Para Takasan ang Kinakasama ng Kaniyang Madrasta ay Nagtago ang Dalaga sa Likod ng Isang Magarang Kotse; Isang Milyonaryong Lalaki Pala ang May-Ari Niyon
Wala pang isang taong namayapa ang ina ni Cielo pero nagdala na ng babae sa bahay nila ang kanyang amang si Julian. Nakilala ng lalaki si Marga sa club na paborito nitong puntahan mula nang mangulila sa asawa.
Sa una ay pinapakitaan siya nito ng maganda ngunit nang magkasakit at na-ospital ang kanyang ama dahil sa stroke ay nag-iba ang ihip ng hangin. Palagi na siya nitong sinusungitan at minamaltrato. Ilang buwan pa ay sumunod na rin sa pumanaw niyang ina ang ama kaya mas lalong nagreyna-reynahan ang magaling niyang madrasta.
“Hoy, saan ka galing ha?” kunot ang noong tanong ni Marga sa kanya.
“Sa kabilang kalye lang po, nagtanung-tanong kung saan puwedeng pumasok na trabaho. Balak ko pong ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa kolehiyo kaya magwo-working student ako,” sabi ng dalaga.
Tinaasan siya ng kilay ng babae.
“Tigilan mo nga ang kalokohang ‘yan, maski na mag-aral ka ay wala naman din mangyayari sa iyo. Habang buhay na tayong mahirap. Bakit akala mo, ‘pag may diploma ka na’y bigla kang yayaman at makakalis sa lugar na ito? Hanggang pangarap ka na lang. Ang mabuti pa ay magtrabaho ka na lang sa club. Doon mas magkakaroon ka ng kinabukasan. Kaunting kembot at landi lang sa mga kustomer ay kuwarta na agad. Malay mo, makabingwit ka roon ng mayamang matanda, ‘pag nagkataon ay siguradong instant milyonarya ka. Hay naku, ang mabuti pa ay magsaing ka na at magluto ng pagkain para matuwa ako sa iyo,” wika ni Marga na napapailing na pumasok na sa loob ng bahay.
Bagsak ang balikat niya nang iwan siyang nag-iisa ng madrasta.
“Makakaahon din ako sa kahirapang ito,” sabi niya sa sarili.
Kinagabihan, habang mahimbing na natutulog ang kanyang ina-inahan ay may naramdaman siyang humihipo sa kanyang mga braso at hita habang siya ay nakahiga sa sahig sa sala. Paglingon niya ay nagulat siya na naroon sa tabi niya ang bagong kinakasama ng kanyang madrasta na si Rigor.
“T-Tiyo Rigor, anong ginagawa ninyo? Huwag po,” impit na sabi niya, naiiyak.
“Psst, huwag kang maingay at baka magising ang Tiya Marga mo. Pagbigyan mo na ako, hindi ka magsisisi,” nakangising sabi nito na puno ng pananabik ang mukha na ipinagpatuloy ang pananamantala sa kanya.
“Tiyo huwag po!” sigaw na niya, bahala na. Napabalikwas si Marga sa higaan sa kuwarto nito at nang mapansing wala sa tabi ang kinakasama ay nagmamadaling lumabas at pumunta sa sala nang marinig ang sigaw niya.
“Anong nangyayari rito? Bakit narito ka, Rigor?” tanong nito.
“Si Tiyo Rigor po, balak akong gawan ng masama” sumbong niya.
“Huwag kang maniwala sa kanya darling. Ang totoo’y ako ang inaakit niya. Nagpapakita siya ng motibo kanina,” sagot nito sa madrasta na biglang naging maamong tupa.
“Sinungaling ka, tiyo! Sa akin ka maniwala tiya, ako ang nagsasabi ng totoo,” tugon niya sa kanyang madrasta.
Gaya ng inasahan ay hindi siya ang pinaniwalaan nito. Pinagsasampal siya nito, sinabunutan at kinaladkad siya palabas ng bahay.
“Sinasabi ko na nga ba, may itinatago ka ring kalandian na babae ka! Sinisiraan mo pa sa akin ang Tiyo Rigor mo pero ang totoo’y gusto mo siyang akitin. Walang hiya ka! Lumayas ka rito!” galit na sabi ng babae.
Napahiya pa siya nang makitang nagising ang ilang kapitbahay at sumilip sa bintana ang mga ito.
