Inilihim ng Babae ang Anak Dahil Nais Niyang Maging Beauty Queen; May Sinabi ang Nanay Niya na Nagpagising sa Kanya
“Anak, hanggang kailan mo itatago ito?” tanong ni Aling Amy, ang kinalakihang yaya ng dalaga.
“Hangga’t kaya ko, nana! Walang makakaalam ng sikreto ko. Hindi pwedeng sirain nito ang nagsisimula ko pa lang na karera, ni hindi pa ako umaabante kaya hindi ako pwedeng huminto ngayon, hindi pwede nana!” umiiyak na wika ni Mariel sa ale.
Nagtapos bilang Summa Cum Laude ang dalaga sa isang sikat na paaralan. Maayos ang katayuan sa buhay dahil nag-iisang anak lamang siya at parehas na doktor ang kaniyang mga magulang na sa ibang bansa nagtratrabaho.
Hindi lamang talino ang pinagmamalaki ng dalaga kundi pati ang kaniyang kabigha-bighaning ganda,sa katunayan ay siya ang pinarangalang lakambini sa kanilang lugar.
“Kailangan kong maging beauty queen, nana! Kaya hindi pwedeng lumabas ang baho na ito, walang pwedeng makaalam!” dagdag pa niya.
Bata pa lamang si Mariel ay pangarap maging beauty queen at makapagsuot ng korona na buong Pilipinas ang nakakakita sa kaniya.
Ngunit nagbago ang lahat ng kaniyang plano nang dumalo siya sa party ng kaniyang kaibigan.
Masyado siyang maraming nainom na alak noon at hindi na niya alam kung ano ang mga sumunod na nangyari dahil pagkalipas ng ilang Linggo, nalaman niyang siya’y nagdadalang tao.
“Mariel wala ka ba talagang naaalala? Kahit isa? Lahat ba ng nangyari sa’tin ay dala lang alak talaga?” tanong ni Ysmael, ang lalaking iniibig ng dalaga ngunit hindi niya ito maaring sagutin dahil para sa kaniya ay sagabal ang relasyon para sa kaniyang pangarap.
“Wala nga! Tapos na tayo! Teka, wala nga palang tayo, so tapos na yung landian natin. Ayoko na sa’yo!” saad ng dalaga sa lalaki sabay alis. Alam ni Mariel na si Ysmael ang ama ng kaniyang dinadala.
“Nana! Ibili mo ako ng pangpalaglag! Ayoko dito! Masyado pa akong bata!” sigaw ni Mariel sa ale habang hinahampas niya ang kaniyang tiyan.
“Mariel! Magtigil ka nga! Kapag pinalaglag mo yang batang ‘yan e hindi ka na tatanggapin pa sa langit kahit kailan! At isa pa, walang kasalanan ‘yan! Hindi ‘yan kasalanan! Kaya tumigil ka diyan o isusumbong kita sa mga magulang mo!” baling sa kaniya ng ale.
“No, nana! Parang awa mo na! Wag! Hindi pa ako handa! Wag ngayon! Hayaan mong ako ang magsabi sa kanila kapag handa na ako,” sagot ni Mariel dito.
Kinalakihan na ng bata ang ale dahil mas pinili ng kaniyang mga magulang ang tumira siya dito sa Pilipinas dahil sa paniniwalang mas maayos daw ang mga batang dito lumaki kaysa sa ibang bansa.
Nagtago sila sa isa sa mga rest house ng kaniyang magulang na malayo sa Maynila, nagawa rin nilang ilihim ito sa kaniyang mga magulang.
Ngayon ay nakabalik na sila ng Maynila at handa na muling sumabak sa laban ang dalaga upang matupad niya ang kaniyang pangarap. Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana, dahil wala pa mang apat na buwan ay naging sakitin ang anak niyang si Jacob.
Hirap na hirap na si Aling Amy dahil sa tuwing ito ay kailangang isugod sa ospital ay darayo sa ibang barangay dahil ayaw ni Mariel na may makakilala sa kaniya o ang magsulat ng kahit anong medical records na maaring makapagpabunyag sa katotohanan.
“Alam mo ‘yang kasikatan mo lilipas din ‘yan pero ang anak mo habangbuhay mo siyang makakasama,” malungkot na wika ni Aling Amy sa dalaga.
“Nana, wag kayong maingay baka may makarinig sa inyo. Basta ha, pag may nagtanong sabihin niyo na anak niyo yan ha,” saad ng dalaga sa ale.
Kahit na nasa ospital ang anak ay patuloy sa pagrampa ang babae pero mukhang hindi rin siya pinagbibigyan ng tadhana dahil hindi siya napili para makalaban sa lakambining panglalawigan, kaya umuwi siyang luhaan. Kailangan pa niyang maghintay ng isa pang taon para makasali at labis niya iyong ikinalungkot.
