Nakapagtataka ang Labis na Kabaitan ng Dalagitang Ito sa mga Bata sa Isang Bahay-Ampunan; Ito Pala ang Dahilan
Anak-mayaman si Marga subalit hindi siya katulad ng ibang lumaki sa karangyaan na walang ginawa kung hindi ay mamasyal sa kung saan-saan at magpakasarap sa buhay. Bata pa lamang, naniniwala na siyang hindi pantay ang mundo: may mayaman at may mahirap, may mga nakaririwasa at may naghihikahos.
Kahit ang ama niya, si Don Segundo, at ang ina niya, si Donya Malia, ay lubos ang pasasalamat sa Diyos na biniyayaan sila ng kaisa-isang anak na may mabuting kalooban. Palagay nila, may kinalaman dito ang pagkakasilang kay Marga sa mismong kaarawan ni Birheng Maria, Setyembre 8. Kakaiba ang kabutihan na ipinapakita nito lalong-lalo na sa mga mahirap na tao.
Tuwing Pasko, hindi nawawala kay Marga ang pagnanais na makapagbigay-saya sa kapwa niya. Lagi niyang inaaya ang mga kaibigan niya na samahan siya sa bahay-ampunan sa Del Tierro. Namimigay sila ng mga laruan, pagkain, at iba pang mga regalo sa mga bata doon.
“Marga, matanong ko lang, bakit dito tayo pumupunta tuwing Pasko?” minsan ay untag sa kaniya ni Roselyn, isa sa mga kaibigan niya.
“Malapit kasi talaga sa puso ko ang mga bata sa bahay-ampunan. Gusto ko na kahit isang beses lamang sa isang taon ay mapasaya ko sila,” nakangiting turan ni Marga.
“Hindi isang beses sa isang taon bes, isang beses sa dalawang linggo yata. Suwerte nila sa’yo friend,” sabi naman ni Beatrice sa kaibigan.
Masayang-masaya ang mga bata sa ampunan noong araw na iyon. Dinalhan sila nina Marga ng paborito nilang samgyupsal na usong-uso ngayon. Ilang mga lutuan ang pinabili niya gayundin ang mga lulutuing karne, kimchi, at mga sauce. Marami rin silang bagong laruan at may mga hindi pa nabubuksan na mga regalo.
Habang sumasakay sa kotse ang tatlong magkakaibigan, biglang ikinuwento ni Marga ang tunay na dahilan kung bakit malapit ang loob niya sa bahay-ampunan sa Del Tierro.
Pagdating nilang tatlo sa bahay-ampunan ay halos dumugin sila ng mga bata, lalo na nang makita ng mga ito ang mga lutuan ng samgyupsal na dala-dala nila.
“Oh mga bata, alam kong sabik na sabik na kayong makakain ng samgyupsal. Handa na ba kayo?” magiliw na tanong ni Marga sa mga bata.
Nagpalakpakan naman ang mga ito. Hindi matatawaran ang kasiyahan sa kanilang mga mata. Napuno ng usok sa bahay-ampunan, subalit mabangong usok naman, dahil sa pag-iihaw ng samgyupsal.
Mga bandang 4:00 ng hapon natapos ang pakikisalamuha ng magkakaibigan sa mga bata.
Habang nasa sasakyan, hindi napigilan ni Marga ang magkuwento sa kaniyang mga kaibigan.
“Alam ninyo, nais ko silang mapasaya dahil talagang ibang-iba ang buhay natin sa kanila. Masuwerte tayo at lumaki tayo kasama ang pamilya natin,” paliwanag ni Marga.
“Oo nga eh. Pero alam mo, kung ako ang tatanungin, ayoko maging ampon. Parang hindi cool,” sabi ni Roselyn.
Sinansala siya ni Marga.
“Uy friend, hindi naman masama ang maging ampon. Kapag bumalik tayo, huwag na huwag mong sasabihin ang mga salitang iyan sa harap nila ha? Kung kapiling natin ang mga tunay na magulang natin, kailangang pahalagahan natin. Eh sila, doon na sila bumuo ng pamilya dahil marami sa kanila ay wala nang ama at ina. Sa tuwing tinititigan ko nga ang iba sa kanila, ramdam ko ang pangungulila nila sa mga magulang nila,” pagpapaliwanag ni Marga.
Hindi nakaimik sina Roselyn at Beatrice sa narinig nila. Nagpatuloy si Marga sa paglalahad at doon nila lubusang naintindihan ang kanilang kaibigan.
“At alam ba ninyo kung bakit espesyal sa akin ang Del Tierro?”
“Bakit?” usisa ni Roselyn.
Ngumiti si Marga nang ubod-tamis.
“Laking-ampunan kasi sina Mommy at Daddy pero marami ang hindi alam iyon. Noong bata pa ako, palagi nilang ikinukwento ang mga naging karanasan nila. Doon sila nagkakilala. Nag-ibigan. Nang parehong may umampon sa kanila, talagang hinanap nila ang isa’t isa.”
“Mahirap daw ang lumaki na walang mga magulang pero nagpapasalamat sila at may mga mabubuting tao na nag-aalaga sa kanila roon,” sabi ni Marga.
Pagdating sa bahay, sinalubong sila ng mag-asawa.
“Kumusta sina Sister Olga, anak?” tanong ng Mommy ni Marga.
“Ayos lamang po, kinukumusta po kayo ni Daddy, dalaw daw po kayo minsan kapag di na kayo abala sa trabaho,” sagot naman ni Marga.
Simula noong narinig nila ang mga ikinuwento ni Marga, ni minsan ay hindi na ulit nagtaka sina Roselyn at Beatrice sa kabutihang ipinapakita ng kaibigan nila sa mga bata sa ampunan. Lubos nilang naunawaan na labis ang natutuhan niya sa karanasan ng kaniyang mga magulang.