Sa sobrang sama ng loob, hinanakit at kahihiyan ay tumakbo siya palayo. Gusto na niyang takasan ang masaklap niyang buhay kasama ang ina-inahan.
Nakituloy siya sa isa sa mga malalapit niyang kaibigan. Nagdesisyon din siya na huwag nang bumalik sa kanila at mag-isang buhayin ang sarili. Sinuwerte naman siya nang makapasok bilang tindera sa palengke habang nag-iipon ng pera para may pang matrikula siya sa pasukan. Akala niya, nang makaalis siya sa poder ni Marga ay tapos na ang lahat ngunit hindi pa rin siya nilulubayan ni Rigor at pinupuntahan siya nito sa palengke. Isang araw ay pilit siya nitong niyayayang sumama sa motel, mabuti na lang at natakasan niya ito. Hinabol siya ng lalaki hanggang sa makarating sila sa paradahan ng mga sasakyan. Sakto naman na may nakita siyang magarang sasakyan na nakaparada roon at nakabukas pa ang pinto ng kotse sa likod.
“Wala na akong ibang choice, kailangan kong makapagtago. Hindi ako dapat maabutan ng lalaking iyon,” wika niya sa isip.
Agad siyang sumakay sa likod ng kotse at doon nagtago. Isiniksik niya ang sarili sa likod ng sasakyan upang walang makakita sa kanya. Maya-maya ay naramdaman niya na may sumakay sa unahan at pinaandar ang kotse. Bahala na ang sabi niya sa isip. Ang mahalaga ay makaalis siya sa lugar na iyon.
Ilang minuto lang ay huminto na ang kotse at bumaba na ang nakasakay dito. Nakiramdam muna siya bago umalis sa pinagtataguan at humingi ng dispensa sa ginawa niya ngunit nakita siya ng lalaking may-ari ng kotse na nagtatago sa likod ng sasakyan nang buksan nito ang likurang bahagi niyon. Napasigaw pa siya nang madiskubre siya nito.
“S-sino ka? Anong ginagawa mo sa loob ng kotse ko?! Magnanakaw ka, ano?” sunud-sunod na tanong nito.
“Ayyy, sorry, sorry po! Hindi po ako masamang tao, hindi po ako magnanakaw. Nagawa ko lang po na magtago sa likod ng kotse niyo kasi may masamang tao na humahabol sa akin kanina,” sabi niya.
Nanlaki ang mga mata ni Cielo nang masulyapan ang may-ari ng sasakyan kung saan siya nagtago. Tumambad sa kanya ang isang napaka-guwapong binata na nakasuot ng pormal na damit at may hawak na maleta na sa tingin niya ay galing sa opisina.
Kumunot ang noo ng lalaki.
“Ang akala mo siguro ay maloloko mo ako? Nagkakamali ka, babae. Nagpapalusot ka pa ha? Tatawag ako ngayon sa istasyon ng pulis at ipapadampot kita,” anito.
Hindi pa napipindot ng lalaki ang hawak na selpon ay lumuhod na si Cielo sa harap nito.
“S-sir parang awa niyo na, huwag niyo po akong ipahuli sa pulis. Wala po talaga akong balak na masama. Hindi po ako magnanakaw. May humahabol pong lalaki sa akin kanina na gusto akong gawan ng masama kaya naisip kong magtago sa likod ng inyong sasakyan nang makita kong nakabukas,” pagmamakaawa niya.
Saglit na napatitig ang lalaki na nagpakilalang si Denson sa babaeng nakaluhod sa harap nito ngayon, ‘di niya alam kung ano ang meron dito pero nakaramdam ng awa ang puso nito sa dalaga. Bagamat halatang hirap sa buhay dahil sa suot ay ‘di maipagkakaila na maganda ito.
Dahil nakitang maamo ang mukha ni Cielo at may itinatagong alindog ay isang pilyong ideya ang pumasok sa utak ng lalaki.
“Sige, hindi kita ipapahuli sa pulis, pero hindi ka aalis dito. Sasamahan mo ako sa buong magdamag,” wika ni Denson.
“A-ano?”
