Nagkakagulo na ang Isang Barangay Dahil sa Kakulangan sa Tubig, Isang Trahedya ang Kanilang Sinapit dahil sa Matinding Agawan
“Wala na namang tubig!”
Magmula noong nakaraang buwan, iyan na ang normal na isinisigaw ng mga tiga-San Isidro. Mahigit sa isang buwan nang walang tulo ng tubig sa kanilang mga gripo. Pa-minsan minsan ay bigla na lamang nagkakaroon kaya naman panay ang abang ng ilang mamamayan sa kanilang mga gripo upang makapag-puno at makapag-ipon ng tubig sa kani-kanilang mga drum.
Isa na sa mga pamilyang nakakaranas nito ang pamilya Reyes. Tatlo ang anak ng mag-asawang si Cherry at Jojo kaya naman nagkaroon na ng diskarte ang ama ng tahanan upang makaligo ang mga anak bago pumasok ng eskwela. Dalawang drum ang kanyang napuno na nakalagay sa labas ng kanilang bahay.
Isang gabi, habang nagpapa-antok si Jojo ay bigla niyang napansin ang isang anino na dahan-dahang gumagalaw sa kanilang labasan. Agad siya kumuha ng patpat at lumabas upang makita kung ano ito.
Nagulat siya sa kanyang nakita. Ang kapitbahay nilang si Manuel ay pawis na pawis at pinupuno ng tubig ang dalang dalawang timba ng tubig. Agad nag namang nag-init ang ulo ni Jojo dahil isang drum na nga lang ng tubig ang mayroon sila, tapos nagawa pa siyang nakawanan ng pinagkakatiwalaang kapitbahay.
“Hoy! Manuel! Ano ‘yang ginagawa mo?!” sigaw ni Jojo.
“Pre! Gising ka pa pala. Pasensiya na. Masangsang na kasi ang amoy ng palikuran namin. Tapos papasok pa ako mamaya, kailangan ko ring maligo. Ibabalik ko rin kapag nagkatubig na,” nakakatawang paliwanag ni Manuel.
“Ha?! Ibabalik kapag nagkatubig na? T*nga ka ba? Malabo pa ngang mangyari ‘yon e. Kaya nga namin tinitipid ‘yan! Humanap ka ng sarili mong diskarte, hindi iyong nagnanakaw ka!” sagot ng naghihimutok na si Jojo.
Ngunit tila walang talab ang mga sinabi ni Jojo. Patuloy pa rin sa pag-iigib si Manuel, kaya naman napuno na ang lalaki at kinwelyuhan ang kapitbahay.
“G*go ka ba? Wala ka bang naririnig?” wika ni Jojo habang hawak ang kwelyo ni Manuel.
“Ano ba?! Mananakit ka pa, para sa tubig lang? Damot mo naman, pre!” sagot ni Manuel.
Hindi siya binitawan ni Jojo, kaya naman sinalubong niya ng sapak ang lalaki. Saktong tinamaan ito sa mukha.
“T*rantado ka ah?! Ikaw na ang nagnanakaw, ikaw pa ang matapang?!” ‘ika ni Jojo, sabay kuha sa timbang pinuno ng tubig ni Manuel.
Sa ingay ng dalawa, nagising na ang mag-iina ni Jojo.
“Jojo! Tama na ‘yan! Kapitbahay, tulong!” sigaw ni Cherry nang makitang nagkakasakitan na ang dalawa.
Pilit na inagaw ni Jojo ang timba, at pinaghatakan ng dalawa ito. Sa ‘di inaasahang pagkakataon, natapon pa ang dalawang timba ng tubig.
“T*ngina ka ah? Ayan! G*go! Sayang tuloy! Imbis na may makinabang, itinapon mo pa! O eto, itapon na rin natin para wala nang pag-awayan!” sambit ni Manuel sabay sipa sa nag-iisang drum na may lamang tubig. Agad naman itong bumaliktad at natapon ang lahat ng laman.
Lalong umakyat ang dugo sa ulo ni Jojo nang dahil sa ginawa ng kapitbahay. Nagrambulan pa ang dalawa, nang biglang dumating ang mga barangay tanod upang umawat sa kanila.
Natapos ang gabi na parehong walang nakinabang sa imbak na tubig dahil init ng ulo ang pinairal ng dalawa. Ngunit dahil sa kasunduan sa barangay, parehong ding natigil ang dalawa sa pag-aamok. Pinauwi na ang dalawa sa kani-kanilang bahay.
