Inday TrendingInday Trending
Sobrang Kalat ng Babae sa Bahay Nila, Ito Pa Pala ang Magpapayaman sa Kanya

Sobrang Kalat ng Babae sa Bahay Nila, Ito Pa Pala ang Magpapayaman sa Kanya

Linggo ng umaga, tirik ang araw at namumukod tanging boses lamang ni Aling Marisa ang naririnig na sumisigaw.

“Charisa! Ano ba itong aparador mo bakit puro basura!?” sigaw ng ale.

“Ano ba yan si mama! Nangialam na nanaman ng gamit ng may gamit. Hayaan mo lang yan! Maraming sentimental value sakin yan e,” saad ni Charisa.

“Diyos ko anak! Manilaw-nilaw na sando, ano ang sentimental value sayo nito?” tanong ni Aling Marisa.

“Unang sandong pang doble ko pagpasok ko sa highschool.” sagot ng dalaga sa kaniyang ina.

“Tignan mo nga, maliit na pantalon, lumang sweater. Mga kalat lang lahat ito e!Ang gulo gulo! Nakaka-aburido!”

“Wag niyo na ngang inaano yan! Nakakainis naman kayo e! Pag ako nagkatrabaho bibili ako agad ng sarili kong aparador para hindi niyo pinapakialaman ang mga gamit ko!” sagot ng dalaga. Tinawanan lamang siya ng mga kapatid.

“Yung mga damit mong maliliit ilabas mo at ipagtatapon ko na para naman lumuwag itong bahay natin. Kayo din Camille at Charo,” utos ni Aling Marisa sa mga anak.

Bunso si Charisa sa tatlong magkakapatid at lahat sila ay puro babae.

“Wag mong itapon! Magagamit ko pa yan!” pigil ng dalaga sa ina.

Bilang bunsong anak, nasanay na siyang gamitin ang mga pinagliitan ng mga kapatid at nagkakaroon lang sya ng bago damit tuwing kaarawan niya o Christmas Party sa eskwelahan nila.

Ang ate niyang si Camille ay nagtratrabaho na bilang tindera sa isang letchunan sa kanilang lugar, si Charo naman ay nagtratrabaho sa gasolinahan habang siya ay magsisimula pa lamang ng kolehiyo, siya lang ang makakapag-kolehiyo sa kanilang magkakapatid sa tulong ng mga scholarship na nakuha ng dalaga.

Hindi mayaman ang pamilya nila ngunit laging ipinagmamalaki ng kaniyang ina na kahit ganoom ang katayuan nila sa buhay ay wala silang pinagkaka-utangan.

Ang nanay ni Charisa ay nagtitinda ng mga lutong ulam sa ibat-ibang opisina sa Makati, nilalako iyon ng ginang araw-araw at yoon din ang nakapagpaaral sa kanilang magkakapatid, maaga kasing nawala ang kaniyang ama dahil sa sakit sa puso.

“Ikaw nga Charisa! Wag kang masyadong nanghihinayang,parang basurahan na itong kwarto! Kaya walang dumadating sayo na bagong damit kasi kahit maliit na e hindi mo pa rin itinatapon!” saad ng kaniyang ina.

“Naku mama, ang sabihin niyo kaya wala akong bagong damit kasi lahat ng damit ko mga pinaglumaan nila ate,” baling ng dalaga.

“Ganon? Lumapit ka dito ng makatikim yang bibig mo!” sigaw ng ale sabay habol sa pasaway na anak.

“Aalis na ako, mamalengke na ako! Wag mo itatapon yan! I love you mama!” sabay takbo ni Charisa palabas ng bahay.

Isang araw ay umuwi na ang dalaga galing sa kaniyang klase.

“Mama! Saan na yung mga luma nating gamit? Nakita ko sa Facebook patok yung pagbebenta ng mga damit, pre-loved tawag ngayon dun sa mga gamit na. Magbebenta din ako!” saad ng dalaga sa kaniyang ina na naghahanda ng lulutuin para bukas.

“Naku kang bata ka! Kung ano-anong naiisip mo,” baling sa kaniya ng ale.

“Mama, ang mga yumayaman ngayon ay mga business minded! Pag ako bumenta dito makikita niyo po, aasenso na tayo agad!” sagot niya sa kaniyang ina ngunit tumawa lamang ang ale sa kaniyang sinabi.

