Inday TrendingInday Trending
May Beks sa Kampo ng Sundalo?

May Beks sa Kampo ng Sundalo?

“Nak, mag sundalo kana lang, balita ko malaki ang sweldo roon e.” anang tatay ni Joel, napabuntong hininga naman ang binata.

“Oo nga anak, panigurado maaahon mo kami sa kahirapan non! May bahay pa tayo sa loob ng base kaysa andito tayo sa tabing dagat nakatira. Balang araw papaalisin rin tayo dito malamang.” wika ng nanay niya habang nagpiprito ng tuyo.

Panganay sa limang magkakapatid si Joel. Kakatapos niya lamang sa hayskul at nais niya sanang magpatuloy sa kolehiyo. Ngunit dala ng kahirapan sa buhay, kinukumbinsi siya ng kanyang mga magulang na magsundalo na lamang.

Isang construction worker ang kanyang tatay habang isang labandera naman ang kanyang nanay. Sa mga trabahong ito nabuhay ang kanilang pamilya.

Nais man ni Joel na maging isang chef sa barko, dahil sa pagmamahal niya sa mga magulang ay pumayag siya na magsundalo. Tuwang-tuwa naman ang kanyang ama at dali-dali silang nagpunta sa kumpare nitong sundalo.

Nakapasok nga siya sa kampo. Nagsimula siyang mag-training at makihalubilo sa mga kapwa nais magsundalo doon. Lumipas ang mga araw at tila ba nagagamay na niya ang mga gawain sa loob ng kampo.

“Pre, narinig mo na ba yung nagbabagang balita ngayon?” ani Jun, kasamahan niya sa kampo.

“Hindi malamang, wala naman tayong radio dito sa kwarto.” pilosopong ika ni Utoy, habang nagbibihis ng uniporme.

“Bugok! Dito lang sa loob ng kampo yung balita!” sigaw ni Jun, sabay hagis ng unan sa mukha ni Utoy.

“O, ano ba yon? Kalalaki mong tao tsismoso ka.” inis na sabi ni Utoy, hinagis pabalik ang unan.

“Meron nga tayong kasama dito kalalaking tao laging nakasuot ng pink na panloob!” sigaw ni Jun saka humagalpak ng tawa.

Nagtawanan ang mga ito kasama na ang ibang kalalakihan sa loob ng silid.

“O, habang wala pa si Kumander Abno tuklasin natin kung sino ba yon!” sigaw ni Ron, ang pinakaloko sa kampo.

Hinubaran nila ang lahat ng nasa loob ng silid. Tawanan sila nang tawanan, kantsawan nang kantsawan dahil maliit daw ang kargada ng iba. Pero bigla silang natahimik nang napatili si Joel noong hinubaran nila ito, pumasok lang kasi siya para kumuha ng malinis na damit. At ang pinaka nagpatahimik sa kanila, ang pink na pink na panloob na nakita nilang suot nito.

Matapos ang katahimikan ay umugong ang mas malakas na hagalpakan ng tawa.

“Ikaw pala yon, Joel? Hanep ka. Binabae ka ba? Alam mo ba na alam ng karamihan na lagi kang nakapink na panloob?” pang-aalaska ni Jun.

“Oo nga! Hindi ka man lang nahiya! Sana pinigilan mo muna ang sarili mo na huwag magsuot ng ganyan!” bulyaw ng isang lalaki.

“Aw, kung binabae ka, tapos sabay-sabay tayo naliligo, naku! Baka napagnasaan mo na kaming lahat!” duda ni Utoy, sabay sabay na nagtakip ng katawan ang mga ito saka naghagalpakan sa tawa.

Mangiyak-ngiyak na si Joel, gusto na niyang manapak sa galit pero naisip niya matatanggal siya sa kampo at madidismaya niya ang kanyang mga magulang.

“Alam niyo, sobra kayo makapanghusga. Ni hindi niyo nga alam kung bakit ako pumasok sa pesteng kampo na ito. Akala niyo ba gusto kong andito ako? Tingin niyo ba gusto ko maligo kasama kayo? Hindi! Nagkakamali kayo! Andito ako para paglabas ko may pera ako para sa pamilya ko! Katulad niyo gusto ko ring umangat sa kahirapan!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Joel, natahimik naman ang lahat.

“Ano naman kung binabae ako? Hindi na ba ako pwedeng magsundalo? Baka nga mas handa ko pang isugal ang buhay ko mailigtas lang ang Pilipinas kaysa sa inyo!” dagdag niya, tuluyan na siyang naiyak sa galit.

Nilapitan siya ng isa sa mga kasamahan niya. “Naiintindihan kita, napilitan rin akong pumasok dito kasi nga malaki ang sweldo. Gusto ko talagang maging isang model e, kaso dahil sa hirap nga kami sa buhay, hindi ako makapasok dahil wala akong magandang damit.” anito, sabay may kinuha sa damitan at lumantad sa kanila ang isang bestidang nito, nagulantang naman silang lahat.

“Ako rin eh, gusto ko maging isang beauty queen. May kaya naman talaga kami e, kaso lahat ng naipon kong pera, ginamit ko para magpadagdag ng dibdib, tapos yon naloko ako. Kaya ito ako ngayon, tinutuwid ko ulit ang landas ko.” ani ng isa pang binabae sa kampo.

Halos hindi makapaniwala ang mga alaskador na kasamahan nila. Ang kampo pala ay napupuno ng mga binabaeng nangangarap makaangat sa hirap at maituwid ang kanilang landas.

“Pasensya na kayo Joel ha, pangako rerespetuhin namin kayo. Magtutulungan tayo umangat kaysa maghilahan pababa.” ani Jun, sumang-ayon naman ang ibang kalalakihang nakasaksi ng pangyayari.

Diyos lamang ang dapat na humusga sa ating pagkatao. Wala tayong katiting na karapatan para pagtawanan ang ating kapwang pilit binabago ang buhay nila para sa kanilang pamilya, kahit na ano man ang pagkatao at ang nakaraan nila.

www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement