Inday TrendingInday Trending
Pinagtanggol ng Ina ang Akusadong Anak, Maging ang Sarili ay Kaya Niyang Isakdal Para Lamang sa Kalayaan Nito

Pinagtanggol ng Ina ang Akusadong Anak, Maging ang Sarili ay Kaya Niyang Isakdal Para Lamang sa Kalayaan Nito

Dalawa na lamang sa bahay ang mag-inang si Marites at Jepoy magmula nang iwan sila ng amang si Rolando. Kaya naman labis ang pagmamahal ng ina sa kanyang anak dahil ipinangako niyang hindi ito magagaya sa kanyang dating asawa.

Sa kabila ng labis na pag-aalaga at pagmamahal, lumaking suwail at matigas ang ulo ni Jepoy. Lahat ng kanyang mga nakakasalamuha ay agad napapansin ang kakaiba nitong pag-uugali.

“Mare! Ang anak mo, tinusok ng lapis ang anak ko noong naglalaro sila sa amin. Kitang-kita ko! Mabuti na lamang at naagapan ko. Kung hindi, baka kung ano pa ang nangyari. Pagsabihan mo naman,” payo ng kapitbahay nilang si Marjorie.

“Ano? E ang ugali kasi ng anak mo. At saka away bata lamang iyan, nangingialam ka pa. Tama ba ‘yon?”, matapang pang sagot ni Marites kahit pa anak niya ang may kasalanan. Imbis na humingi ng pasensiya ay ganoon pa ang sinabi niya.

Napa-iling na lamang si Marjorie at ipinangako na lamang sa sarili na hindi na muling papupuntahin ang bata sa kanilang bahay.

Hindi lang si Marjorie ang may ganoong reklamo kay Jepoy. Maging ang mga kaklase at guro ng bata ay madalas magsumbong kay Marites sa kung ano-anong kalokohang ginagawa ng anak nito. Ngunit ang lahat ng iyon ay minamasama pa ng ginang.

Lumipas ang ilang taon at nagbinata na si Jepoy. Dahil walang tigil ang reklamo ng mga nagiging kaklase ng binata, napagdesisyunan na lamang ni Marites na ipatigil sa pag-aaral ang anak.

“Hayaan mo sila, anak. Ako, naniniwala ako sa’yo na mabuti kang bata. Hindi ka lang nila naiintindihan,” wika ni Marites sa kanyang anak.

“T*ng -na kasi ng mga ‘yon! Akala mo kung sinong magagaling!” sagot ng binata.

“Kaya nga… Hayaan mo na. Tayo na lamang ang lalayo,” pagkunsinti ng ina. Ni hindi man lang ito pagalitan sa pagmumura ng binata.

Isang araw, nagising si Marites dahil sa ingay ng mga pampulisyang sasakyan sa labas ng kanilang bahay. Nagulat siya sa nakita pagkalabas ng kanyang silid.

“Bitawan ninyo ang anak ko! Bakit niyo siya pinosasan? Wala siyang kasalanan!” sigaw ni Marites sa mga pulisya.

“Marami po kaming ebidensiya na nagtuturo sa inyong anak. Natagpuan po namin ang malamig na labi ng kanyang dating guro. Nakita rin po sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang ilang kagamitan na ginamit sa pagkitil sa buhay ng kawawang ginang. At lahat po ng iyon ay may fingerprint ng inyong anak,” paliwanag ng pulis sa lumuluhang ina.

“Hindi! Hindi ‘yon magagawa ng anak ko! At bakit?! Bakit niya gagawin ‘yon? Nananahimik kami rito sa pamamahay namin!” panlalaban ni Marites.

Hindi nagpatinag ang pulisya at tuluyan nang dinala ang labing siyam na taong gulang na binata sa presinto. Naiwan si Marites na ngumangawa sa kanilang bahay.

“Hindi ‘yon magagawa ng anak ko! Hindi! Hindi!” sigaw ni Marites sa sarili habang umiikot sa bahay upang mag-isip kung paano maipagtatanggol ang anak.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang makapasok sa silid ni Jepoy. Sa pader nito ay punong-puno ng mga larawan ng mga taong kinainisan at nakaaway dati ng binata. Isa na rito ang gurong sinasabi na natagpuang walang buhay. May malaking ekis pa ito sa larawan ng ginang.

Kumbinsido na si Marites na ang anak niya ang may gawa ng krimen na iyon. Ngunit desidido siya na tuparin ang pangako sa kanyang anak na kailanma’y hindi niya ito iiwan at pababayaan. Kaya naman nakaisip siya ng paraan upang makalaya mula sa piitan ang pinakamamahal na anak.

Pumunta si Marites sa presinto. Agad nitong kinausap ang mga pulisya.

“Aaminin ko na. Ako ang may gawa ng lahat. Nang dahil sa labis kong galit sa pang-aalipusta ng ginang na iyan sa aking anak, hindi ko na napigilan ang aking sarili at tinuldukan ko na ang buhay niya. Ang mga fingerprint na natagpuan ninyo? Dahil sa anak ko ang mga kutsilyong ginamit ko. Nagsuot ako ng gloves upang maitago ang akin, ngunit nakalimutan kong tanggalin ang sa anak ko.” diretsong paliwanag ni Marites. Handa niyang angkinin ang maling ginawa ng anak para lamang maipagtanggol ito.

Napangiti ang mga pulis. Nag-usap-usap ang mga ito at maya-maya pa ay sinuotan na rin ng posas si Marites.

Buong akala ni Marites ay paniwalang-paniwala na ang mga pulisya sa kanyang mga paliwanag.

Lumipas ang ilang araw at dinala na mag-ina sa korte upang mabigyan ng desisyon at hustiya ang buhay ng guro. Akala ni Marites ay magiging mahaba ang dikusyon kaya naman nagsanay pa ito kasama ng kanyang anak ng mga sasabihin upang mapaniwala ang mga tao.

Ngunit laking gulat ng mag-ina dahil wala pang isang oras ay may desisyon na ang korte.

“Hinahatulan ko ng tatlumpung taong pagkakakulong ang nagkakasalang si Mrs. Marites Dela Cruz…”

Naluluha pa sa saya si Marites nang marinig na abswelto ang kanyang anak. Ngunit agad itong napalitan ng matinding panlulumo nang marinig ang mga sumunod na salita.

“At panghabambuhay naman na pagkakakulong sa akusadong si Jepoy Dela Cruz.”

“Ha?! Bakit?! Hindi ba sinabi kong ako nga ang may gawa ng lahat? Bakit ikukulong niyo rin ang anak ko?!”

“Kumalma ka, Marites. Akala mo ba na ganoong kadali maloko ang korte? Sa pangangalap namin ng impormasyon, napatunayan pa rin namin na ang anak mo ang may sala. May CCTV na nakapagpatunay na ang anak mo ang salarin. Ikaw ay makukulong nang dahil sa sinubukan mong pagtakpan ang nagawa ng iyong anak,” paliwanag ng hukom.

“Hindi! Hindi!” wala nang nagawa si Marites kung hindi ang magwala sa korte. Tuluyan na silang dinala sa kulungan nang magkahiwalay.

Matapos pa ang mahigit sampung taon sa piitan, saka pa lamang naisip ni Marites na hindi sa lahat ng panahon ay dapat mong kampihan at kunsintihan ang iyong anak. Ang pagprotekta sa iyong anak ay may limitasyon at hangganan.

Ngunit para kay Marites, huli na ang lahat para sa pagbabago sa pagpapalaki sa kanyang anak dahil habambuhay na itong nakapiit sa kulungan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement