“Kris Sandoval ano na naman itong na balitaan kong nakipagbugbugan ka na naman daw sabi ng ate mo? Kailan ka ba titigil ha?! Hindi ka na ba talaga titinong bata ka?!” Galit na galit na bungad ng Daddy ni Kris pagkarating palang nito galing sa trabaho.
Nilagpasan lang ni Kris ang ama na para bang walang naririnig. Sinumbong na naman siya ng ate niya. Pero ayos lang, wala naman siyang pakialam. Sanay na rin naman siya.
Simula nang iniwan sila ng kanilang ina, naging ganun na ang bahay nila. Hindi na ito natahimik gawa ng mga kalokohan ni Kris. Halos araw-araw ay wala na siyang ibinigay sa kanyang ama at nakakatandang kapatid na babae kundi sakit ng ulo.
Dati naman, bago sila iniwan ng kanilang ina at sumama sa ibang lalaki ay napakabait na bata ni Kris. Sobrang bait at malambing ito sa kanilang lahat. Napakamasunurin at ito rin ang nagpapasaya sa buong pamilya dahil sa kanyang taglay na sigla.
Ngunit lahat ng iyon ay nagbago, ang dating masaya at puno ng pagmamahal nilang pamilya ay unti-unting nasira nang nagsimulang mangbabae ang kanyang ama.
Araw-araw kung magtalo ang kanilang mga magulang. Sinusubukan man ng kanilang mga magulang na itago sa kanilang magkapatid ang mga away ng mga ito pero nahahalata at nalalaman pa rin naman nila ng kanyang nakakatandang kapatid na si Keanna.
Halos gabi-gabi rin kung umiyak ang kanilang ina. Doon na rin nagsimulang magtalo si Kris at ang kanyang ama. Para kay Kris, ang ama niya ang may kasalanan kung bakit nangyayari ang lahat ng iyon sa kanilang pamilya.
Hanggang isang araw ay hindi na nakayanan ng kanilang ina ang lahat at umalis na sa bahay nila. Iniwan sila ng ina at sumama sa ibang lalaki.
“Mommy please wag ka na pong umalis! Wag mo po kaming iwan ni ate! Mommy!” pagmamakaawa ng batang Kris sa inang paalis. Hinawakan naman siya ng ina sa kanyang mga braso at niyakap.
“Mahal na mahal ko kayo ng ate mo ate anak, pero hindi ko na kaya pang tiisin ang daddy niyo. Sasama na ako sa lalaking alam kong ako lang ang mamahalin kahit kailan. Ayoko ng makihati sa mga babae ng inyong ama. Pagod na pagod na ako. Patawarin niyo sana ang mommy mga anak,” sa huling pagkakataon ay hinalikan sila ng ina sa noo bago tuluyan silang iniwan.
Magsimula ng araw na iyon, tila ba isinama na ng kanilang ina ang puso ni Kris. Bigla na lamang itong naging malamig at madalas ay hindi na kumikibo o makikitaan ng emosyon ang mukha. Para bang simula ng araw na iyon, nawalan na rin ito ng pakiramdam.
Madalas na ring masangkot sa mga away si Kris, natutong mambugbog ng kanyang mga kaklase kaya madalas mareklamo sa eskwela at minsan na ring nahuli na nagnanakaw sa isang tindahan. Ang dating napakabait na bata ay bigla na lamang naging isang halimaw sa paningin ng kanyang ama.
“Ano Kris, sumagot ka?!” napatingin naman si Kris sa ama ngunit walang makikitang kahit na anong emosyon sa mga mata ng binata, imbis ay mukhang bagot na bagot pa ito.
“Bakit ba Dad? Sino ba ng may kasalanan at naging ganito ako? Disappointed ka ba sa akin? Huwag kang mag-alala dahil pareho lang tayo ng nararamdaman. Kinasusuklaman din kita,” agad namang nasampal ng malakas si Kris ng kanyang ama.
“At ngayon naman nagagawa mo na akong saktan ng pisikal. Ganyan din ba ang ginawa mo kay mommy? Ha, Dad? Sinasaktan mo rin ba siya?” puno ng pait na tanong ni Kris sa ama.
“Tumigil ka at wala kang alam,” matigas na saad ng kanyang ama bago ito umalis at iniwan siyang mag-isa.