“Hindi ka naman bingi, ‘di ba? Ang sabi ko ay sasamahan mo ako sa buong magdamag, diyan sa loob ng bahay ko. Wala akong ibang kasama riyan kundi ang mga katulong. Ang gusto ko’y samahan mo ako sa loob ng kuwarto ko at gagawin mo lahat ng nanaisin ko. Dahil mag-isa na lang ako sa buhay, ang gusto ko’y paligayahin mo ako,” nakangisi nitong sabi.
Nang ituro ng lalaki kung saan ito nakatira ay napatulala siya, napakalaki ng bahay nito. Hindi iyon basta bahay lang kundi mansyon. Mukhang mayaman ang lalaking ito at parang kagaya din gaya ng Tiyo Rigor niya. Parehong-pareho talaga ang mga lalaki.
“Nababaliw ka na ba? Sa tingin mo ay papayag ako sa gusto mo? Hoy, hindi ako bayarang babae ha? Wala lang talaga akong choice kanina kundi ang magtago sa likod ng kotse mo, piryud! Manigas ka, hindi ako papayag sa gusto mong mangyari!” pagtanggi niya.
Napahagikgik tuloy ang lalaki, mas lalo itong nagka-interes kay Cielo.
“Kung iyan ang gusto mo, ngayon din ay tatawagan ko na ang mga pulis na susundo sa iyo rito para ikulong ka. Titiyakin kong hindi ka na makakalabas doon at mabubulok ka sa bilangguan,” pananakot ni Denson sa dalaga.
Saglit na napaisip si Cielo, halatang pinipigil na maiyak. Ilang sandali pa ay pumayag na rin siya. Ayaw niyang makulong, marami pa siyang mga pangarap sa buhay. Nang isinama siya ng lalaki sa loob ng bahay nito ay mas lalo siyang namangha dahil kung maganda iyon sa labas ay mas maganda ang loob niyon. Para siyang nakarating sa isang tunay na palasyo. Maganda naman ang trato nito sa kanya, inutusan pa nito ang mga katulong na ipaghanda sila ng makakain.
Kinagabihan nang pumasok na sila sa kuwarto ng lalaki ay inalipin si Cielo ng kaba sa maaaring gawin sa kanya nito ngunit taliwas sa inasahan niya, ‘di naman siya ginalaw ng binata. Magdamag lang itong nakatitig sa kanya. Inutusan siya nito na magkuwento tungkol sa buhay niya. Buong magdamag silang nagkuwentuhan, natatawa pa nga ito at namamangha sa mga sinasabi niya.
Hindi alam ni Denson kung ano ang meron kay Cielo at aliw na aliw siya sa dalaga. Laki siya sa yaman, ang totoo’y isa siyang milyonaryo. Minana niya ang lahat ng yamang mayroon siya sa mga yumaong magulang. Siya ngayon ang nagpapatakbo sa kumpanyang iniwan ng mga ito sa kanya. Marami na rin siyang mga nakarelasyong babae ngunit ni isa ay wala siyang sineryoso, ngunit nang makilala niya ang dalaga ay bigla siyang nakaramdam ng kakaiba. Malayung-malayo si Cielo sa mga babaeng dumaan sa kanyang buhay.
Dahil nga wala nang ibang mapupuntahan ang dalaga ay kinupkop niya ito at pinatira sa kanyang mansyon. Nakagaanan na rin siya ng loob ni Cielo, kampante na ito sa kanya. Masaya nga ito dahil pinayagan niya itong tumira sa bahay niya. Nangako rin ito na babayaran ang kagandahang loob niya kapag nakapagtapos ito ng pag-aaral at nagkaroon ng trabaho.
“Huwag kang mag-aala, pag-aaralin kita,” sabi ng binata.
“Naku, nakakahiya na sa iyo. Pinatira mo na nga ako rito ng libre tapos ay pag-aaralin mo pa ako? Hindi na, maghahanap ako ng trabaho para may pantustos ako sa eskwela,” wika ng dalaga.
Umiling ang binata.
“Kung gusto mo ay dito ka na lang magtrabaho sa bahay. Tumulong ka sa mga kasambahay ko rito, babayaran kita at ang ibibigay kong pera sa iyo ay ang gagamitin mo sa pag-aaral mo.”
“Nahihiya man si Cielo ay tinanggap niya na rin ang alok ng binata, tutal kailangan niyang makaipon para sa pag-aaral niya.
