Hagalpakan ang mga Kaklase Dahil sa Nagpa-kalbong Estudyante, Nadurog ang Kanilang mga Puso nang Malaman ang Dahilan Nito
Sikat na sikat si Elizabeth dahil sa kanyang mahaba at makintab na buhok. Maraming mga ka-eskwela niya ang humahanga sa kanya dahil dito.
“Girl! Ganda mo talaga. Gusto ko rin sana ng ganyang buhok.”
“Nagpa-rebond ka ‘no? Uyyy. Aminin!”
“Kaya ang daming nagkakagusto sa’yo e. Haba ng hair talaga!”
Ilan lamang iyon sa mga kadalasang naririnig ni Elizabeth mula sa kanyang mga kamag-aral. Ngunit lahat ng iyon ay napalitan ng tawanan at pangungutya nang dahil sa desisyon ng dalaga na magpakalbo.
Alam niyang hindi magiging maganda ang mga komentong maririnig niya mula sa mga kamag-aral at kaibigan, ngunit hindi niya lubos maisip na magiging sagad-sagaran ito.
“Huy! Mukha ka nang pugo!”
“Wala nang magkakagusto sa’yo!”
“Magkano magpahula? May bolang kristal ka naman e!”
Tiniis ni Elizabeth ang unang araw na pumasok siyang wala nang buhok. Pilit siyang pinigilan ng kanyang ina na gawin ito ngunit para sa kanya ay ito ang nararapat na gawin. Kaya naman kahit tila wala nang katapusan ang pang-aasar sa kanya ay itinuloy lang ni Elizabeth ang kanyang sariling buhay.
Isang araw, hindi na kinaya ng dalaga ang pang-aalipusta. Napagdesisyunan na itong hindi pumasok sa eskwela. Agad naman itong napansin ng kanilang guro na si Mrs. Rivera kaya tinanong ang mga kaklase ni Elizabeth ng dahilan sa hindi pagpasok ng dalagita.
“Bakit hindi na pumapasok si Elizabeth?”
“E kasi naman, Ma’am, magmula noong magpakalbo siya ay kaliwa’t-kanang pang-aasar na ang araw-araw niyang nararanasan. Ang kukulit kasi ng mga ito,” sagot ng isa sa mga may mabubuting loob na kaklase ni Elizabeth.
“Ano?! Bakit hindi ko alam ‘to? Wala man lang nagsabi sa akin! Alam ba ninyo kung bakit niya nagawa ‘yon?!” galit na galit na sambit ni Mrs. Rivera.
“E bakit nga ba, Ma’am?”
“May sakit ang nakababatang kapatid niya! Unti-unting nauubos ang buhok ng bunso niyang kapatid. Napakalaking sakripisyo ang ginawa ni Elizabeth dahil pinagupit niya ang kanyang buhok upang damayan ito. Upang iparamdam sa bata na hindi siya nag-iisa. Gabi-gabi na raw kasi itong umiiyak nang dahil sa pagtataka kung bakit ang ate niya ay mahaba at magandang buhok,” maluha-luhang paliwanag ng guro.
“Imbis na matuwa kayo sa sakripisyo niya, ginawa niyo pang katatawanan?” napasigaw na ang guro sa galit.
Halos ang lahat ay naluha sa narinig na pinagdaraanan ng kanilang kaklase. Kaya naman nagdesisyon silang lahat na puntahan si Elizabeth sa bahay nito upang personal na humingi ng tawad.
Nang makarating sa tahanan ni Elizabeth, nakita nila itong masayang naglalaro kasama ang kapatid na may kapansanan. Nakita sila ng ina nito at agad pinapasok sa kanilang bahay.
“Gusto lang po naming humingi ng tawad kay Elizabeth. Hindi po namin alam ang pinagdadaanan niya.”
“Ganoon ba? Mabuti naman. Kasi ayaw na niyang pumasok ng eskwela nang dahil daw sa labis niyang pang-aapi sa kanya.”
“Pasensiya na po. Hinding-hindi na po namin uulitin dahil naiintindihan na po namin.”
“Maraming salamat. Alam ba ninyo na napakalaking bagay ang ginawa ni Elizabeth para sa kapatid niya? Magmula nang magpakalbo siya, nabawasan ang labis na pagkalungkot ni Kristine. Noon kasi’y akala niya ay naiiba siya sa lahat. Batang-bata pa kasi siya kaya hindi niya pa naiintindihan,” lumuluhang paliwanag ng ina.
Agad na nilang nilapitan at sabay-sabay niyakap ang kaklaseng si Elizabeth. Isa-isa rin itong nanghingi ng tawad sa kanya. At dahil naging maganda ang pagpapalaki sa dalagita, agad naman niyang napatawad ang mga ito.
Magmula noon ay hindi na nila inalipusta ang ginawang pagpapakalbo ng dalagita. Bagkus ay nakaisip pa sila ng paraan at nag-ambagan upang makabili ng ilang peluka at ipit sa buhok upang ibigay sa batang si Kristine. Malaki naman ang naitulong nito sa kalagayan ng bata.
Natutunan ng mga bata sa murang edad na hindi dapat manghusga ng tao lalo na kung hindi nila alam ang pinagdaraanan ng isang tao.