“Mariel, kailangan kong umuwi sa’min at may emergency ako, si Jacob alagaan mo muna,” saad ni Aling Amy sa dalaga.
Walang nagawa si Mariel kundi alagaan ang kaniyang anak. Sa unang pagkakataon ay nahawakan at nayakap niya ang bata, kahit pa nga hindi niya sabihin na mahal niya iyon ay kitang-kita naman ito sa mga luhang umagos sa kaniyang mata.
“Jacob anak, darating din ang araw na maipagmamalaki kita pero hindi iyon ngayon, hindi ko kaya,” bulong niya sa batang mahimbing na ang tulog.
Laking gulat niya dahil kinaumagahan umuwi ang kaniyang mga magulang.
“Anak, sino ‘yang batang ‘yan?” tanong ni Jean,ang nanay ng dalaga.
“Ah, anak ito ni Nana Amy, pinaiwan sa ‘kin may emergency lang na pinuntahan,” saad ng dalaga. Kinabahan siya ngunit alam niyang napaniwala niya ang mga magulang dahil hindi na ito muli pang nagtanong.
“Anak, tulog ka na?” tanong ni Jean habang kumakatok sa pinto.
Agad na tumayo si Mariel at inayos ang sarili tsaka pinatuloy ang ina. Tulog na si Jacob sa kaniyang higaan.
“Anak alam mo gusto lang kitang kwentuhan ngayong gabi,” pahayag ng kaniyang ina.
“Naku ma, bukas nalang, gabi na,” saad ni Mariel sa ina. Ngunit umupo ito sa kama at hinatak siya para yakapin.
“Alam mo anak, hindi mo pa alam ito kaya ikwekwento ko sa’yo. Pinagbuntis kita ng hindi namin inaasahan ng daddy mo, gusto kitang ipalaglag noon dahil hindi ko kayang huminto para lang sayo. Pero mas pinili ng daddy mong ipaglaban ka, huminto ako for almost 3 years kasi pinalaki ka muna namin tsaka ako bumalik sa pag-aaral ko, sa trabaho ko, sa pangarap ko.
Kahit na nahuli ako sa mga ka-batch ko at nakarinig ng masasakit na salita, wala akong pakialam dahil ikaw yung pinaka the best na nangyari sa’kin,” pahayag ng kaniyang ina habang hinahaplos ang buhok ng dalaga.
“Kaya anak, wag mong sayangin yung oras mo kakahabol ng pangarap mo habang binabaliwala mo ang totoong kayamanan na binigay sayo ng Diyos. Tatanggapin namin siya. Hindi mo na kailangang itago pa, kamukhang-kamukha mo siya anak,” dagdag pa ng ale. At doon na bumuhos ang luha ni Mariel.
“Mama, I am sorry! Walang narating yung kaisa-isa niyong anak!” umiiyak na pahayag ni Mariel.
“Anak, hindi ibig sabihin na nagkaanak ka ay bigo kana sa buhay. Hindi! Ang mas mahalaga ay naging matapang ka dahil kinaya mo siyang ilabas dito sa mundo. Hindi trabaho o kasikatan ang mahalaga, mas mahalaga kung naging mabuti at masaya ba tayong nabubuhay sa araw-araw. Yun ang importante anak,” baling sa kaniya ng ina.
Napagtanto ng dalaga na tama ang kaniyang Nana Amy at ang kanyang Mama, na walang kasalanan ang bata para tratuhin niyang malas. Kaya simula noon ay ipinakilala na ni Mariel sa lahat na anak niya si Jacob.
Noong una ay puro panlalait ang kaniyang natanggap ngunit hindi nagtagal ay tumigil din ang mga tao sa kakadaldal tungkol sa buhay niya.
Pinuntahan din niya si Ysmael para sabihing ito ang ama ni Jacob at buong puso itong tinanggap ng lalaki. Sinubukan niyang pakinggan ang kaniyang puso at nagsama sila ni Ysmael. Buong akala noon ng babae ay magiging mas mahirap kapag may lalaki sa kaniyang buhay ngunit mali pala siya dahil mas gumaan ang lahat.
Hindi na naging beauty queen pa si Mariel ngunit nakapagpatayo siya ng kaniyang sariling studio kung saan pwedeng magsanay ang mga babaeng nais maging beauty queen. Malaki na rin si Jacob at ikakasal na sila ni Ysmael sa susunod na buwan.
Ano man ang dumating sa kaniyang buhay ay hinding-hindi na niya itatago pa ang kaniyang anak dahil mas importante ang pamilya kaysa sa sasabihin ng iba.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.