Kinabukasan, nagising si Jojo sa sigaw ng kanyang asawa.
“Jojo! Jojo! Diyos ko! Iniwan ko lang ito saglit!” sigaw ng natatarantang si Cherry.
“Ano ba ‘yon?! Ang aga-aga, Cherry,” natigilan si Jojo sa kanyang pananalita nang makitang bahagyang nasusunog ang kawaling pinaglulutuan ng asawa.
“Lagyan mo ng basang tuwalya! Bilis! O kaya kumuha ka ng isang timbang tubig, kahit marumi! Bilisan mo!” utos ni Jojo sa asawa.
“Wala na! Simot na simot na ang tubig kagabi, hindi ba?!” aniya.
Napahawak na lamang sa kanyang ulo si Jojo. Hindi niya maisip kung ano ang gagawin. Kung tutuusin ay napakaliit lamang ng apoy na iyon at kayang-kaya pa sanang apulahin ng isa o dalawang timba ng tubig.
Nagtatakbo sa labas si Jojo upang humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Ngunit nang maglabas ng tanging mga natitira nilang tubig na inimbak, nakita nilang palaki na nang palaki ang sunog.
Pumasok muli ng bahay si Jojo at sinundo ang kanyang mag-iina. Hindi na niya inisip ang mga gamit na maaari pang isalba dahil pinaka-mahalaga sa kanya ay ang buhay ng kanyang pamilya.
Unti-unting lumaki ang apoy. Sinubukan pa rin nilang apulahin ito gamit ang mga tubig na ibinigay ng mga kapitbahay, ngunit huli na ang lahat. Kumakalat na ito sa bahay ng kapitbahay na si Manuel.
Mabuti na lamang at maya-maya pa’y agad na rumesponde ang ambulansya sa kanilang lungsod. Matapos ang mahigit sa dalawang oras ay tuluyan nang naapula ang sunog. Ngunit sa kasamaang palad ay natupok ang bahay ni Jojo at bahay ni Manuel.
“‘Yan kasi! Ang t*t*nga! Muntik niyo pa kaming idamay. Init ng ulo kasi ang inuna niyo kagabi,” wika ng isa pa nilang kapitbahay.
“Magnanakaw kasi ‘to! T*ngina! Naagapan sana agad kung hindi lang nagnakaw itong t*rantadong ito e,” sambit ni Jojo habang masamang nakatingin kay Manuel.
Muli pang nagkainitan ang dalawa. Mabuti na lamang at agad silang tumigil matapos magalit ng isa sa mga tanod.
“Hindi pa ba kayo titigil?! Pareho na kayong walang bahay! Pare-pareho kayong may kasalanan dito,” wika ng isang barangay tanod.
“Kasalanan pa ho ba namin? Bakit nga ho ba walang tubig mahigit isang buwan na? Maawa naman ho kayo sa mga mamamayan ninyo,” umiiyak na sumamo ni Cherry.
Nagkakainitan ang diskusyon nang biglang buksan ng bumbero ang kanilang hose ng tubig. Pumila ng maayos ang mga tao upang makapaglagay ng imbak ng kanilang tubig.
Wala nang nagawa si Jojo at ang kanyang mag-iina, kung hindi ang lumapit sa isa sa mga konsehal sa kanilang lugar at manghingi ng tulong. Mabuti na lamang ay agad silang tinulungan nito nang malaman ang buong kwento. Maging ang pamilya ni Manuel ay binigyan ng libreng pabahay nang dahil sa sakunang nangyari.
Nang lahat ay mahimasmasan, agad ding humingi ng tawad si Manuel sa kanyang nagawang pagnanakaw. Dahil lang naman daw ito sa matinding pangangailangan. Nakapagpatawaran naman ang dalawa at nagsimulang magbagong-buhay.
Nang dahil naman sa nangyari, namulat ang mata ng pamahalaan kaya’t inasikaso na nila kung paano matutugunan ang pangangailangan ng mamamayan sa tubig. Nagdiwang ang lahat dahil matapos ang ilang linggong paghihintay ay muli nang nagkaroon ng tubig sa kani-kanilang bahay.
Natutunan ni Manuel na kahit gaanong katinding pangangailangan ay mali pa rin ang pagnanakaw, at natutunan naman ni Jojo na hindi dapat idinadaan ang mga bagay sa init ng ulo.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!