Inday TrendingInday Trending
Pinili ng Binata ang Pamilyang Nagtaguyod sa Kaniya Kahit Inalok ng Mas Maginhawang Buhay ng Kaniyang Tunay na Ama

Pinili ng Binata ang Pamilyang Nagtaguyod sa Kaniya Kahit Inalok ng Mas Maginhawang Buhay ng Kaniyang Tunay na Ama

Hapon na at kakalabas lamang ni Dave sa eskwelahan. Gutom na gutom na ang binata kaya naisipan muna niyang bumili ng tusok-tusok sa may eskenita.

“O, nagugutom din pala ang mga putok sa buho?” alaska ni Israel, ang pinakabully sa kanilang eskwelahan.

“Baka naman hindi niya kayang kumain sa kanila habang nandoon ang mga t*mboy niyang magulang! Dude, dalawang babae naghahalikan! Kahit ako masusuka!” dagdag pa nito at sabay-sabay na nagtawanan ang mga kaibigan ng lalaki.

“Anong gusto mo? Manghihiram ka ng mukha sa aso?” baling ni Dave at binaba ang kaniyang bag tsaka umaktong sasapakin si Israel nang mabilis na humarang si Olivia.

“Dave, huwag mo nang patulan. Wala kang mapapala tapos masususpinde ka pa. Tandaan mo malapit ka nang magmartsa,” sabi ng dalaga.

“Pre, may backup ka kaagad ng student council kahit nasa labas? Ang lapit mo talaga sa Diyos!” sigaw namang muli ni Israel at lalo pang nagtawanan ang mga barkada nito.

Tinignan na lang ng masama ni Olivia ang lalaki tsaka nito hinatak si Dave palayo.

“Ano ba, Olivia! Tigilan mo na nga. Hindi naman kita nobya. Tsaka tigilan mo na ‘yong pagsalo sa akin palagi kapag may mga ganoong gulo. Kaya ko na ang sarili ko!” bulyaw ni Dave at pilit na bumitiw sa pagkakahawak ng babae.

“Sige, titigilan ko. Titigilan ko na kapag nakapagmartsa ka na! Ilang buwan na lang at magtatapos na tayo. Sasayangin mo lang bang iyon? Ilang beses ka na bang napatawag sa guidance nang dahil diyan sa pakikipagbasag ulo mo? Diyos ko, Dave! Alam kong kababawan itong ginagawa ko pero sige. Oo na. Gusto kita at hindi ako susuko,” baling naman agad ni Olivia sa lalaki.

Magkaklase at magkababata ang dalawa. Matagal na ring may gusto ang dalaga sa kaniyang kaibigan ngunit nililihim niya lang ito.

“Gusto mo bang pagtawanan ka? Na ‘yong lalaking gusto mo walang magulang? Putok sa buho? Gusto mo pa yatang dumagdag sa dalawang babae na meron ako sa buhay ko. Tama na,” malungkot na pahayag Dave sabay tingin sa malayo.

Umalis si Dave at naiwan na namang nagsisigaw si Olivia. Napakakulit ng dalaga. Pero gusto man ito ng binata ay ayaw niyang madamay sa kahihiyan ang kaibigan. Tama na raw na siya lang ang pinagpipiyestahan ng tsismis.

“Anak, mayroon nga pa lang gustong kumausap sa’yo. Nasa loob na siya ng bahay,” wika ni Pablo, ang kinakasama ng kaniyang nanay at ang tumayo na ring ama sa kaniya.

“Sino?” tanong ng binata. “Tatay mo raw,” mahinang sabi nito sabay yuko.

Agad na tinignan ni Dave ang reaksyon ng mukha ni Pablo at nakita niya ang lungkot sa mukha nito.

“Ano raw ginagawa dito?” tanong niyang muli. “Kukuhanin ka na raw tsaka sabi ng mama mo sa akin na lagi ka nga raw napapaaway sa eskwela dahil sa relasyon namin. Pasensya ka na, Dave. Sana maintindihan mong nagmahal lang din ako,” sagot naman ni Pablo sa kaniya.

Hindi niya alam kung matutuwa ba siya dahil may tatay na siyang maipapakilala o malulungkot siya dahil nararamdaman niya ang lungkot ng taong tumayong tatay niya sa loob ng labing limang taon.

Isang bayarang babae ang kaniyang nanay at nabuo siya sa isang lalaking may asawa na. Hindi na raw nga nakipaghabulan pa ang nanay niya dahil sa ayaw ng gulo nito. Pero sinalo siya ni Pablo. Si Pablo na napakagandang babae sana pero mas lalaki pa ang puso nito sa kaniya.

