Hanga ang Lahat sa Perpektong Mag-asawang Ito, Ngunit Lahat ay Nagbago Nang Lumabas na ang Ipinagbubuntis ng Babae
“Mare! Nakita mo ‘yong mag-asawa kanina? Grabe, ano? Parang mga artista! At ang babango pa,” wika ni Joy nang madaan ang bagong kapitbahay na si Mark at Cathy.
“Kaya nga e. Ang ganda-ganda siguro ng magiging anak nila, ano?” sagot ng kakwentuhan nitong si Mila.
“Sigurado ‘yan!”
Wala pang isang linggo nang lumipat sa isang subdivision ang mag-asawang si Mark at Cathy. Ang bali-balita ay nagkakilala ang dalawa sa Japan at doon na rin nagpakasal. Sa kabila ng pagiging “perpekto” ng mag-asawa, napakagaling pa nilang makisama.
“Tao po? Tao po?” wika ni Cathy habang kumakatok sa bahay ng kanilang bagong kapitbahay.
“Ano ‘yon?”
“Kami ho ‘yong bagong lipat dito sa #26. Niluto ko ito, sana’y magustuhan ninyo,” sambit ni Cathy sa kapitbahay sabay abot ng isang maliit na cake na siya mismo ang nagluto.
Binigyan niya ang lahat bilang pakikisama sa mga bagong kapitbahay. Labis naman itong kinatuwa ng lahat, at mabilis silang nakapalagayan ng loob ng mga ito.
Lumipas ang mga buwan at dumating na ang araw na pinakahihintay ng mag-asawa. Isinugod na sa ospital si Cathy upang isilang ang kanilang panganay na anak.
Nagdesisyon naman ang ilan sa kanyang mga kapitbahay na agad dumalaw upang mabisita ang mag-asawa. Nagdala pa ang mga ito ng bulaklak at ilang prutas para sa bagong ina.
“Ang ganda-ganda siguro nung bata. Eksyated na akong makita! Nako, pwede na siguro agad iyong maging artista. Parehong mestiso at mestisa ang ama’t ina e,” wika ni Joy sa mga kasamahan.
“Kaya nga! Eto at nagdala pa ako ng baro, regalo ko sa bata. Bagay na bagay ito sa maputi,” tugon ng kasamahang si Mila.
Nang makarating ng ospital, sinalubong sila ng tuwang-tuwang ama at agad dinala sa kanilang pribadong silid.
“Si Cathy nagpapahinga pa po sa kanyang kwarto. Ang baby namin nasa incubator pa po, pero ilalabas na rin po namin mamaya,” nakangiting sambit ni Mark.
“Ganoon ba? Puntahan na natin ang anak ninyo. Gustong-gusto na naming makita,” ‘ika ni Joy.
Nang makarating sa silid, napakaraming bata ang nakalagay sa loob ng incubator. Agad nakita ng dalawa ang isang bata na namumula-mula ang kutis.
“Eto ba siya? Napakaganda! Manang-mana! Sinasabi ko na nga ba at magmamana sa inyo e,” tuwang-tuwang sabi ni Joy habang pinagmamasdan ang magandang sanggol.
“Ay, hindi po. Eto po ang sa amin. Si Princess Chiara. Ang prinsesa ng aming buhay,” nakangiting sagot ni Mark habang itinuturo ang isang hindi kagandahang sanggol.
Nagkatinginan si Joy at Mila. Halos hindi pa mapigilan ng dalawa ang kanilang pagtawa.
“Bakit?” pagtataka ni Mark.
“Sigurado ka ba? Baka nagkapalit. Paano ninyo magiging anak ang batang ‘yan? Ang pangit!” ‘ika ng matalim na dila ni Mila.
Halata sa mukha ni Mark ang inis nito sa pananalita ng dalawa.
“Anak ho namin siya. Sobra naman kayong magsalita sa aming prinsesa. Mas mabuti pa siguro kung umalis na lang kayo kung wala kayong magandang masasabi,” sagot ni Mark.
“Sobra ka naman! Oo, sige. Aalis na lang kami,” inis pang sagot ni Joy. Tila ba sila pa ang nasaktan sa sitwasyon.
Nang makarating sa kanilang subdivision, agad ipinagkalat ni Joy at Mila ang hitsura ng bata. Dahil sa inis kay Mark, naisipan pa nilang gumawa ng istorya na baka iba ang ama ng bata kaya naman ganoon ang naging hitsura nito.
Mabuti na lamang at kasama sa kanilang mga kakwentuhan ang matandang kapitbahay ng mag-asawa.
“Bakit? Hindi ba ninyo alam?”
“Ang alin ho?”
“Hindi ba galing ng Japan ang mag-asawa? Retokado ang dalawang iyon. At hindi nila iyon ikinahihiya. Aba’y kung ako naman ang may ganoong karaming pera, ipapaayos ko rin ang gusto kong ipaayos sa hitsura ko,” pagtatanggol ng matanda sa kanyang kapitbahay.
“Talaga?! Kaya naman pala! Hahaha! Ang pangit ng anak nila,” tawang-tawang sagot ni Mila.
“Aba’y bakit ba ninyo inaalipusta ang bata? Anong nagawa noon sa inyo? At isa pa, labis ang pakikisama ng mag-asawa sa ating lahat. Bakit niyo ginaganyan?” ‘ika ng matanda.
“Wala naman kaming ginagawa, ah? Natatawa lang kami, kasi ang pangit nung bata! Malas nila na hindi pa pwedeng ipa-retoke dahil bata pa,” patuloy na pangungutya ni Joy.
“Bahala kayo. Basta ako, wala akong problema sa kanila dahil mababait silang tao. Mapagkumbaba pa. Saan ka makakakita ng ganoon kayaman pero marunong pa ring makisama? Humingi kayo ng tawad. Nakakahiya kayo.” utos ng matanda sa dalawa.
Makalipas ang ilang araw, mabuti na lamang at natauhan ang dalawa. Naalala nila ang mga mabubuting pakikisama ng mag-asawa sa kanila. Kaya naman nagdesisyon silang pumunta sa bahay ni Cathy at Mark upang humingi ng tawad.
“Anong ginagawa niyo dito?” wika ni Mark nang makita ang dalawa na nakatayo sa tapat ng kanilang bahay.
“Gusto lang naming humingi ng pasensiya. Hindi naman kasi namin alam.”
“Ganoon ho ba? Nako. Hindi ko na iyon pinarating sa asawa ko. Alam ko kasing masasaktan siya. Pero gusto ko rin na humingi ng tawad sa pagpapa-alis ko sa inyo. Ayoko lang kasi na may naagrabadyo ang anak ko,” paliwanag ni Mark.
Naikwento rin nito na noong kabataan pa nila ni Cathy ay pareho silang nakaranas ng matinding pang-aalipusta sa kanilang itsura. Kaya naman noong nagsimula silang kumita ng malaking pera ay naisipan nilang magpa-retoke ng mukha.
Agad namang tinamaan ng konsensya ang dalawa.
“Talaga? Nako, pasensya na kayo. Ramdam namin ang napakabuti ninyong pakikisama. Sana makabawi kami. Pwede ba naming puntahan at bisitahin ang mag-ina mo ngayon?”
Simula noon ay naging mabuting magkakapitbahay sina Joy, Mila, at ang pamilya ni Mark. Naging maingat na rin si Joy at Mila sa kanilang mga pananalita dahil natutunan nilang ang lahat ng bagay ay may dahilan at hindi lahat ay dapat nilang pinakikialaman.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!