Inday TrendingInday Trending
Mahal Kita, Kaya Pinapalaya na Kita

Mahal Kita, Kaya Pinapalaya na Kita

“Babe! Baby ko! Mahal!” sigaw ng binata habang habol-habol ang kaniyang babaeng iniibig. Suminghap-singhap pa ito ng hangin at akmang nag-ayos ng buhok at pinagpag ang damit bago pa man kalabitin ang balikat ng dalaga.

“Oh, Benjo! Ikaw pala,” nakangiting tugon ni Agnes, ang babaeng mahigit isang taon nang nililigawan ni Benjo.

“Agnes, banana cue oh pang meryenda. Hindi ba’t paborito mo ito?” abot tainga ang ngiti ng binata nang ibigay nito ang binili niyang meryenda para kay Agnes.

“Naku, nag-abala ka pa talaga ha? Halika kainin na natin to, sakto’t mukhang bagong luto. At saka hindi pa rin ako nagmemeryenda eh. Salamat dito ha? Halika ron sa may gate, ikaw naman ang ililibre ko ng palamig para quits na tayo,” yaya ng dalaga na siya namang agad na pagsunod ng binata. Dyahe naman siya pa nanlibre ng palamig pakiwari ni Benjo sa sarili habang napapakamot ito sa ulo.

“Dalawa hong gulaman, manong. Ito ho ang bayad,” sambit ni Agnes habang nag-aabot ng sampung piso sa tindera ng palamig. Si Benjo naman ay titig na titig sa dalaga. Napakaganda ni Agnes – marami nga ang nagsasabi na tila isa itong anghel mula sa kalangitan sa amo ng mukha. Kung anong ikiginanda ng panlabas na kaanyuan ng dalaga ay siya ring ikinabuti ng kalooban nito – madasalin, responsable, at masunurin sa magulang.

Ngunit hindi lamang ganda at linis ng kalooban ang taglay nito – kandidata rin sa pagka-Cum Laude si Agnes sa kaniyang kursong Accountancy. Sa tuwing mapapadaan ang dalaga sa hallway ng kanilang unibersidad ay bilang lamang sa daliri ang hindi mapapalingon sa taglay na mga katangian – complete package ‘ika nga.

“Huy Benjo, heto na ‘yung gulaman mo. Tulala ka na naman,” kumaway-kaway sa hangin ang dalaga upang mapukaw ang atensyon ni Benjo na noo’y tila nananaginip na nang gising.

“Ay, pasensya ka na ha? Dyahe. May iniisip lang kasi ako,” napakamot ito sa kaniyang ulo habang kinukuha ang baso ng palamig mula kay Agnes. Madalas na mahuli ni Agnes na nakatulala sa kaniya si Benjo – simula hayskul ay magkakilala na ang dalawa dahil minsan na silang naging magkalaban sa isang quiz bee competition.

Kumukuha ng kursong Civil Engineering si Benjo – matalino ito, maabilidad, guwapo, kung tutuusin ay complete package rin. Ngunit siya nitong nagiging problema ang kaniyang numero unong kahinaan – si Agnes. Sa tuwing nasa paligid ang dalaga ay tila nawawala sa konsenstrasyon si Benjo – madalas tulala at nakangiti sa hangin dahilan sa madalas nitong isipin ang hinaharap na kasama si Agnes.

“Uy Benjo salamat ulit sa banana cue ha? Paano sa susunod na lang ulit, may klase pa kasi ako. Ako naman sa susunod ang taya sa pambara tapos ikaw naman sa panulak. Ingat ka, mauuna na ako,” pagpapaalam ni Agnes sa binata. Wala namang ibang naging sagot ito kundi pagtango. Nang makalayo nang kaunti ang dalaga ay napahiyaw sa saya si Benjo, pakiramdam nito ay malapit na siyang sagutin ni Agnes.

