Inday TrendingInday Trending
Ang Lalaki ang Nag-Organisa sa Wedding Proposal ng Kaniyang Matalik na Kaibigan at Unang Babaeng Minahal; Makakaya Ba Niyang Mapunta sa Iba ang Kaniyang Mahal?

Ang Lalaki ang Nag-Organisa sa Wedding Proposal ng Kaniyang Matalik na Kaibigan at Unang Babaeng Minahal; Makakaya Ba Niyang Mapunta sa Iba ang Kaniyang Mahal?

Plantsado na ang lahat para sa gaganaping wedding proposal.

Tiniyak ni Redentor, o mas kilala sa palayaw na Red, na matutuwa si Andrea sa mga natatagong sorpresa para sa dalaga. Isa-isa niyang tinawagan ang catering, ang kanilang mga kaibigan at kaklase noon pang hayskul, at ang mga kaanak ni Andrea. Wala itong kamalay-malay sa mga magaganap.

First year high school pa lamang sila, alam na sa sarili ni Red na may espesyal na espasyo si Andrea sa kaniyang puso. Ginawa niya ang lahat upang mapalapit dito, na hindi naman siya nabigo. Hanggang sa kolehiyo, naging magkasama pa sila sa pamantasan, kahit na magkaiba ang kanilang kurso.

Natatawa pa si Red kapag naaalala niya kung anong paraan ang ginawa niya upang malaman lamang ang sukat ng singsing ni Andrea para sa wedding proposal. Pinakiusapan niya ang pinakamatalik na kaibigang babae ni Andrea na si Cassie.

“Sige na Cassie, parang awa mo na. Ikaw na ang dumiskarte kung paano makukuha ang sukat ng daliri ni Andrea para sa singsing. Pero sana huwag kang magpapahalata,” pakiusap ni Red kay Cassie.

“Kinikilig ako. Mahal na mahal mo talaga si Andrea ‘no?” humahangang tanong ni Cassie.

Marahang tumango-tango naman si Red.

“Alam mo naman iyan noon pa. Kaya nga ang gusto ko lang sa kaniya, kung saan siya masaya. Kaya tulungan mo na akong makuha ang sukat ng singsing niya para sa wedding proposal,” muling pakiusap ni Red kay Cassie.

“Oh sige na nga. Malakas ka sa akin eh. Alam mo, huwag na lang si Andrea ang mahalin mo. Marami namang babae diyan,” pabirong sabi ni Cassie sabay hawi pa ng buhok.

“Sino naman?” tanong ni Red.

“Eh ‘di ako! Sino pa ba? Biro lang. Alam ko namang mahal na mahal mo si Andrea. Kung alam lang niya kung gaano mo siya kamahal…”

“Oo na, huwag na paulit-ulit, Cassie. Basta ha? Kunin mo sana sa lalong madaling panahon ang sukat ng singsing ni Andrea,” huling pakiusap ni Red.

Mabuti na lamang at naitago at naingatan ni Red ang slam book ni Andrea na pinasagutan nito sa kaniya noong sila ay nasa 2nd Year High School. Uso pa ito noon.

Nakalimutan na nitong kunin mula sa kaniya, na hindi na niya matandaan kung bakit nga ba hindi na naibalik pa rito.

Nakadetalye rito ang mga paboritong kulay, bagay, numero, pagkain, lugar, pangarap na wedding proposal, at pangarap na kasalan. Tinandaang lahat ito ni Red.

At dumating na ang araw ng wedding proposal. Batay sa slam book, pangarap ni Andrea na maganap ito, kung sakali, sa Tagaytay na tanaw ang bunganga ng Bulkang Taal.

Sa tulong ng iba pa nilang mga kaibigan na kinuntsaba ni Red, na sinabihan niyang kunwari ay may out-of-town sila sa Tagaytay, nadala nga nila si Andrea sa venue. Takang-takang si Andrea at gulat na gulat kung bakit halos naroon ang mga kaanak niya at malalapit na kaibigan. Maya-maya, lumitaw na si Red.

“Red… oh my gosh… ano’ng ibig sabihin nito?” tanong ni Andrea.

Ngumiti si Red. At lumitaw mula sa kaniyang likuran ang matalik niyang kaibigang si Greg, ang kasintahan ni Andrea. Iniabot ni Red kay Greg ang singsing na ipinagawa niya sa tulong ni Cassie.