Inilatag ng dalaga ang mga damit at ibang lumang gamit sa kanilang sahig, ang iba ay sinuot niya tsaka kinuhanan ng litrato.

Dali-dali din niyang pinost agad sa Dacebook. Nag-iwan siya ng “For sure buyers, PM ME FOR DETAILS” na kataga sa kaniyang post. Naghintay ang dalaga sa pinaka-una niyang magiging customer ngunit napagod na lamang siya sa kakasagot sa mga chat ng mga taong di naman bibili.

Sinubukan din niyang babaan ang presyo ngunit siya naman ang lugi sa pagpapadala ng damit kung oorder lang ito ng tatlo na nagkakahalagang 100 piso, halos piso lang ang tutubuin niya. Lugi siya sa pagod, effort at internet.

“Ayoko na, akala ko kikita ako! Nakakainis pala itong online selling na ito walang bumibili,” saad ng dalaga sa sarili.

“Ano, siguro naman pwede na nating i-dispatsa ang mga yan anak?” tanong ni Aling Marisa na nasa kaniyang likuran pala.

“Hindi, dyan lang yan mama. Wag mong gagalawin yan ha, darating ang araw na mapagkakakitaan ko rin iyan,” mabilis na sagot ni Charisa sa ina.

Lumipas ang ilang taong pag-aaral ng dalaga sa kolehiyo at ngayon ay nakapagtapos na siya.

“Mama, nakaisip na ako ng inenegosyo ko! Ito na talaga yun! Habang wala akong trabaho ay magtatayo ako ng ukay-ukay dyan sa labas natin!” masiglang bulalas ni Charisa sa kaniyang pamilya habang sila ay kumakain ng hapunan.

“Charisa, nagtapos ka ba ng kolehiyo para lang magtayo ng ukay-ukay?” tanong ng kaniyang Ate Camille at sabay na nagtawanan ang mga ito.

“Syempre hindi! Ang akin lang sayang yung mga luma kong gamit diba. Tsaka tungkol sa pagne-negosyo ang tinapos ko kaya magtiwala kayo sa akin, hindi ako mamumuhunan ng pera pero babalik ito agad sa’kin pag pumatok itong naisip ko,” saad ng dalaga.

“Bahala ka anak. Baka isipin ng mga tao wala na tayong makain at pati mga gamit natin ay binebenta na natin,” tumatawang sagot ni Aling Marisa.

Plinanong mabuti ni Charisa ang bawat detalye sa kaniyang ukay-ukay. Pinagsama-sama niya ang t-shirt na pangbahay tsaka ito tinupi ng sunod-sunod at nilagyan ng presyong 20 pesos. Sunod ang mga damit na pang-alis, shorts, pantalon, bag at mga sumbrero. Ang pinakamahal sa kaniyang ukay-ukay ay nagkakahalagang 100 piso lamang.

Naglatag siya ng mesa at naglagay ng karatola “GARAGE SALE” at umupo siya doon sa tabi at inilabas ang kaniyang laptop at sinimulan niya ang pagpapasa ng resume online.

Hindi niya inaasahan ngunit kumita siya ng 2,300 sa isang araw lang at ubos din kaagad ang unang sako na kaniyang inipon dati.

Hindi muna ito ginasta ng dalaga, pinaubos na muna niya ang lahat ng kanilang mga nakatambak na gamit at sa loob ng halos isang buwan ay naka-sampung libo rin siya. Tuwang-tuwa siya at ipinagmalaki iyon sa kaniyang ina.

Lumipas ang maraming taon at ngayon ay nagtratrabaho na sa ibang bansa si Charisa bilang isang sekretarya ngunit hindi parin niya tinigilan ang pag ukay-ukay. Nag-aangkat din siya sa ibang bansa ng mga tinatapong gamit, kung minsan ay hinihingi niya sa mga ka-opisina o di kaya naman binibili niya sa junk shop.

Di nagtagal ay nakakuha na rin ng supplier si Charisa para sa mga ukay-ukay na damit at ngayon ay may dalawa na siyang pwesto ng ukay-ukay na siyang pinagkakakitaan ng kanilang pamilya. Tumigil na ang kaniyang ina sa pagluluto at nagbabantay na lamang ng kanilang negosyo.

Masaya ang dalaga dahil makalat man siya sa paningin ng iba noon, ito naman ang ginamit niya para umasenso ngayon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement