Inday TrendingInday Trending
Surpresa Para sa Aking Prinsesa

Surpresa Para sa Aking Prinsesa

Nag-iisang anak na babae ni Renante si Jasmine. Ito rin ang kanilang bunsong anak at pinakamalapit sa kanya kaya naman ito ang kanyang pinakapaborito sa tatlong anak.

“Daddy look, I’m a princess!” pagpapasikat pa ng batang si Jasmine sa ama ng kanyang suot na korona at gown na nakuha niya bilang regalo. Ika-walong kaarawan kasi ng unica hija ni Renante.

Umikot-ikot pa ito na tila ba para talagang isang prinsesa. Kinuha niya naman ang anak, binuhat sa ere at inikot-ikot habang napupuno ng tawa at galak nilang mag-ama ang kanilang silid.

“Anak, wag ka munang lumaki agad. Dahan-dahan lang ha? Huwag mo munang hanapin ang iyong prinsipe, hindi pa handa ang daddy na ibigay ka sa kanya. Basta habang hindi pa handa ang daddy, huwag muna ha? Pag nasa tamang edad ka na,” malambing na tugon ng ama sa pinakamamahal na anak.

“Opo daddy, I’ll be with my King lang po muna. Sunod ko na po hahanapin ang aking Prince pag nasa tamang edad na po ako at pwede na akong sumama sa kanya,” malambing na sagot din ng batang Jasmine sa Daddy Renante niya.

Ilang araw matapos ang kaarawan ni Jasmine ay umalis na papuntang Dubai ang kanyang pinakamamahal na ama para doon magtrabaho.

Walang tigil ang iyak ni Jasmine at ilang buwang araw-araw kung maghintay siya sa ama. Hanggang siya ay nag-umpisa ng magdalaga at nawili na rin sa ibang bagay. Natutunan na niya ang buhay na wala ang ama, pero sa puso niya, araw-araw ay naghihintay pa rin siya na bumalik ito.

Nakapagtapos na ang dalaga ng high school, hindi pa rin umuuwi ang kanyang amang si Renante. Ilang taon na rin itong hindi umuuwi sa kanila. Hindi naman ito nagpapabaya at walang mintis kung magpadala sa kanila. Ang kaso ay hindi ang padala ng ama ang gusto niya, kundi ang mismong ama niya. Magsasampung taon na silang hindi nakikita ng personal.

Hanggang video call at tawag lamang sila parati. Kahit na Pasko man o Bagong Taon at iba pang mahahalagang okasyon ay hindi nila nakakasama ng personal ang ama. Kailangan daw niya kasing kumayod ng husto para sa kinabukasan ng kanilang pamilya. Para rin naman daw iyon sa kanila.

“Sorry anak, hindi makakauwi si Daddy sa debut mo. Huwag kang mag-alala, magpapadala ako ng sapat na pera para maging engrande ang debut ng aking pinakamamahal na unica hija,” nakangiting saad ni Renante sa kanya habang kausap ang dalaga sa video call.

“Sige po Dad,” pilit na ngumiti naman ang dalaga sa ama. Masama man ang loob dahil hindi makakarating ang kanyang ama sa araw ng kanyang pagdadalaga ay pilit niya na lamang na iintindihin rin ang sitwasyon nito. Alam niya namang hindi rin gusto ng ama na hindi makarating at na nahihirapan din ito sa buhay sa abroad. Lalo na at mag-isa lang ito roon at hindi sila kasama.

“Pasensya ka na anak ha? Huwag kang mag-alala, konting panahon nalang at magkakasama na muli tayo. Konting tiis na lamang at hinding hindi na aalis si Daddy at hindi na natin kailangang maghiwalay pa ulit. Mahal na mahal kita anak. Mahal na mahal ko kayong lahat,” puno ng emosyong pangako ni Renante sa unica hija.

“Mahal ka din po namin Dad,” naiiyak ding sagot ng dalaga sa ama.

Dumating ang araw ng ika-labingwalong kaarawan ni Jasmine. Nakahanda na ang lahat. Lahat ay engrade magmula sa lugar, sa cake, iba’t ibang mga palamuti, mga pagkain at kahit mga regalo man.