Lumapit si Greg kay Andrea, lumuhod sa harapan nito. Binuksan ni Greg ang kahitang naglalaman ng singsing na ipinagawa ni Red.

“Will you marry me?”

“Yes!”

Hindi magkamayaw ang hiyawan, palakpakan, at kantiyawan ng lahat, kabilang si Red, na masayang-masaya para kay Greg, dahil magpapakasal na ito kay Andrea, sa lalong madaling panahon.

Subalit lihim na nagdurugo ang puso ni Red, dahil noon pa man, mahal na mahal na niya si Andrea.

At mahal na mahal din niya si Greg.

Pareho niyang mahal na mahal ang dalawa.

Subalit kilala niya kung sino ang mas matimbang sa puso niya. Malalim ang naging samahan nila ni Greg. Magkababata sila at pareho silang pinalaking matatapang ng kani-kanilang mga inang parehong iniwan ng kani-kanilang mga asawa.

Bata pa lamang sila, alam na ni Red na may kakaiba sa kaniya, na alam niyang nagkakagusto siya sa babae; babae ang gusto ng isip niya, subalit iba ang hinihiyaw ng kaniyang puso kapag kasama niya si Greg. Alam niyang hindi lamang kaibigan ang tingin niya rito.

Mula sa Tagaytay, nagbalik sa gunita ni Red ang isang tagpo noong sila ay mga bata pa, doon sa kanilang munting bayan sa Caloocan. Madalas silang maglaro ng habulan, taguan, at langit-lupa tuwing hapon. Tumatakas pa sila sa kani-kanilang mga bahay kapag pareho nilang ayaw matulog. Kapag bumuhos ang ulan, hindi sila sumisilong.

Hinahayaan nilang mabasa ang kanilang mga damit at katawan.

Isang kakaibang hapon, habang katatapos lamang nilang maligo sa ulan, nahiga sila sa damuhan. Tumingin sa langit. Nasulyapan nila ang isang bahaghari.

“Bakit nga ba bahaghari ang Tagalog sa rainbow? Parang layo-layo naman,” sabi ni Greg.

“Sira, tingnan mong maigi ang rainbow. Siguro para kasing bahag ng hari kaya ganyan ang tawag. Makulay eh. Paborito ko ang kulay ay red, kasi kapangalan ko. Buti pa ang hari may bahag kapag naliligo, tayo, minsan wala,” natatawang pang-aalaska ni Red.

“Alam mo ba ang ibig sabihin ng kulay red? Sabi nila, simbolo raw ng pagmamahal. Iyan ang kulay ng pag-ibig. Parang ikaw. Ikaw ang red sa rainbow, ang sarap mong tingnan mula sa malayo…” at bumaling si Greg sa kaniya, tumingin nang diretso sa mga mata ng kaniyang matalik na kaibigan. Nagtama ang kanilang mga paningin. Nangusap.

At naramdaman iyon ni Red. Alam niyang may kahulugan ang mga titig na iyon ni Greg. Sa halip na sumagot, hinawakan at pinisil niya ang kanang kamay nito.

Doon na nagsimula ang mga bulag at piping sandali. Wala silang pinag-usapan.

Walang kompirmasyon. Subalit alam nilang pareho na may namamagitan na sa kanilang dalawa, higit pa sa pagiging magkaibigan, pinili nilang maging bulag sa tunay na kulay niyon, sa takot na mahusgahan ng mga tao sa kanilang paligid.

Ang dating paglalaro nila sa mga bukirin, paliligo nang sabay sa buhos ng malakas na ulan, habang sila ay nagkakaisip at lumalaki na, ay nauwi sa ibang lugar: sa apat na maliliit na sulok, mas sumikip, mas kumipot, na sila lamang ang nakakaalam.

Pagkatapos nilang gawin ang kapusukang iyon, hindi sila nag-uusap. Hindi rin nila alam kung bakit nila ginagawa ang bagay na iyon. Ngunit ang tiyak nila, masaya silang ginagawa ang bagay na iyon.

Subalit mapaglaro ang kapalaran. Pareho pa silang umibig sa iisang babae. Si Andrea.

Nagparaya si Red. Doble ang sakit para sa kaniya. Hindi niya maintindihan ang kaniyang nararamdaman. Umiibig siya sa babae, naaakit siya sa babae, at umiibig din siya sa lalaki.

Hindi sa ibang lalaki kundi kay Greg lamang.

Isang event organizer si Red, kaya nang hingin ni Greg ang tulong niya para sa plano nitong wedding proposal para kay Andrea, makapitong ulit niyang inisip kung papayag ba siya. Masakit makita ang kaisa-isang babaeng gusto mo sa buong buhay mo, na mapupunta sa iba, lalo’t ikaw pa ang mag-aasikaso upang mangyari ito.

Subalit mahal niya rin ang matalik na kaibigan. Alam niyang mahal na mahal din ni Andrea si Greg. Kaya masakit man sa kaniyang makitang masaya ito sa piling ng iba, masaya na rin siya para sa kanila.

Lumapit si Andrea kay Red at niyakap ito nang mahigpit.

“Walang hiya ka! Kaya pala kinukuha mo ang singsing ko, ikaw pala ang may pakana nito! Ang ganda ng pagkakagawa ng set up dito, I love it! Red, ngayon pa lang, sinasabihan na kita, ikaw ang best man ni Greg sa kasal namin, okay?” pasasalamat ni Andrea.

“Sus, wala ‘yon! Maliit na bagay. Ganiyan kita kamahal… ganiyan ko kayo kamahal…” sabi ni Red, habang nakatingin sa kaniya si Greg at nagpapasalamat sa pamamagitan ng ‘ok sign.’

Habang nagkakasiyahan ang lahat, minabuti na muna ni Red na mapag-isa. Lumayo siya sa ingay. Tinanaw niya ang bunganga ng Bulkang Taal na kitang-kita sa kaniyang kinatatayuan.

“Salamat, Red.”

Nagulantang si Red sa baritonong tinig na narinig. Si Greg.

“Walang anuman iyon. Masaya ako para sa inyo ni Andrea. Sa wakas, sinong mag-aakalang ikakasal ka na? Mag-aasawa ka na. Samantalang ako, heto, single pa rin.”

“Kaya labis-labis akong nagpapasalamat sa iyo Red, dahil alam ko ang malaking sakripisyong ginawa mo. Alam kong mahal mo rin si Andrea, at nang malaman mong mahal ko rin siya, hindi ka nagdalawang-isip na ipaubaya siya sa akin. Iyan ang nais kong ipagpasalamat sa iyo, higit pa sa trabahong ginawa mo.”

“Handa akong magparaya para sa taong mahalaga sa akin,” nakangiting sabi ni Red.

Hindi siya makatingin nang diretso sa mga mata ng matalik na kaibigan. Pakiramdam niya ay binabasa nito ang tunay niyang damdamin. Binabasa siya nito.

“Red, paano na tayo?”

Natigilan si Red sa kaniyang narinig.

“P-Paanong… paano na tayo?”

Saglit na natahimik si Greg.

“Kahit na hindi ka magsalita, kahit na wala kang sabihin, alam kong alam mo ang nararamdaman ko para sa iyo. Hindi ko man sinasabi sa iyo nang tiyakan, pero alam kong alam mong mahalaga ka sa akin. Sa bawat pagsasama natin, simula noong mga bata pa tayo, hanggang sa mga mapusok na bagay na pinagsasaluhan natin habang lumalaki tayo, alam kong hindi lang kaibigan ang tingin ko sa iyo. Red… naguguluhan ako ngayon,” paliwanag ni Greg.

Narinig ni Red ang tila pagkabasag ng tinig ng kaibigan nang sambitin ang mga pangungusap na iyon.

“A-Anong ibig mong sabihin?” sumisikdo ang dibdib ni Red.

“Tumakas na tayo. Takasan natin ang lahat ng ito. Kanina, pumasok sa wisyo ko na mali ang gagawin ko kay Andrea. Hindi ko siya dapat ilagay sa sitwasyong alam kong pagsisisihan namin sa dulo. Hindi ko na hihintaying magkaroon pa kami ng sariling pamilya. Ayoko siyang gamitin para lamang masabing tunay akong lalaki.”

Muling napatingin sa bunganga ng Bulkang Taal si Red.

“Bakit ngayon mo lang naisip ‘yan? Kung kailan nagawa na natin ang wedding proposal na ito. Nasabi na natin sa lahat. Ano naman ang mararamdaman ni Andrea kung hindi mo itutuloy ang pagpapakasal sa kaniya? Palagay ko kailangan na nating ibaon sa limot ang anumang mga nararamdaman natin sa isa’t isa. Wala eh… alam natin kung ano iyon pero hindi natin pinangalanan.”

Napayuko naman si Greg. Tila nasaktan sa mga pahayag ni Red.

“Natakot ako. Natakot akong aminin sa sarili ko na nahuhulog na ako sa lalaki. Nahuhulog na ako sa matalik kong kaibigan, kababata… Hindi ko alam kung paano at kailan nagsimula ang lahat, Red. Alam kong babae ang gusto ng isip at katawan ko, pero ikaw ang laman ng puso ko. Nilabanan ko naman eh… alam ng Diyos kung paano ko pinigilan, kaya pinursige ko talagang ligawan si Andrea, para lang masabi ng lahat na lalaki ako,” pag-amin ni Greg.

At nagpatuloy pa siya.

“Pero simula nang makita natin ang bahaghari, nagkatitigan tayo, at hinawakan mo ang kamay ko… hinding-hindi na kita makalimutan, dahil kahit wala tayong mga salitang sinambit, naramdaman kong mahal mo rin ako. Na pareho ang nararamdaman natin.”

“Ano bang nangyari sa ating dalawa? Bakit mo hinayaang mangyari ang lahat ng ito?

Malaking kahihiyan kay Andrea, sa ating dalawa, kapag hindi mo itinuloy ang kasal na ito. Tama ka… kahit ako, natakot ako… pero ngayon malakas na ang loob kong sabihin sa iyo na mahal na mahal kita, Greg…” at hindi na napigilan pa ni Red ang pagbalong ng luha sa kaniyang mga mata.

Nilapitan siya ni Greg. Pinahid ng kaliwang kamay nito ang mga luhang bumabalisbis, na patuloy na kinimkim sa loob ng mahahabang panahon, at ngayon ay walang takot na kumakawala, umaamin, nagpapahayag ng panghihinayang.

Unti-unti… hindi namalayan ni Red ang pagbaba ng mukha ni Greg sa kaniyang mukha. Hanggang sa namalayan na lamang niya ang paglapat ng malambot at manipis na mga labi nito sa kaniyang mga labi.

Isinara niya ang kaniyang labi. Hindi ito tama. Kasalanan. Katatapos lamang ng wedding proposal ni Greg, na siya mismo ang nag-organisa.

Nariyan lamang si Andrea at iba pa nilang mga kaibigan sa paligid. Anumang sandali, maaari silang mahuli, masukol. Sira ang lahat…

Ngunit nagpatuloy si Greg. May sariling buhay ang mga bisig nito na umangat at yumakap sa kaniyang buong pagkatao.

Walang nagawa si Red. Mahal niya… mahal niya si Greg.

Hindi na nanlaban ang kaniyang mga labi. Lumaban sa mapusok na labing matagal na niyang minimithi.

“Ay sorry po…”

Tila bumalik sa realidad sina Red at Greg mula sa daigdig ng pantasya na sila ang bumuo, at sila lamang ang nakakaalam. Hiyang-hiya ang waiter na nakakita sa kanila.

Nakayuko ang ulong umalis na lamang ito, marahil ay hindi inasahan ang maiinit na tagpong nasaksihan.

Ginagap ni Greg ang mga kamay ni Red.

“Red… kung itutuloy ko ang kasal, alam kong pagsisisihan ko ito habambuhay. Kaya habang hindi pa nangyayari, magpasya ka na.”

Hirap na hirap ang kalooban ni Red. Subalit napatingin siya sa langit. Nagulat siya sa kaniyang nasilayan.

Hindi naman umulan, subalit bakit may bahaghari?

Napatingin din si Greg sa alapaap.

“Alam mo ba ang ibig sabihin ng kulay red? Sabi nila, simbolo raw ng pagmamahal. Iyan ang kulay ng pag-ibig. Parang ikaw. Ikaw ang red sa rainbow, ang sarap mong tingnan mula sa malayo…” naalala ni Red ang sinabi ni Greg noon.

Bahala na…

Nakita na lamang ni Red ang kaniyang sariling tumatakbo palabas ng lugar na iyon.

Kasama si Greg.

Hawak nito ang kaniyang kaliwang kamay. Wala na silang pakialam kung may makakita pa sa kanila… tapos na ang pagpaparaya…

Sa ngayon, susundin niya ang sigaw ng puso niya. Sa ngayon, bulag ang kulay pula sa bahaghari.

Makalipas ang ilang araw, nabalitaan ni Andrea ang ginawa ng magkaibigan. Nagalit man sa simula, minabuti na lamang niya ang magparaya, dahil hindi rin naman maipipilit ang pag-ibig.

Advertisement