Ilang buwan ang nakalipas at halos magdadalawang taon nang nililigawan ni Benjo ang dalaga. Madalas na lumabas ang dalawa, at kilala na rin ng mga magulang ni Benjo si Agnes nang minsan itong inimbitahan ng binata sa kaniyang kaarawan.

Nalalapit na rin ang araw ng pagatatapos at naka-paskil na sa bulletin board ang mga nagkamit ng mataas na karangalan. Sabay na tumingin sa listahan si Benjo at Agnes – si Benjo ay Cum Laude sa kaniyang kurso at si Agnes naman ay CumLaude rin. Nagyakap ang dalawa at hindi mapagsidlan ang tuwa ng mga ito. Para i-celebrate ang kanilang naging achievement, niyaya ni Benjo si Agnes na mag ice cream at maglakad lakad sa parke. Agad namang pumayag ang dalaga at saka na sila gumayak.

Nang makarating sila sa parke ay naupo ang dalawa sa isang bench sa may harap ng water fountain. Lubhang napakasaya ng pakiramdam ni Benjo na kasama niya si Agnes sa nakamit nilang tagumpay at dahil dito ay nagkaroon siya ng laks ng loob na magtanong sa dalaga.

“Agnes, kailan mo ba ako sasagutin?” tanong nito habang nakatanaw sa fountain. Napatingin sa kaniya ang dalaga at saka diretsong sumagot ito.

“Gusto kita, Benjo…” panimulang tugon nito na siyang tila nagpatigil ng mundo ng binata. Napatingin si Benjo sa noo’y seryosong si Agnes.

“Mahal na nga yata Benjo eh… Pero huwag ka sanang magagalit kung hindi ko nais na maging nobya mo…” ang noo’y nagnining ning na mga mata ng binata ay tila nanlabo. Nakaramdam ito ng hiya at sakit.

“Mahal kita Benjo, ngunit mas mahal ko ang Diyos. Ilang buwan pagkatapos ng graduation ay papasok na ako sa kumbento para ituloy ang pangarap kong magmadre.”

Parang binuhusan ng nagyeyelong tubig ang binata sa sinabi ni Agnes.

“Hindi kita gustong paasahin, lalong hindi ko pinagsisisihan ang mga panahong kasama ka. Sa totoo lang ay nagpapasalamat ako sa’yo, sa lahat ng mga ginagawa mo para sakin, para mapasaya ako. Sa mga oras na sana’y inilalaan mo nalang sa sarili mo at sa ibang mga bagay pero mas pinili mong ialay sa’kin. Huwag mo sanang isipin na makasarili ako kung kaya’t hindi kita pinatigil sa pagsuyo sa akin. May pagkakataon sa aking buhay na naisip kong bitawan ang pangarap kong pumasok sa kumbento at pagsilbihan buong buhay ko ang Panginoon – ‘yon ay dahil sa’yo at sa sayang ibinibigay mo sa akin. Sa totoo lang ay minsan ko nang naisip ang hinaharap nang kasama ka, Benjo. Masaya at makulay. Ngunit alam ko sa aking sarili na kung uunahin ko ang sarili kong kaligayahan, kahit kailan ay hindi ko na mapagsisilbihan ang Diyos sa paraang aking nais. Naiintindihan ko kung magtatampo ka sa’kin, Benjo pero sana ay huwag mo akong kamuhian nang matagal,” mahaba ang pagpapaliwanag ni Agnes ngunit bawat salitang lumabas sa bibig nito ay tila intindido ni Benjo. Nang mga panahong iyon ay napaluha ang dalaga, at nakayuko na lamang ito.

Ngumiti si Benjo at saka hinawakan ang pisngi ni Agnes at pinunasan ang mga luha nito.

