Nasa Huli Ang Pagsisisi
Dahan-dahan at patiyad na lumakad si Leslie papasok sa kanilang bahay. Madilim na sa buong kabahayan dahil madaling-araw na. Galing siya sa isang party na dinaluhan ng kanyang barkada. Tumakas lamang siya. Mabuti na lamang at nakapagpa-duplicate siya ng susi ng kanilang pintuan. Sa mga ganitong pagkakataon na may gimik ang barkada, nakakasama siya.
Nagulat si Leslie nang siya ay pahakbang pa lamang sa unang baitang ng kanilang hagdanan. Bumukas ang ilaw sa sala, at sa laking pagkagulat niya, nakatambad sa kanyang harapan ang inang si Sedes; nakapamaywang, at may hawak na mahabang sinturon.
“At saan ka galing, babae ka? Uwi ba ito ng matinong babae?”
Hindi na nakapagpaliwanag pa si Leslie dahil sumayaw na sa hangin ang mahabang sinturon na pagmamay-ari ng kanyang ama, patungo sa kanyang katawan. Hinding-hindi iyon malilimutan ni Leslie.
Simula noon ay lalong nakaramdam ng pagkamuhi si Leslie sa kanyang ina. Tatlo silang magkakapatid. Ang kanyang ate na si Lorena ay nakapag-asawa na. Magna Cum Laude ito nang magtapos sa kolehiyo, at laging napupuri ng kanilang mga kamag-anakan at mga kaibigan ng kanyang pamilya.
Ang kuya naman niyang si Joross ay napakahusay sa Science. Nang makapagtapos ito sa kolehiyo ay nagtrabaho na kaagad sa Department of Science and Technology o DOST. Single pa ito, subalit minabuting bumukod ng tirahan. Agad namang pumayag ang kanyang mga magulang. Sa panahong ito, nangibang-bansa naman ang kanilang ama sa Saudi dahil nadestino ito roon sa kompanyang pinagtatrabahuhan.
At siya, si Leslie, na kahit kailan ay hindi naging mahusay sa Science, o kaya naman ay nagkaroon ng pinakamataas na karangalan sa eskwela, siya ang laging kinagagalitan ni Aling Sedes. Pakiramdam ni Leslie, siya ang “black sheep” ng pamilya. Mahilig kasi siya sa pakikipagkaibigan dahil mahusay siyang makisama. Laging litanya sa kanya ni Aling Sedes na kababae niyang tao subalit parang hindi gayon ang kanyang mga ikinikilos. Lagi siyang pinagagalitan nito, lalo na kapag hindi siya naghuhugas ng mga pinagkainan.
Sinisita rin siya nito sa tuwing may binibili siyang bagong damit o gamit, na kailanman ay hindi nito ginawa sa mga nakatatandang kapatid. Palibhasa, hindi naman maluho sa mga gamit sina Lorena at Joross. Sasabihin ng kanyang ina, “Hindi mo gayahin ang ate at kuya mo!” Naririndi na siya kapag naririnig ito.
At ngayon nga, dahil sa ginawa niyang pagtakas sa dis-oras ng gabi, at pamamalo sa kanya ng ina, lalong naglatang sa puso ni Leslie ang pagkamuhi. Gusto niyang magrebelde. Gusto niyang takasan ang lahat. Pakiramdam niya, siya lamang mag-isa at wala siyang kakampi. Walang may paborito sa kanya kundi ang kanilang ama. Aminado siyang mas malapit ang kanyang loob sa kanilang amang si Mang James.
Minsan, nagvideo call si Leslie kay Mang James. Iniiyak niya rito ang lahat. Subalit pinagsabihan siya nito na huwag bigyan ng sakit sa ulo ang nanay, dahil ang kailangan nito ay pag-aalaga.
“Pa, kailan ka ba kasi uuwi? Ikaw lang ang kakampi ko rito. Umuwi ka na kasi…”
“Anak, hindi pa ako pwedeng umuwi diyan. May mga gastusin pa tayong kailangang pag-ipunan. Magpakabait ka riyan. Huwag mong bibigyan ng sama ng loob ang Mama mo. Huwag mong hayaang mapagod.”
“Pa, okay na naman tayo financially. Bakit kasi kailangan mo pang mangibang-bansa riyan? You are the manager sa company n’yo. You have the all rights to decide for yourself and give the task to your subordinates.”
“Leslie, anak… mauunawaan mo rin ang lahat. Basta, promise me, you’ll be a good girl, okay?”
Tumango na lamang si Leslie.
Subalit simula nang mangyari ang insidente ng pamamalo, hindi na kinikibo ni Leslie ang kanyang ina. Hindi na niya ito sinasabayan sa almusal, kahit na pinaglulutuan pa siya nito.
Hindi rin niya kinukuha ang baong inihanda para sa kanya. Nagsimula na ring mag-ipon ng pera si Leslie. Balak na rin niyang bumukod katulad ng ginawa ng kanyang kuya. Tutal, malapit na rin siyang magtapos sa Senior High School. Hindi na rin siya humahalik dito kapag umaalis ng bahay.
Hanggang isang araw, habang nasa paaralan si Leslie ay nabalitaan niyang nasa hospital ang kanilang ina, mula sa kanilang kasambahay. Sumambulat kay Leslie ang lahat. May malubhang sakit sa dugo pala si Aling Sedes. Kaya pala nangibang-bansa si Mang James para sa pagpapagamot nito.
Nilapitan niya ang kanyang ina. Umiiyak siyang yumakap dito.
“Ma, sorry po… hindi ko po sinasadyang saktan kayo at maging pasaway sa inyo.”
Kahit hirap na hirap, niyakap din siya ng inang nakaratay sa kama.
“Anak, patawarin mo rin ako sa mga nagawa ko sa’yo. Sorry for being a very protective mother. Mahal na mahal kita. At proud ako sa iyo.”
Limang buwan ang lumipas ng pakikipaglaban sa sakit, tuluyang namaalam ang kanilang ina. Sa harap ng libingan ni Aling Sedes, ipinangako ni Leslie na magtatapos siya ng pag-aaral at magiging proud sa kanya ang kanyang pamilya, lalo na ang namayapang ina.
Kumuha siya ng kursong Nursing sa kolehiyo. Gusto niyang makatulong sa mga taong may iniindang karamdaman, dahil hindi niya ito nagawa sa kanyang ina. Lumipas pa ang maraming mga taon at ganap nang naging nurse si Leslie. Ibinigay niya ang kanyang tapat at hindi matatawarang serbisyo sa mga pasyente. Malambot ang kanyang puso sa mga inang pasyente dahil naaalala niya ang kanyang ina. Alam niya sa sarili niyang proud sa kanya ang namayapang ina, at siguradong nagbubunyi sa langit.