Hindi alam ni Kris pero sa sobrang dalas ng ganitong mga eksena nila ng kanyang ama ay para bang wala na ito sa kanya. Wala na siyang maramdaman. Pinipili niya na wala nalang maramdaman, dahil hindi niya na kayang dalhin ang sakit na hatid ng pagkasira ng pamilyang sobra niyang minahal.
Gaya ng madalas gawin ni Kris kapag nagtatalo sila ng ama, hindi na muna siya umuwi ng ilang araw sa kanila. Kung kani-kaninong kaibigan nalang muna siya nakitulog. Hanggang sa isang umaga ay nakatanggap siya ng text mula sa kanyang Ate Keanna na nasa hospital daw ang kanilang ama at nag-aagaw buhay. Walang tigil sa pag-iyak ang kanyang ate kaya naman agad niyang pinuntahan ang ospital kung saan dinala ang ama.
Pagkarating niya sa ospital ay agad siyang niyakap ng kapatid at humagulhol sa iyak. Akala ng binata ay matagal ng nawala ang kanyang pakiramdam pero nang makita niya ang kanyang kapatid na humahagulhol ng iyak ay doon niya napagtanto na ayaw niyang mawala ang kanilang ama. Labis na nadudurog ang kanyang puso sa nakikita sa kapatid at ama. Kasalukuyang ino-operahan ngayon ang kanilang ama at wala naman silang ibang magawa kundi magdasal.
Hindi na matandaan ni Kris kung kailan ang huling beses na nagdasal pa siya. Simula kasi ng iwan sila ng ina ay hindi niya na nagawang maniwala na may Diyos pa, ngunit sa pagkakataong ito, buong puso siyang nagmakaawa sa Diyos na gagawin niya ang lahat, buhayin Niya lang ang kanyang ama at bigyan siya ng pagkakataong bumawi rito.
“And our Class Valedictiorian, Mr. Kris Sandoval,” sinalubong si Kris ng masigabong palakpakan. Ito ang araw ng pagtatapos ni Kris ng high school. Umakyat siya sa entablado kasama ang kanyang ama na sobrang proud sa kanyang narating.
“I’m so proud of you anak. Maraming salamat sa pagpapatawad mo sa akin sa pag-aayos mo ng iyong buhay. Sobra kitang ipinagmamalaki,” puno ng emosyong saad ng kanyang ama habang isinasabit ang medal sa kanyang leeg.
“Salamat po Dad. Ako din po, I’m proud of you. Salamat po sa pagsasabi sa akin ng totoo. Mahal na mahal po kita,” sagot niya sa ama at niyakap ito ng mahigit.
“Mahal na mahal din kita anak. Kayong dalawa ng iyong kapatid,” naluluhang sagot sa kanya ng ama.
“Hey, tumingin kayo dito. Say cheese!” sigaw ni Keanna sa nakababatang kapatid at ama habang kinuhanan ito ng litrato. Masayang masaya siya at muli ng naayos ang kanilang pamilya.
Habang nasa operasyon ang kanilang ama noon ay ipinagtapat sa kanila ng kanilang matalik na kaibigan ang totoong mga nangyari kung bakit sila iniwan ng kanilang ina. Tinanong naman nila ang ama pagkatapos nitong makaligtas sa isinagawang operasyon rito.
Napag-alaman nilang hindi naman pala talaga nambabae ang kanilang ama kundi puro pagdududa lamang ng kanilang ina ang lahat. Hanggang sa umabot nga na sa sobrang paninibugho ng kanilang ina sa pag-aakalang niloloko siya ng asawa kaya pumatol ito sa kaibigan na matagal ng may gusto sa kanilang ina at iniwan sila.
Labis na nasaktan ang kanilang ama ngunit kailanman ay hindi niya ito ipinakita sa kanila dahil kailangan niyang magpakatatag. Ayaw rin ng kanilang ama na kasuklaman nilang magkapatid ang kanilang ina kaya naman hinayaan niya na lamang na isipin ng mga anak na siya ang may kasalanan ng lahat.
Pagkatapos nilang malaman ang totoong nangyari at nang nalinawan na rin sa lahat ay humingi sila ng kapatawaran sa isa’t isa at sinubukang magbago at ayusin muli ang kanilang pamilya. Nagsimula silang muli at muling pinairal ang pagmamahal sa kanilang mga puso.
Image courtesy of www.google.com