Lumipas ang isang buwan, unti-unting nahulog ang loob ng dalaga kay Denson. Dama niyang ganoon din ito sa kanya. Araw-araw din itong nagbibigay ng kung anu-anong regalo sa kanya.
Isang gabi ay nagulat na lamang siya nang utusan siya nitong magbihis. Sinabi ng lalaki na magdi-dinner sila sa labas. Pagkatapos na ayusin ang sarili at nagbihis ng magandang bestida ay masayang-masaya si Denson na makita siya sa ganoong itsura. Mas lalo itong humanga sa kagandahan niya. Ilang sandali lang ay sumakay na sila sa kotse at pumunta sila sa isang mamahaling restawran. Magkasama silang kumain at nag-enjoy ng gabing iyon.
“Thank you,” sabi ni Cielo sa binata nang makabalik sila sa bahay.
“I am very happy to have you here, Cielo. M-mahal na kita, ayokong mawala ka pa sa piling ko,” sambit ni Denson na agad siyang sinunggaban ng halik. Noong una ay masuyo pero unti-unting naging mainit iyon, puno ng pananabik.
“Mahal na din kita, Denson,” bulong ng dalaga na buong pusong dinama ang kapusukang iyon ng binata.
Isinuko na ni Cielo ang sarili kay Denson. Sobra siyang pinasaya ng lalaki kaya ipinadama rin niya ang pagmamahal niya rito.
Kinaumagahan, nagising siya ngunit wala sa tabi niya si Denson. Bumaba siya sa sala ngunit laking gulat niya nang bumungad roon ang taong kahit kailan ay ayaw na niyang makita pa – si Rigor.
Kausap nito si Denson na nang maramdaman ang presensya niya ay matalim na tumingin sa kanya.
“Siya, siya ang kinakasama kong matagal ko nang hinahanap dahil matapos ko siyang iahon sa putik na pinanggalingan niya’y nagawa akong pagnakawan. Isa siyang manlolokong babae. Ginagamit ka lamang niya para magkapera. Hinuhuthutan ka lang niya. Ang totoo’y matagal na kaming magkarelasyong dalawa. Nagtrabaho siya sa club kung saan doon din nagtrabaho noon ang madrasta niyang si Marga,” sumbong ng lalaki na ngiting-aso sa kanya.
“Kailan mo ipagtatapat sa akin ang totoo, Cielo? Bakit mo ako niloko? Isa ka rin palang manggagamit. Ang akala ko’y iba ka sa mga babaeng nakilala ko,” sabi ni Denson sa kanya sa baritonong boses.
Walang kamalay-malay si Cielo na nakita sila ni Rigor habang palabas sa kinainan nilang restawran. Palihim sila nitong sinundan hanggang sa malaman ng lalaki kung saan siya nakatira. Mabilis na nakaisip ng plano si Rigor, para makaganti sa kanya ay siniraan siya nito sa binata. Pinagmukha siyang marumi at masamang babae sa paningin nito.
“Huwag kang maniwala sa kanya, Denson. Ang lalaking ‘yan ang totoong manloloko. Siya ang sinabi ko sa iyo noon na gustong magsamantala sa akin. Wala kaming relasyon, napatunayan mo ‘yan kagabi…” sagot niya na biglang natigilan sa sinabi niya. Pinamulahan siya ng pisngi nang maalala ang nangyari sa kanila nang nagdaang gabi.
“Sa tingin mo ay basehan ang pagiging birhen mo nang makuha kita para paniwalaan ka? Sapat na ang mga ebidensiyang ipinakita sa akin ng lalaking ito,” wika ng binata sabay ibinato sa kanya ang mga litratong hawak.
Ikinawindang niya nang makita na siya ang nasa litrato, nakahiga siya at natutulog na katabi si Rigor. Noon pa man ay palihim pala siya nitong kinukuhanan ng litrato gamit ang selpon. Sa tindi ng pagkagusto sa kanya ng lalaki, pati litrato niya’y pinagnanasaan nito.
Mariin niyang ipinagtanggol ang sarili.
