“Miguel! Pakikuha nga yung kape ko dyan sa lamesa!” sigaw ni Francis sa anak habang tutok sa paggawa ng report niya sa trabaho.
“Miguel! Sabi ko pakiabot yung kape ko!” sigaw muli ni Francis, lumipas na kasi ang ilang minuto, wala pa rin ang kape niya.
Tumayo na siya sa kanyang kinauupuan para kunin ang kanyang kape. Doon nakita niya ang kanyang anak sa harapan ng kanilang computer at wiling-wiling naglalaro. Nakaheadphone pala ang binata kaya naman hindi siya naririnig. Tinanggal niya ang headphone na suot nito.
“Kanina ko pa pinapakuha sayo yung kape ko. Halos malagot na yung litid ko kakasigaw tapos naglalaro ka lang pala dyan. Hindi pa ba matatapos yan? Hindi ka pa natutulog simula kagabi, Miguel. Tigilan mo yan kung ayaw mong sirain ko yang computer na yan. Hindi mo na ako natutulungan sa gawaing bahay.” ani Francis saka tinanggal ang saksakan ng computer.
Padabog na umakyat sa kwarto ang kanyang anak. Napailing na lang siya sabay balik sa report na ginagawa niya.
Marketing head sa isang kompanya ng mga damit si Francis. Madalas nasa ibang bansa siya para magampanan ang kanyang trabaho kaya ang kanyang anak lang ang naiiwan sa bahay. Sumakabilang buhay na kasi ang kanyang asawa noong pitong taon pa lang si Miguel dahil sa sakit sa puso.
Araw-araw silang nagtatalo ng kanyang anak tungkol sa pagkahilig nito sa paglalaro ng computer. Halos kasi hindi na ito kumakain o natutulog, makapaglaro lang.
Madaling araw noon at biglang nauhaw si Francis, bumaba siya para kumuha ng tubig at doon nakita niya ang anak na naglalaro pa rin sa computer. Halos namumula na ang mga mata nito, maputla rin ang labi dahil nga nagpapalipas ng gutom.
“Nak, anong oras na? Tama na yan. Matulog kana, may bukas pa naman.” malumanay na sabi niya, tinanggal niya ang headphone nito.
“Daddy naman! Hindi ko tuloy narinig yung sinasabi ng kakampi ko. Ayan natalo!” dismayadong sigaw ni Miguel.
“Miguel, baka nakakalimutan mong tatay mo ang kausap mo ha. Babaan mo yang boses mo!” sigaw ni Francis.
“Tatay? Sure ka? Hindi ko nga ramdam na may tatay pa pala ako, akala ko naisama na ni Mommy sa hukay. Akala ko nga rin yang computer na yan tatay ko eh, napapasaya kasi ako niyan saka lagi kong kasama.” anang binata saka umakyat sa kanyang kwarto.
Natulala si Francis sa lahat ng sinabi ng anak. Napagtanto niyang tama lahat ng isinumbat nito. Halos isang beses lang sa isang Linggo kung makatigil siya sa bahay, gumagawa pa siya ng report noon. Ni hindi niya makamusta o mayakag magbike ang anak simula noong nawala ang kanilang ilaw ng tahanan.
Kinabukasan, napagdesisyunan niya na lumiban muna sa trabaho para magkaroon ng oras kay Miguel. Gusto niyang humingi ng tawad at bumawi.
“Nak, gusto mo bang mamasyal sa Tagaytay ngayon? Medyo malamig doon kaysa dito.” masiglang sabi niya sa anak habang nagpupumindot ito sa computer.
“Ikaw na lang Daddy, ayokong lumabas.” anang binata habang todo titig sa nilalaro.
“Sama ka na Nak, tapos kumain tayo doon sa restaurant na lagi nating kinakainan ng Mommy mo.” pangungumbinsi ni Francis, napatingin ang binata sa kanya.
“Talaga po? Tapusin ko lang ito Daddy.” nakangiting sabi ni Miguel.
Nagpunta nga ang mag-ama sa Tagaytay, kumain sila sa paborito nilang restaurant at doon nila binalikan ang mga alaala ng yumao nilang mahal sa buhay.
“Paboritong paborito ito ni Mommy mo, nak. Natatandaan mo pa?” ani Francis habang panay ang subo ng pagkain.
“Opo Daddy, noong isang beses nga diba nag-agawan pa kayo kaya nahulog yung huling piraso.” tatawa-tawang kwento ni Miguel, “Ang sama ng mukha mo noon Daddy, parang batang nahulugan ng ice cream.” humagalpak ng tawa ang binata.
“Loko ka ha. Halika dito!” ika ni Francis saka pinisil sa yakap ang anak.
Pagkatapos nilang kumain ay nagpunta sila sa isang field. Doon niyakag niya ang anak na maglaro ng habulan.
“Ayoko Daddy, busog pa ako.” tanggi ni Miguel.
“Ah, ayaw mo ha, yari ka sakin!” sigaw ni Francis habang may bitbit-bitbit na palaka, tumakbo naman ang binata ng napakabilis.
Tuwang-tuwa siyang pagmasdan ang anak niyang ngayon na lang ulit tumawa sa loob ng pitong taon. Pinangako niya sa sarili na bibigyan niya na ng sapat na oras at atensyon si Miguel upang di na ito masyadong magbabad pa sa computer at upang mapangalagaan ang kanilang relasyon.
Gabay ng magulang ang isa sa pinaka-kinakailangan ng mga kabataan sa ngayon. Dahil labis na emosyon ang mayroon sila, madalas naliligaw sila ng landas.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!