Si Pablo na ang bumuhay sa kanilang mag-ina. Hindi na pinabalik pa nito ang kaniyang nanay sa pagbebenta ng laman at itinaguyod sila bilang isang maayos na pamilya. Halos dalawa o tatlong trabaho ang pinapasok nito maibigay lamang ang maayos na buhay sa kanila kaya kahit na lagi siyang napapaaway sa eskwela ay hindi niya magawang magtanim ng sama ng loob kay Pablo.

“Anak! Nandito na ang tatay mo!” sigaw ni Betty, ang nanay ng binata.

Saglit na nagkamustahan ang tatlo na akala mo’y walang masamang kahapon.

“Kukuhanin na kita, anak. Nasabi ko na sa misis ko ang tungkol sa’yo at tanggap ka na niya. Puwede ka nang tumira sa amin. Doon may pamilya kang normal. Alam ko naman na lagi kang inaalaska dahil parehas babae ang mga magulang mo kaya alam kong hirap na hirap ka na. Isa pa, ‘yong asawa ko ay teacher. Matuturuan at matutulungan ka niya sa pag-aaral. Hindi tulad ng nanay mo at ng kinakasama niya,” pahayag ng lalaki.

“Paano niyo naman nasabi na hirap na hirap na ako? Nandito ba kayo sa tabi ko simula nung bata pa ako? Ang galing niyo rin naman po pa lang magsalita,” sagot ni Dave at natatawa pa siya.

“Alam kong hindi magiging madali na sumama ka sa akin agad pero, anak, ako pa rin ang tatay mo at mas magiging mabuti ang buhay mo kapag nasa akin ka na,” wikang muli ng kaniyang ama.

“Alam niyo salamat kasi dumating kayo ngayon sa buhay ko. Ito kasi ang oras na parang gusto ko nang isumpa ‘yong mga tao at ‘yong mga kaklase ko. Alam niyo ba kung ano ang tawag nila sa akin? Putok daw ako sa buho. Walang tatay at parehas na babae raw ang meron ako bilang magulang. Pinagtatawanan na nga ako ng lahat, eh,” malakas na pahayag ni Dave. Sinigurado niyang maririnig ito ng kaniyang nanay at ni Pablo.

“Pero alam niyo ‘yong t*mboy na tinatawag nila? ‘Yang si Pablo? Siya lang naman ang tumayong tatay ko. Iyan ang nagtrabaho para makakain kami. Siya lang din naman ang sumasama sa lahat ng school activities ko simula’t sapul. Kasi si nanay hindi marunong magbasa. Kaya mo nga iniwan, ‘di ba?” saad ni Dave.

“Pero si Pablo siya ang nagturo sa akin kung paano maintindihan ang algebra. Siya lang din naman ang nagpunas sa lahat ng dumi ko nung bata pa ako kapag wala si nanay. At siya lang din ang bukod tanging nagmahal sa nanay ko kahit na ganiyan lang kaliit ang tingin mo sa kaniya,” pagpapatuloy ni Dave.

“Kaya kung kukuhanin mo ako maraming salamat na lang kasi mas gugustuhin kong makipagsapakan sa mga tao maipagtanggol ko lang ‘yong taong nag-alaga sa akin, nagmahal at tinuring akong isang tunay na anak. Makakaalis na ho kayo,” saad niya tsaka tumalikod sa kaniyang tatay.

Mabilis niyang niyakap si Pablo at ang nanay niya na nakayuko at umiiyak nung mga oras na iyon. “Salamat dahil kayo ang magulang ko,” bulong ng binata.

Mabilis na niyakap ni Pablo si Dave at si Betty. Ngayon alam na niyang may mabuting balik ang Diyos sa mga taong kagaya niya na malaki raw ang kasalanan sa Panginoon.

“Wala kang ginawang mali, Pablo. Pasensya ka na kung hindi ko naiparamdam sa’yo dati kung gaano ako kasaya dahil nandiyan ka. Pero salamat! Proud akong kayo ang magulang ko,” sabi pa ni Dave at sabay-sabay silang nag-iyakan.

Ngayon ay hindi na apektado pa si Dave sa ano mang panghuhusga sa kaniya ng mga tao bagkus ay mas minahal pa niya ang kaniyang pamilya. Niligawan na rin niya si Olivia at masaya siyang nakatagpo ng pag-ibig na tanggap siya at ang buo niyang pagkatao.

Advertisement