Nakakunot ang noong tinitingnan ni G. Richard de Leon, guro ng asignaturang Filipino sa Grade 4, ang listahan ng attendance ng kanyang mga estudyante.
“Uy, sir, ang aga-aga na namang nakakunot ang noo mo. Problema?” Untag sa kanya ng kapwa-gurong si Bb. Anne Acosta, guro sa asignaturang HEKASI.
“Eh kasi, napapansin kong yung dalawang estudyante kong magkapatid, halinhinan kung mag-absent. Pinadalhan ko na ng sulat yung mga magulang para ipatawag, pero hindi sumisipot. Kapag tinatanong ko naman sa kanila, wala raw oras ang Nanay at Tatay nila.”
Bukod sa pagiging guro ng asignaturang Filipino ay gurong tagapayo rin si G. de Leon sa pampublikong paaralan. Sa sampung taon ng pagtuturo, alam na niya ang sistema. Sa loob ng klase, may halos 60 ang kanyang mga mag-aaral. Sanay na siyang may mga mag-aaral na sa kalagitnaan ng school year ay bigla na lamang mawawala dahil pinahihinto ng kanilang mga magulang, na maaaring dahil sa kahirapan.
Sa 60 niyang mag-aaral, dalawa sa kanila ang nakatawag ng kanyang pansin. Ito ay ang magkapatid na sina Allan at Nuelan. Parehong maliit, parehong payat, at halos magkamukha. Subalit sa talakayan sa klase, napansin niyang mas aktibo si Nuelan kaysa kay Allan. Lagi itong nagtataas ng kamay. Lagi ring sumasagot sa mga biglaang resitasyon. Si Allan naman ay kimi lamang.
Batay sa kanyang pagtatanong sa magkapatid, ang kanilang Tatay ay walang regular na trabaho. Paekstra-ekstra lang. Ang Nanay naman nila, isang maybahay lamang na tumatanggap ng paminsan-minsang mga labada. Wala silang ibang pinagkakakitaan.
Hanggang sa mapansin ng guro na salitan kung lumiban sina Allan at Nuelan. Tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes pumapasok si Nuellan habang si Allan naman ay Martes at Huwebes. Kapag tinatanong naman niya ang magkapatid, sinasabi lamang nito na minsan, hindi sila pinapapasok ng kanilang Tatay dahil kailangan nito ng tulong nila sa trabaho, o kaya naman ay may sakit ang kanilang Nanay.
Isang araw, may napansin si G. de Leon kina Allan at Nuelan. Napansin niyang iisa lamang ang sapatos na kanilang suot sa tuwing papasok sa eskwela. Mataman itong inobserbahan ng guro. Napagtanto niyang kaya siguro salitan kung lumiban ang magkapatid ay dahil iisa lamang ang sapatos nila, at halinhinan nila itong ginagamit. Isang pagpapasya ang nabuo sa isipan ni G. de Leon. Kailangan niyang tanungin at kumpirmahin ito sa magkapatid.
Subalit kinabukasan, ni si Allan o si Nuelan ay hindi pumasok sa eskwela. Nabahala si G. de Leon. Baka may nangyari sa kanyang mga mag-aaral. Nabuo ang isang pagpapasya. Kailangan niyang magsagawa ng home visitation.
Batay sa kanyang record, tinalunton niya ang nakalagay na tirahan ng magkapatid na Allan at Nuelan. Halos sumuot siya sa mga masisikp na eskinita, bago niya matunton ang munting barong-barong na tirahan ng mga ito. Nagulat si Nuelan nang makita siyang paparating.
“Ginoong de Leon! Kuya Allan, narito ang guro!”
Agad na pumasok si Nuelan sa loob ng kanilang tirahan, at mabilis pa sa kidlat na inalis ang mga nakakalat na damit sa kanilang sahig. Nagulantang din si Allan, lalo na ang kanilang ina.
“Naku sir, napadalaw ho kayo? Nakakahiya naman, pasensya na po kayo’t makalat sa aming bahay,” nahihiyang sabi ng ina ng mga bata. Inutusan niya si Allan na bumili ng softdrinks at tinapay sa tindahan.
“Nagpunta ho ako rito para alamin po ang dahilan kung bakit halinhinan po ang pagliban nina Allan at Nuelan. Napakahuhusay po nilang mga mag-aaral.”
Malungkot na yumuko si Nuelan. Nagpaliwanag naman ang kanilang ina.
“Sir, pasensya na po. Hindi na po sila nakapasok dahil…. dahil nasira po ang sapatos na pareho nilang ginagamit. Umulan po kasi kagabi. Hindi na po kinaya ng pandikit. Bumigay na po,” paliwanag ng ina ng dalawa. Inutusan nito ang nahihiyang si Allan na kunin ang kanilang sirang sapatos.
Nakumpirma ng guro ang kanyang hinala na iisa lamang ang sapatos na ginagamit ng magkapatid sa eskwela, kaya halinhinan itong lumiliban, dahil hindi maaaring sabay nila itong gamitin.
Nabagbag ang kalooban ng guro. Inilabas niya ang kanyang pitaka, at iniabot ang isang libong piso sa ina ng magkapatid.
“Ibili n’yo po iyan ng sapatos ng mga bata. Ang matitira po, para na po sa inyo. Sayang po ang galing nila kung hindi po sila papasok sa eskwela. Huwag n’yo na lamang po itong ipagsabi sa kahit kanino,” bilin ni G. de Leon sa ina ng mga bata, subalit ang kanyang mga tingin ay kina Allan at Nuelan.
Kinabukasan, habang nagtuturo si G. de Leon ng hinggil sa pang-uri, nakangiting nagtaas ng kamay sina Allan at Nuelan. Humihingi si G. de Leon nang halimbawa ng pangungusap na may pang-uri.
“Ang sapatos ni Allan ay napakaganda.” Sagot ni Nuelan.
“Ang guro namin sa Filipino ay mabuti.” Sagot naman ni Allan.
Napangiti si G. de Leon at nagpalakpakan ang buong klase. Sa mga ganitong pagkakataon, kahit mahirap, masaya pa ring maging guro.