang dami mong kinakausap na babae sa chat tapos puro kaibigan ko pa. Hindi ko na binuksan mga messages mo sa kanila dahil parang hindi ko kaya. Tapusin nalang natin itong isang linggo at maging magkaibigan na lang tayo. Pangalawang araw pa lang pero ganito na. Hindi tayo uubra kung kagaya ka lang din ng mga dati kong naging kasintahan. Hanggang dito na lang ang pagpapanggap natin, Marco,” sabi ng dalaga sabay alis sa harapan ni Marco.
Tumakbo ito papalayo hanggang makauwi ng kanilang tahanan at hindi na nagkaroon ang binata ng pagkakataong makapagpaliwanag.
Nang maiwan si Marco na mag-isa, tumayo ito at tuluyan na rin na umalis at dumeretso na sa kanyang tahanan. Hindi pinansin ni Christine ang mga tawag at text ni Marco hanggang sa huling araw ng kanilang napagkasunduang isang linggong pag-ibig. Nang palabas na ang dalaga sa kanyang kwarto ay nagulat ito nang madatnan ang kanilang sahig na punong-puno ng mga rosas at kandila. Nandito rin ang mga kaibigan niya na nakita niyang kausap ng kanyang kasintahan.
“Bakit kayo nandito? Anong ginagawa niyo?” gulat na tanong nito sa isang kaibigan.
“‘Wag ka nang magtanong, friend. Suotin mo nalang itong damit na ito tapos hihintayin ka namin na matapos sa pagbibihis mo,” sagot naman ng kaibigan. Dahil walang ideya sa nangyayari si Christine ay agad itong nagbihis para malaman ang ganap sa kanilang bahay. Paglabas niya ng kwarto ay agad siyang inalalayan ng mga kaibigan nito pababa sa sala. Laking gulat nalang nito ng madatnan ang mga magulang na nagiintay sa baba.
“Mommy? Daddy? Anong nangyayari? Bakit kayo naka-ganyan? Bakit ako naka-ganito? Bakit nandito yung mga kaibigan ko?” nagugulumihanang tanong ng dalaga nang mapansin ang magagarang kasuotan ng mga taong nakapaligid sa kanya.
“Ang dami-dami naman ng tanong mo! Bakit hindi mo tanungin yung nobyo mo?” nakangiting sagot ng ama nito. Nagulat na lamang si Christine nang biglang bumukas ang pintuan ng bahay nila at bumungad si Marco na nakabihis pormal habang may hawak-hawak na isang bugkos ng paborito niyang bulaklak.
“Ngayon na ang huling araw natin bilang magkasintahan kaya pinaghandaan ko ito ng sobra. Pasensya na kung akala mo na nambababae ako, ang totoo niyan ay nagpapatulong ako sa kanila para surpresahin ka ngayon. Ayaw ko kasing maging girlfriend ka ng isang linggo lang. Gusto ko’y maging akin ka hanggang pagtanda. Kaya ako nandito ngayon ay para pormal na ligawan ka sa harapan ng mga magulang at kaibigan natin. Christine, pwede ba kitang maging girlfriend?” buong pusong sabi ni Marco dahilan ng sabay-sabay na hiyawan ng mga tao na nakapaligid sa kanila. Buong puso naman itong tinanggap ng dalaga, kaya naman ang araw ng kanilang paghihiwalay ay araw rin ng panibagong simula ng kanilang relasyon bilang tunay na magkasintahan.
Ika nga ng iba, napaka-swerte nila sa isa’t-isa. Dahil may bespren ka na, may kasintahan ka pa!
Natutunan ng dalaga na hindi na kailangan pang lumingon kung saan-saan upang maghanap ng pagmamahal, dahil ang tunay na pag-ibig ay kusang lumalapit kung ito’y talagang itinadhana.