“H-hindi ko ikinakaila na kami ang nasa mga litratong iyan pero hindi ko alam na kinukuhanan niya ako ng litrato. Kita mo naman na tulog na tulog ako riyan. Maniwala ka, Denson, hindi ko karelasyon ang lalaking iyan. Ang tunay niyang kinakasama ay ang madrasta kong si Tiya Marga. Pinagtangkaan niya ako noon kaya umalis ako sa amin, pero sinundan pa rin niya ako kaya tumakas ako sa kanya’t napadpad ako rito sa bahay mo. P-pakiusap, ako ang paniwalaan mo, Denson,” aniya sa nanginginig na tono.
Imbes na siya ang paniwalaan ay itinaboy siya nito palabas ng bahay kasama si Rigor. Kahit anong pakiusap niya ay tila bingi si Denson dahil sa sama ng loob sa kanya.
Napahagulgol siya, ang sakit-sakit ng dibdib niya. Akala niya ay lubos na siyang kilala ng lalaking minahal niya, iyon naman pala ay tatalikuran siya nito at madali pang naniwala sa kasinungalingan ni Rigor. Tuwang-tuwa naman si Rigor na pilit na naman siyang isinasama sa pag-uwi nito ngunit gaya ng dati ay tinakbuhan niya ulit ang lalaki. Sa paghabol nito sa kanya, hindi namalayan ni Rigor ang parating na rumaragasang truck sa kalsada at nasagasaan ang kinakasama ng kanyang madrasta. Hindi na umabot sa ospital ang lalaki, marahil iyon na ang karma sa kasamaan nito.
Naisip ni Cielo na magpakalayu-layo na para makalimutan ang lahat ng masasakit na nangyari sa kanya. Nasa istasyon siya ng tren, nakapadesisyon siya na puntahan na lamang ang mga kamag-anak ng yumao niyang ama sa probinsya at doon magbagong buhay. Mabuti na lamang at binigyan siya ng perang pamasahe ng mga kaibigan niya. Hindi na siya bumalik sa bahay ni Denson.dahil wala na rin naman siyang babalikan doon. Saka na lang siya mag-aaral. Magtatrabaho na muna siya sa bukid sa probinsya upang maka-ipon. Handa na siyang umalis ngunit bigla siyang napapitlag dahil sa pamilyar na boses na tumawag sa kanya.
“Cielo!”
Nang lingunin niya ang pinanggalingan ng boses ay agad niyang nakita ang lalaking unang nagpatibok sa kanyang puso – Si Denson.
Nilapitan siya nito at masuyo siyang hinalikan ngunit tinigasan niya na lamang at itinikom ang kanyang mga labi dahil nais niyang iparamdam rito ang hindi niya pagtugon. Humihingal pa ito nang matapos siyang hagkan.
“Kapag umalis ka, isusumbong kita sa pulis, ipakukulong kita,” anito.
Marahas na buntong hininga ang pinakawalan ni Cielo.
“Anong ginagawa mo rito? Hindi mo naman ako pinaniniwalaan, ‘di ba?” tanong niya na hindi naiwasan na mapaluha.
“Alam ko na ang lahat. Pinahanap ko ang madrasta mo at sa kanya ko nalaman na totoo ang mga sinabi mo sa akin tungkol kay Rigor. Inamin niya sa akin na wala kayong relasyon ng lalaking iyon at hindi totoo ang mga ibinibintang niya sa iyo. Sinabi rin niya sa akin na isa kang napakabuting babae. Nagsisisi na siya sa mga ginawa niya sa iyo noon. Sanay ay mapatawad mo na raw siya, at sana ay mapatawad mo rin ako sa ginawa kong panghuhusga sa iyo. Hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko, Cielo, mababaliw ako kapag nawala ka pa sa akin. Mahal na mahal kita,” sambit ni Denson na punung-puno ng pagsisisi ang tono.
Parang hinaplos ang puso ni Cielo sa tinuran ng binata. Magagawa ba niyang tikisin ang lalaking iniibig niya?
“Sinabi ko na sa iyo noong gabing una nating pinagsaluhan ang kaligayahan, na mahal din kita, Denson, mahal na mahal. Napalapit ka na sa puso ko. Pinapatawad na kita mahal ko.”
At muli nilang hinagkan ang isa’t isa na parang wala nang bukas.
Ilang buwan pa ang nakalipas ay ipinagpatuloy ni Cielo ang pag-aaral sa kolehiyo, pinag-aral siya ng nobyo niyang si Denson. Nang makatapos siya ay nagpakasal sila at biniyayaan ng tatlong malulusog na supling.