Ang Alibughang mga Apo
Isang masamang balita ang bumungad sa madaling-araw ni Rica, pagbangon niya, upang maghanda para sa pagpasok niya sa opisina. Ang mensahe ay mula kay Didith, ang pinsan nilang tagapangalaga ng kanilang lola.
“ATE RICA, PUMANAW NA SI LOLA. KANINANG ALAS TRES, INATAKE NG HIKA NIYA. NAHIRAPANG HUMINGA. HINDI NA NAITAKBO SA OSPITAL.”
Ilang segundong napatulala si Rica sa kanyang cellphone. Inulit niyang basahin ang laman ng mensahe mula sa text. Hindi siya nananaginip, at hindi wrong sent ang mensahe.
Noong nakaraan lamang, nakausap pa niya ang kanilang lola. Nangungumusta. Ito ang nagpalaki sa kanila noong maliliit pa silang magkakapatid. Maaga silang naulila sa mga magulang dahil bumagsak ang eroplanong sinasakyan ng mga ito. Magmula noon, ito na ang nagtaguyod sa kanila.
Pumanaw na rin ang kanilang lolo kaya walang asawa, o kasama sa buhay, ang kanilang lola. Ang kanyang Kuya Norman, na isang guro ng Agham sa Junior High School, ay naging maalwan ang buhay dahil nagkaroon ng karelasyon mula sa Pransiya. Siya naman na isang clerk sa opisina ay nakapangasawa ng isang inhinyero, at ang bunso naman nilang si Elvira ay team leader sa isang BPO company.
Namasukan bilang kasambahay sa isang mayamang pamilya ang kanilang lola na malapit lamang sa kanila. Nakatapos lamang ito ng Grade 3, at minabuti nitong magtrabaho na agad noong bata pa ito upang makatuwang sa kanilang mga magulang. Sadyang hikain ang kanilang lola, subalit nakagugulat lamang na hahantong sa pagpanaw ang iniinda nito.
Matapos magpaalam sa kanilang boss na hindi muna siya makakapasok sa opisina, agad na nagpahatid si Rica sa kanyang asawa patungo sa kanilang dating bahay sa Nueva Viscaya. Habang namamaybay sa daan, sinasariwa ni Nessa ang mga alaala ng kanilang pagkabata.
Noong mga bata pa silang magkakapatid, madalas silang maglaro ng habulan sa malawak nilang bakuran. Pagkatapos, aakyat sila ng puno ng santol, mamimitas ng mga bunga, o kaya nama’y pipitasin ang mga dahon upang gawing pera.
Pagkababa nila, ang susunod naman nilang laro ay “palengke-palengkehan.” Ang bunsong si Elvira ang kunwaring tindera, habang sila ni Kuya Norman ang mayayamang “don at donya” na kunwari ay mapang-api. Aawayin nila kunwari si Elvira, at babayaran sila ng limpak-limpak na salapi, ang mga dahon ng santol.
Maya-maya, darating na ang kanilang lola, may mahabang patpat na yari sa kawayan, para pauwiin sila. Kakaripas sila ng takbo. Pagdating sa bahay, tig-dadalawang palo sila sa kanilang mga puwitan at magsisimula na ang sermon mula sa kanilang lola.
Mabunganga ang kanilang lola. Tuwing umaga, ito ang nagsisilbing alarm clock nila. Lagi nitong litanya: “Magsigising na kayo, tanghali na, hindi n’yo masasalo ang grasya ng langit kapag tutulog-tulog kayo.” Rumerepeke ang tinig nito, hanggang sa lahat sila ay masermunan. Ang nakakainis pa rito, halos paulit-ulit lamang ang mga sermon nito, na lagi nilang naririnig sa araw-araw na ginawa ng Diyos.
Habang nagsisilakihan sila, tila nagkatotoo ang kanilang laro. Biglang nagbago ng pakikitungo ang kanilang Kuya Norman Palibhasa, ito ang pinakamatalino sa kanilang lahat. Si Elvira naman, madalas na puro kaibigan ang kasama. Nagkaroon ng pagitan sa kanilang magkakapatid, na hindi nila malaman kung paano at bakit nagsimula.
Nang magkaroon ng kanya-kanyang buhay at pamilya, naiwan nilang mag-isa ang kanilang lola. Ang tagabantay nito ay si Didith, isa nilang pinsan.
At ngayong wala na ang lolang nagtiyagang nag-alaga sa kanila, saka na lang ulit sila magkikita-kitang magkapatid.
Alas nuwebe impunto nang dumating si Rica sa dati nilang bahay. Naroon na si Kuya Norman, na may tinatawagan sa cellphone, at si Elvira na nagtutulos ng panibagong kandila sa tapat ng hagdanan ng bahay.
