Inday TrendingInday Trending
Walang Matigas na Boss sa Mainit at Masarap na Kape

Walang Matigas na Boss sa Mainit at Masarap na Kape

Isa sa mga kinatatakutang boss ng kumpanya ng sardinas si Mister Erwin Galang, 37 taong gulang, dahil masyado itong perfectionist pagdating sa trabaho. Halos sa loob ng dalawa o tatlong linggo, nakailang pagpapalit na ito ng sekretarya dahil hindi matagalan ang kanyang ugali.

Ubod ng sungit ito at halos hindi ngumingiti, mahilig pang mag-utos ng napakaraming mga bagay, na minsan ay hindi na sakop ng tungkulin ng kaawa-awang sekretarya. Sa huli, madalas na namomroblema ang HR assistant dahil sa paghahanap ng bagong sekretarya nito.

Hanggang sa isang araw, isang masiyahing sekretarya ang nagsumite ng kanyang aplikasyon para sa nabanggit na bakanteng posisyon. Si Judith Buan, bagong graduate sa kolehiyo. Cum laude ito at maganda naman ang academic records, mahusay magsalita, at nakapasa sa mga panayam. Mukha itong positibo sa buhay at masayahin. Binalaan siya ng HR assistant.

“Ayaw ng magiging boss mo ang masyadong masiyahin. Kailangang pakibagayan mo siyang maigi.”

“Opo, Ma’am. Noted po,” nakangiting tugon ni Judith.

Inihatid na siya ng HR assistant sa kanyang bagong boss.

“Good morning Mr. Galang. I would like you to meet your new administrative assistant, Ms. Judith Buan.”

Ni hindi man lang sumulyap ang boss sa kanyang bagong sekretarya. Abala ito sa pagpirma sa napakaraming papeles. “Okay. Orient her.”

“Already done, sir.” Sagot ni HRD asssitant, at umalis na ito.

“Hello sir, my name is—“

“Paki-photocopy ang mga files na sa ibabaw ng pigeon hall. I need four copies each. Do it now!” utos ni Mr. Galang. Hindi man lang ito tumingin sa kanya. Patuloy lang sa kanyang ginagawa. May pahabol pa ito…

“Do it in 5 minutes!”

Mabilis na kumilos si Judith. Nagulat siya sa dami ng kailangan niyang i-photocopy sa loob lamang ng limang minuto. Huminga siya nang malalim, at ginawa ang nakaatas na gawain. Wala pang apat na minuto, natapos niya ang pag-photocopy ng mga dokumento na kailangan ng kanyang boss.

“Ok na po sir…”

“A cup of black coffee please.” Hindi pa rin tumitingin sa kanya ang boss, na ngayon naman ay abala sa pagta-type sa kanyang laptop.

Agad na nagtungo ang bagong sekretarya sa pantry upang ipagtimpla ng kape ang kanyang masungit na boss. Napapaisip tuloy si Judith kung tatagal ba siya rito o hindi. Sanay kasi siya sa masiyahing boss noong siya ay nagpracticum.

Inilapag niya ang puswelo ng kape sa tabi ng kanyang boss at nanatili siyang nakatayo rito.

Pinagmasdan niya ang mukha ng boss. Gwapo ito subalit mabalasik ang mukha at laging seryoso. Mukhang hindi basta-basta mabibiro. Nang mapansin siguro nitong nakatingin at nakatayo lamang siya sa kanyang harapan, saka ito sumulyap sa kanya, at nagtama ang kanilang mga paningin. May bahagi sa puso ni Judith na pumitlag.

“Hello sir. Judith po here. Ano pa pong kailangan nila?” tanong niya sa boss sabay ngiti.

“Look around and humanap ka ng gagawin,” Matabang na sabi nito.

