Ang Mapanghusgang Ina
Basta sa tsismisan ay palaging nariyan si ALing Baby – madalas nitong ikwento sa kaniyang mga kumare ang unico ijo niyang si Benjamin. Seaman si Benjamin at siyang kasalukuyang kumukuha ng exam upang maging kapitan kung kaya’t ganoon na lamang kataas ang tingin ni Aling Baby sa anak.
Laging bukambibig ni Aling Baby sa anak na dapat ay may kaya rin ang mapangasawa nito upang makapantay sa kaniyang katayuan sa buhay, kung kaya’t halos mag usok ang ilong nito sa galit nang malaman niyang ang nobya ni Benjamin ay si Nene, ang katulong ng kanilang mayamang kapitbahay.
Kinausap ni Aling Baby ang anak, nais niyang makipaghiwalay si Benjamin kay Nene.
“Pero Mama, mahal na mahal ko si Nene at mahal din niya ako. Mabait siya, masipag, magalang, at karespe-respeto. Isa man siyang katulong, hindi ‘yon sukat ng pagiging tao niya. Bakit ayaw n’yong maging nobya ko siya?”
“Hindi kita iginapang sa pag-aaral upang makapangasawa lamang ng isang katulong, Benjamin. Hindi ako makapapayag. Dapat ay mayaman rin o may kaya man lang ang mapangasawa mo, hindi isang hamak na katulong lamang.”
“Pero, mama nagsisikap si Nene. Hindi naman kabawasan sa kaniyang pagkatao kung siya’y mahirap.”
“Pero hindi siya mayaman! Tapos na ang usapang ito. Ang nais ko ay makapangasawa ka ng mayaman o may kayang babae. Huwag mo sana akong bibiguin.”
Tumahimik na lang si Benjamin upang huwag nang humaba pa ang pagtatalo nila ng ina. Nag-iisa siyang anak, at simula nang mawala ang kaniyang ama ay nangako siya sa sariling magiging masunurin sa kaniyang ina.
Mula noon, naging madalang na ang pagkikita ni Benjamin at Nene. Sa kabutihang palad, sa maagang edad ay nakapasa sa pagiging kapitan ng barko si Benjamin na siyang kinailangang agad na magreport at magtrabaho.
Si Nene naman ay umuwi na sa kanilang probinsya – ang naipon nitong pera bilang isang katulong ay siyang gagamitin ng dalaga upang makapagtapos ng kolehiyo.
Mahigit tatlong taon ang mabilis na lumipas at kahit ni isang sulat ay walang natatanggap si Aling Baby mula sa anak. isang araw ay may natanggap na sulat ang ginang – galing ito kay Benjamin na siya nang nakapangasawa ng isang Australyana. Nasasabi sa isang bahagi ng sulat:
“Mama, may nakilala ho akong babae sa isang byahe namin pa-Australia. Nabuntis ko siya at ngayon ay mag aanim na buwan na ang aming anak na lalaki. Napakayaman ho ng kanilang pamilya na siyang may ari ng ekta-ektaryang lupa at mga bahay paupahan doon. Nasa Maynila kami at naka check-in sa isang mamahaling 5-star hotel. Kalakip ng liham an ito ang ten thousand pesos para sa pamasahe at room accommodation, pati na ang address na inyong pupuntahan. Mag iingat ho kayo at aasahan ko ang inyong pagdating sa Miyerkules.”
Sabik na niyakap ni Aling Baby ang sulat na siya niyang hinintay sa loob ng tatlong mahabang taon. Linggo pa lamang no’n ngunit nag empake na si Aling Baby ng kaniyang mga kakailanganin.
Nang dumating ang araw na pinakahihintay ng ginang ay maaga itong gumising at siyang mag isang bumyahe patungong Maynila. Pusturang pustura itong dumating sa hotel at agad na hinanap ang pangalan ng kaniyang anak sa logbook ng reception. Dumiretso ito sa room number na sinabi sa kaniya ng staff at bumungad dito ang yaya ng kaniyang nag iisang apo. Binilin nito na sa kabilang kwarto tumuloy at gamiting pambayad ang ipinadalang pera ni Benjamin. Sinabi rin ng katulong na sa Biyernes ng gabi pa ang uwi ng kaniyang anak.
Bago pa man makapasok nang tuluyan sa kwarto ay lumabas mula sa kanilang unit ang asawa ni Benjamin na si Kylie – napakaganda nito at mestiza. Nakangiti na sanang sasalubungin ito ni Aling Baby ngunit laking gulat niya nang tingnan siya nito mula ulo hanggang paa at saka dumiretso sa elevator. Hindi manlang nito binati ang manugang at mukha pang hinahamak siya nito. Inabangan ni Aling Baby ang pagbabalik ng manugang. Nang magsasalita na sana ito ay siyang pormal na nagbitaw ng salita si Kylie.
“Benjamin will come home in a few days, stay there at your room until he comes home,” sambit nito at saka inutusan ang katulong na tulungan ang ginang sa kaniyang mga gamit.
Mahigit dalawang araw na si Aling Baby sa kwartong iyon, sa tuwing kakain si Kylie ay sumasabayito ngunit kahit minsan ay hindi sila nakapag-usap – hindi rin kahit kalian nakita ni Aling Baby ang apong si Clyde.
Nang dumating ang araw ng Biyernes ay lumabas ng kuwarto si Kylie kasama ang apo ni Aling Baby. Agad na lumapit ang ginang at sabik na sinilip at hinaplos ang kaniyang apo ngunit nanlaki ang kaniyang mga mata nang pagalit na nagsalita ang manugang.
“Get off! My son might get an infection from your dirty hands!” sumakay ito ng kotse. Bago pa man ito umalis ay binuksan nito ang bintana ng sasakyan. “Here’s your money, Benjamin won’t be coming home until next month. You better go back to where you came from,” dagdag ng Asutraliyanang asawa ni Benjamin at saka tila nagsabog ng perang may halagang sampung libong piso sa mukha ni Aling Baby.
Magkahalong galit at lungkot ang naramdaman ng ginang habang pinupulot nito ang perang nagkalat sa parking ng hotel. Umiiyak itong bumalik sa kaniyang kwarto at saka nag empake ng kaniyang gamit.
Sa taxi papunta ng pier ay iniisip ni Aling baby ang kaniyang nag iisang anak. Tila umiiwas ito at hindi niya sigurado kung ito ba’y maaya sa kaniyang buhay may asawa. Maligaya kaya si Benjamin sa piling ng mayamang asawa ngunit pangit ang ugali? Kung si Nene ang nakatuluyan ng kaniyang unico hijo, kapiling pa kaya niya ang anak? Ilang mga apo kaya ang kaniyang nahahagkan ngayon?
Sising-sisi si Aling Baby. Alam niyang siya ang naging dahilan kung kaya lumayo ang loob ni Benjamin sa kaniya at natitiis siya nito. Kung hindi naging mapanghusga si Aling Baby, sana’y nakita niyang higit ang halaga ng magandang ugali kaysa sa materyal na kayamanan.