Tinanggap ng Lalaking Ito ang Anak ng Kaniyang Nobya sa Iba Ngunit Mas Gusto Nitong Ipaako Iyon sa Mayamang Binata; Magsisisi Pala ito sa Huli
“Paano mo nagawa sa akin ’to?!” Napahilamos sa sariling mukha si Jeff matapos sabihin sa kaniya ng nobya ang kalagayan nito ngayon. Hawak nito ang isang aparato na nagsasabing buntis ito, gayong tatlong buwan silang hindi nagkita ng nobya dahil may kinailangan siyang ayusin sa kanilang probinsya!
“Hindi ko sinasadya, Jeff! Lasing ako n’on at miss na miss na kita kaya nakipag-inuman ako sa barkada ko. Hindi ko akalaing makakabuo kami dahil lang sa isang gabing ’yon!” umiiyak pang paliwanag nito.
Hindi halos makapagsalita si Jeff. Patuloy lang sa pagtulo ang luha niya at hindi siya makatingin nang deretso sa nobya niyang si Teresa. Ganoon pa man ay pinilit niyang pakalmahin ang sarili upang makapag-isip siya nang tama. Ilang sandaling namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa hanggang sa siya ang unang bumasag n’on…
“Tatanggapin ko ang bata,” seryosong sabi niya. “Kahit hindi ako ang ama niya, tatanggapin ko siya nang buo, Teresa. Tutal ay wala naman siyang kasalanan,” dagdag pa niya.
Doon ay tila nabuhayan naman si Teresa at hindi nito napigilan ang sarili na yakapin siya. “Salamat, Jeff! Salamat! Pangako, babawi ako sa ’yo. Babawi ako sa kasalanan ko!” umiiyak pang sabi nito na tunugon naman ni Jeff ng isa ring mahigpit na yakap.
Naging maayos namang muli ang relasyon nila ni Teresa. Inalagaan niya ito ng halos tatlong buwan lalo pa at nagpasiya silang magsama na sa iisang bubong… ngunit nakapagtatakang bigla na lang nagbago ang lahat, isang araw na naabutan ni Jeff si Teresa na nag-eempake ng damit nito at handa nang umalis.
“Teresa, ano’ng ibig sabihin nito?” tanong niya.
“Pasensiya ka na, Jeff, pero kailangan na nating maghiwalay. Ginagawa ko ito para sa anak ko. Wala kaming magandang buhay na aasahan sa ’yo, dahil isa ka lamang hamak na empleyado.”
Nagulat siya sa tinuran ng babae. Hindi niya iyon inaasahan kaya naman natulala na lang si Jeff sa sobrang sakit na kaniyang nararamdaman. Hindi na niya nagawang pigilan pa si Teresa nang lumabas ito ng kanilang tahanan.
Makalipas lang ang ilang araw ay nabalitaan ni Jeff na sumama si Teresa sa isang mayamang lalaki. Akala kasi nito, doon ay gaganda ang buhay nila ng anak niya, ngunit nagkamali ito dahil sa huli ay nalaman nitong may asawa pala ang naturang lalaki at ginagawa lamang siyang parausan!
Nang mga sandaling ’yon naman ay hindi na nagawang balikan pa ni Teresa si Jeff dahil bumalik ito sa kanilang probinsya. Ang hindi niya alam, ang dahilan kung bakit pabalik-balik si Jeff doon ay dahil inaasikaso nito ang manang iniwan sa kaniya ng kaniyang mga lolo na siyang nagmamay-ari ng isang malaking lupain doon.
Walang nakakaalam na si Jeff pala ay apo ng isang bilyonaryo, na noon ay sinubukan lang makipagsapalaran nang mag-isa sa Maynila upang maranasan niya ang hirap ng buhay. Sa ganoon kasing paraan, ayon sa kaniyang lolo, ay magagawa niya raw pamunuan nang maayos at may puso ang lahat ng kanilang negosyo dahil alam niya kung papaano ang maghirap sa buhay.
Kalaunan ay kumalat sa kanilang mga kakilala ang balitang ’yon tungkol kay Jeff, hanggang sa makarating iyon sa kaalaman ni Teresa, na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng lalaking tatanggap at aako sa anak niyang ang totoo ay bunga lang naman ng madalas niyang pakikipagniig sa kung kani-kaninong lalaki. Hindi niya kasi maiwasang hindi makipagrelasyon sa iba kahit siya ay may nobyo, lalo pa at umaasa siya na isang araw ay may mahahanap siyang isang mayamang lalaking maaari niyang mauto nang sa ganoon ay makaahon siya sa hirap ng buhay. Hindi niya akalaing si Jeff na pala ang lalaking ’yon! Si Jeff na iniwan niya para sa isang lalaking may asawa. Si Jeff na niloko niya, ngunit nanatili siyang minamahal!
Sinagad na ni Teresa ang kapal ng mukhang natitira sa kaniya. Sinubukan niyang muling tawagan si Jeff ngunit hindi na ito sumasagot sa kaniya. Ilang taon niyang ginawa ’yon at hindi siya sumuko, ngunit nawala ang lahat ng pag-asa niya nang malaman niyang may iba nang babaeng nagugustuhan si Jeff.
Wala nang ibang magawa si Teresa kundi ang magsisi at manghinayang sa pagkakataong sinayang niya. Ngayon ay wala na tuloy gustong tumanggap sa kanila ng kaniyang anak lalo na at kilala na siya bilang isang babaeng hindi makuntento.