Tumango si Judith at nagtungo sa kanyang mesa. Habang pinagmamasdan niya ang workaholic na boss ay hindi niya maiwasan ang mga tanong sa kanyang isip. Bakit kaya ang sungit nito? May girlfriend na kaya ito? May pamilya na? O baka naman binabae ito…

Maya-maya, napansin niyang hinigop na nito ang tinimpla niyang kape. Pagkatikim, napatigil ito at napatitig sa kape. Sumimsim ulit. Kinabahan si Judith. Baka hindi nito nagustuhan ang kanyang timpla. Agad siyang nagtungo sa harapan nito.

“S-sir, is there any problem po sa coffee?”

“Who made this one?” seryosong tanong nito.

“A-ako po sir. Kung hindi n’yo po nagustuhan, I’ll order na lang po…”

“No. It’s good.”

Napatigil si Judith. “Po?”

“I said it’s good. I like it.”

Ngumiti si Judith, at marahang nagpasalamat sa kanyang boss. Mula noon, halos lagi nang hinahanap-hanap ng kanyang boss ang timpla niyang kape. Marami pa rin itong utos na halos makapagpapagod sa kanya subalit ginagawa pa rin niya ito nang mahusay, kahit minsan ay hindi siya pinapansin nito. Isang bagay lamang ang madalas nitong pinupuri sa kanya: ang masarap na timpla niya ng kape.

Nagulat din ang kanyang mga kasamahan dahil dalawang linggo na ang nakalilipas nang siya ay matanggap, patuloy pa rin siyang nagtatrabaho para dito. Binati siya ng mga kapwa-sekretarya.

“Buti nakakatagal ka sa boss mo? Ikaw pa lang yata ang pinakamatagal niyang sekretarya,” sabi ng isang kasamahan na laging makapal ang lipstick sa bibig.

“Ok naman si boss. Basta gagawin mo lang ang mga utos niya ng mabilis. Walang magiging problema. At saka… sasarapan mo lang ang pagtimpla ng kape,” nangingiting saad ng dalaga.

“Turuan mo nga kaming magtimpla ng masarap na kape para matuwa naman ang mga boss namin sa amin.”

Hindi namalayan ni Judith ang panahon. Nakaka-isang taon na pala siya sa kompanya. Napag-aralan na niya agad ang pasikot-sikot sa kanyang mga ginagawa, gayundin ang mga ginagawa ng kanyang boss. Minsan, bago i-utos ni Mr. Galang, nakahanda na ang mga kailangan nito.

Nang minsang magkaroon ng personnel’s assembly ang kompanya, isa sa mga nagbigay ng mensahe ang kanyang boss. Bago matapos ang talumpati nito, laking-gulat niya ng pasalamatan siya nito at pinuri sa harapan ng lahat. Dapat daw gayahin ang mga tulad niyang sekretarya: mabilis kumilos, matalino, maaasahan, at masarap magtimpla ng kape.

Matapos ang programa at nang magsibalik na sila sa kanilang opisina, nilapitan ni Judith si Mr. Galang. “Sir, thank you po kanina.”

“You are welcome. Just continue being a very good secretary. Malay natin, may kapupuntahan iyan.”

Tumagal pa ng maraming mga taon si Judith sa kompanya hanggang sa siya’y mapromote bilang assistant general manager. Napromote din si Mr. Galang bilang presidente ng kompanya. Minsan, nagkasalubong sila papasok meeting room. Nakangiti ito sa kanya.

“I told you… you made it!” Puri nito sa kanya.

“Sir, you made me. Kayo po ang dahilan kung bakit ako gumaling sa work. Ako po ang clone n’yo.”

“No. Hindi kita clone. You are much better than me, puri ni Mr. Galang sa kanya.

Mula noon, naging magkaibigan sina Judith at Mr. Galang. Hanggang sa lumalabas na sila, nagkapalagayan ng loob, at maging sila. Nagpakasal sila at biniyayaan ng tatlong mga supling. Maligayang namuhay ang boss at ang kanyang dating sekretarya, na ngayon ay mag-asawa na.

Advertisement