“Buti dumating ka na, Rica. Nalaman ko lang din na yumao na si lola nang magtext si Didith,” bungad ni Kuya Norman matapos ang pakikipag-usap nito sa telepono.
Pagpasok ni Rica sa bahay, tumambad sa kanya ang nakatalukbong na walang buhay na katawan ng kanyang lola. Sa paanan nito ay may dalawang nakasinding kandila.
“Tumawag na ba kayo sa morge?” Untag ni Rica sa kanyang mga kapatid.
Nagkatinginan sina Kuya Norman at Elvira.
“Rica, kasi ganito iyon, gustuhin ko man akuin ang pagpapaburol at pagpapalibing kay Lola, hindi payag ang dyowa ko eh. Saka aalis ako ngayong linggo,” paliwanag ni Kuya Norman.
“Ako naman ate, wala rin akong pera ngayon. May Korean trip nga kaming magbabarkada, eh nakabayad na ako for plane ticket and VISA. Hindi ko na pwedeng bawiin,” paliwanag naman ni Elvira.
“So anong ibig ninyong sabihin? Ako lang mag-isa ang mag-aasikaso nito?”
Hindi sumagot ang dalawang kapatid.
Biglang uminit ang ulo ni Rica.
“Look, Rica, hindi naman sa ikaw ang aako nito. Magbibigay naman ako ng budget para sa funeral service, pero, hindi pwedeng ako ang maglakad nito…”
“Pero ikaw ang panganay, Kuya. Ikaw ang tumatayong pangalawa naming magulang. Ikaw ang dapat na unang magmalasakit na mag-asikaso sa burol ni Lola. Tutal, ikaw naman ang nakinabang nang husto sa kanya, di ba?”
Natameme si Norman.
“Sa akin, ayos lang naman, pero kasi nakaschedule na ang lakad naming eh. Nakaimpake na nga ako,” singit naman ni Elvira.
“At uunahin mo pa ang kapritso mo kaysa pagmalasakitan ang lola mo, ha, Elvira? Baka nakakalimutan mo, si Lola ang nag-alaga sa iyo noong bata ka pa lang. Siya ang umagapay sa atin,” pakli ni Rica sa bunsong kapatid.
“Aba, teka wala namang sumbatan, Ate…”
“Ay hindi! Tumigil ka. Magdesisyon na tayo ngayon pa lang. Huwag n’yo namang talikuran si Lola nang ganoon na lang. Lola natin siya. Huwag natin siyang pabayaan. Tayo-tayo na lang ito.”
Hindi sumagot sina Norman at Elvira.
Dahil walang kumikilos sa dalawang kapatid, pinatawagan na ni Rica kay Didith ang pinakamalapit na morge sa bayang iyon upang maasikaso na ang burol ng matanda.
Tatlong araw na ibinurol ang mga labi ng matanda sa bahay nito. Dumagsa ang malalapit nitong kaibigan, at sa gulat ni Rica, tila buong barangay ang nakiramay at handang makipaglibing.
Hindi tumuloy sa conference si Norman gayundin sa kanyang Korean tour si Elvira, subalit nagpakita lamang sila sa araw ng libing. Kahit sila ay nagulat sa dami ng mga nakipaglibing sa kanilang lolq. Puro magagandang bagay ang sinasabi ng mga tao para sa kanilang lola. Matulungin ito, masiyahin, masipag, at mapagkakatiwalaan. Madaldal nga lang daw at talagang taklesa.
Nang mailibing na ang matanda, at matapos ang munting salusalo, nagsiuwian na rin ang mga tao. Matapos ihabilin sa ilang mga mapagkakatiwalaang kapitbahay ang paglilinis ng naabandonang bahay, dahil hindi maaari si Didith o kahit siumang kamag-anak dahil sa pamahiin, minabuti ni Rica na umalis na.
Lumapit si Kuya Norman kay Rica.
“Rica, kanino pala mapupunta ang bahay? We have to decide now, kasi sayang naman. Pwede nating ipa-renovate at paupahan. What do you think? At malaki ba ang abuloy na nakuha natin, sa dami ng tao, parang malaki?”
Tinitigan ni Rica ang kapatid na si Norman. Pagkatapos, tumalikod siya at naglakad patungo sa kanyang sasakyan. Naghihintay na ang kanyang asawa. Hindi siya makapaniwala sa inasal ng kanyang mga kapatid. Inuna pa nito ang mga materyal na bagay kaysa sa kanilang lola na nag-alaga at nag-aruga sa kanila. Naisip ni Rica, ayaw niyang mangyari sa kanya ang bagay na iyon kaya pagsasabihan niya ang kanyang mga anak. Gusto niya, matuto ang mga ito na tumanaw ng utang na loob sa pamilya at sa kapwa, pagdating ng panahon.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.