Walang ideya si Jasmine kung ano ang naghihintay sa kanya sa araw na iyon. Ang sabi kasi ng ina ay surpresa daw ang lahat at sumunod na lamang siya sa mga pagagawin sa kanya.

Ginising siya ng maaga ng ina at laking gulat niya ng makitang may mga kilalang make-up artists sa kwarto niya. Tiningnan niya ang ina na para bang nagtatanong kung ano ang nangyayari. Ngumiti lamang ang ina sa kanya at nagsimula na siyang ayusan. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakkita sa salamin, mukha siyang isang prinsesa!

Pagkatapos ayusan ay ipinasuot naman sa kanya ang isang mala-prinsesang puting gown na tinernohan pa ng isang korona at kulay pilak na high heels na sapatos. Namangha naman ang dalaga at napatili sa sobrang kasabikan. Hindi siya makapaniwala na ito ang gown na kanyang susuotin sa kanyang kaarawan.

Masaya siyang umikot sa harap ng salamin at tila ba bata sa saya. Mukha talaga siyang prinsesa! Hindi siya makapaniwala sa mga inihanda ng kanyang pamilya sa kanyang debut. Ang akala niya magiging malungkot talaga siya sa araw na ito dahil wala na naman ang kanyang Daddy. Bigla namang napawi ang ngiti sa mga labi ni Jasmine ng maalala ang kanyang ama. Kung sana ay nakikita siya nito ngayon. Miss na miss na niya ito.

Maya-maya lang nagsimula na ang programa ng debut ni Jasmine. Sa loob ng napaka grandeng silid kung saan gaganapin ang kanyang kaarawan ay ang mga taong mahahalaga at malapit sa puso ni Jasmine at kanilang pamilya.

Nagsimula ang programa sa isang munting dasal. Na nasundan ng introduction at maikling background story ng celebrant, traditional na 18 candles tsaka 18 roses. Lahat ay naaayon sa plano. Hindi maipaliwanag na saya at pagkamangha ang nararamdaman ni Jasmine. Nasisigurado ng dalaga na hinding hindi niya makakalimutan kailanman ang gabing iyon. Kung sana ay naroon lamang ang kanyang ama ay wala na siyang mahihiling pa.

At nang patapos na ang musika at kasayaw na ng dalaga ang huling kapatid na lalaki ay biglang napako ang tingin ng lahat sa may pintuan ng may makitang isang lalaking naglalakad papalapit sa kanya habang may hawak-hawak na isang tangkay ng bulalak. Isang lalaking kay tagal nang inaasam at ipinalangin ng dalaga na makita. Walang iba kung hindi si Renante, ang kanyang pinakamamahal na ama.

Natigilan ang dalaga at nagpaunahan ang kanyang mga luha sa pagbuhos ng makita ang ama. Hindi siya makapaniwala na matapos ang sampung taon ay kaharap niya na muli ang pinakamamahal na ama! Ito ang pinaka “the best” na regalong natanggap niya hindi lang sa gabing iyon kundi sa loob ng sampung taon. Hindi ang kahit na anong materyal na bagay na inalay at inihanda ng kanyang pamilya para sa kanya ang kailangan ni Jasmine, kundi ang mainit na yakap ng amang kay tagal nawalay sa kanya.

Naging napakasaya ng buong gabi nilang lahat. Napuno ng tawanan, iyakan at kung anu-ano pa ang kanyang kaarawan, pero ang pinakamahalaga ay napuno ng saya, pasasalamat at pagmamahal ang kanilang mga puso sa muling pagkabuo ng kanilang pamilya.

Hindi na muling umalis ng bansa ang ama ni Jasmine na si Mang Renante at nagtayo na lamang ng negosyo sa Pilipinas gamit ang perang kay tagal din nilang pinag-ipunan. Araw-araw naman ay binabawi ng kanilang pamilya ang mga taong hindi nila nakapiling ang kanilang haligi ng tahanan at namuhay ng masaya.

Image courtesy of www.google.com

Advertisement