“Naiintindihan ko,” nakangiting sambit niya. “hindi man kita naging nobya, sa panahong nililigawan kita ay sobrang napasaya mo ako. Naging magkaibigan tayo, at hindi mo ako kaihit kailan pinigilan na iparamdam sa’yo kung gaano kita kamahal. Salamat rin sa mga panahong kasama mo ako sa saya, pati sa mga oras ng kalungkutan ako ang naiisip mong lapitan. Maraming salamat, Agnes. Masaya akong matutupad mo ang pangarap mong magmadre. Palagi ka sanang mag iingat, at tandaan mo na naririto pa rin ako kung kailanganin mo man ako,” siya ring pagliwanag ng mukha ni Agnes nang marinig niya ang mga salitang binitawan ni Benjo. Niyakap ng dalaga ang lalaki at nagpasya na silang umuwi. Inihatid na ni Benjo si Agnes sa kanila at saka na umuwi ang lalaki.

Nagdaan ang graduation at hindi na rin nakapag usap nang matagal ang dalawa – nagdiwang ito kasama ang kani-kaniyang pamilya, at matapos ang araw na ‘yon ay hindi na muling nagkita pa sina Benjo at Agnes.

Ilang taon ang nakalipas at naging matagumpay na inhinyero si Benjo – nagkaroon ito ng sariling construction firm at siya nang ikakasal sa babaeng kaniyang naging katrabaho noon sa isang kumpanyang pinag-applyan niya matapos gumradweyt.

Hindi gaanong sumasama si Benjo sa pag-aasikaso ng kaniyang kasal dahil abala ito sa kaniyang trabaho, at naiintindihan naman ito ng kaniyang mapapangasawa. Noong araw na ng pag eensayo ng kasal sa simbahan ay maagang dumating si Benjo kung kaya’t minabuti nitong maglibot-libot sa loob ng simbahan. Napakaganda ng disenyo, magaling talaga pumili si Dina pakiwari nito habang ineeksamin ang detalye ng konstruksyon.

Nabaling lamang ang atensyon nito nang may marinig siyang mga boses na tila nag-aasikaso sa altar. Nang lingunin niya ito ay may grupo ng mga madre na tila nag aayos ng mga kupita at nagpapalit ng mga dekorasyon ng altar. Ibabalik na sana niya ang kaniyang atensyon sa kaniyang tinitingnan nang may makita siyang pamilyar na mukha – lumapit siya sa may altar at napakusot pa siya ng kaniyang mga mata upang masigurong hindi siya namamalik-mata. Naroon si Agnes, na kahit nakadamit pang-madre ay nakakapukaw pa rin ng atensyon ang kagandahan. Hindi napansin ni Benjo na bumukas na pala ng kusa ang kaniyang bibig.

“Agnes…” sambit nito na agad namang paglingon ng isa sa mga madreng naroon.

Agad ngumiti ang babae at siyang nagpaalam sa kaniyang mga kasama at bumaba mula sa altar. Nang mga oras na iyon ay malakas ang tibok ng puso ni Benjo at parang isang himala na nagkita silang muli ng babaeng kaniyang minahal ng sobra.

“Benjo, ikaw na nga ba ‘yan? Anong ginagawa mo rito? Malayo ito sa Maynila ah?” malumanay na tanong ni Agnes.

“Ikakasal na ako bukas, Agnes at ngayon ‘yung ensayo,” nakangiting tugon ng lalaki. “Gusto ko sana ay… dahil nakita kita rito… sana naroon ka sa kasal ko bukas,” dagdag niya habang napapakamot sa kaniyang ulo.

“Kami ang magse-serve sa kasal mo bukas, Benjo, kaya naroon talaga ako. Hindi ko naman alam na ang Benjamin pala na ikakasal ay ikaw. Masaya akong nakahanap na ng taong mamahalin nang pang habangbuhay,” nakangiting tugon ni Agnes. Matapos namang magsalita nito ay siya namang pagdating ng mapapangasawa ni Benjo. Binati ni Dina ang madre at ipinakilala ni Benjo ito bilang kaniyang naging kaibigan noong kolehiyo. Ngumiti lamang si Agnes at nagpaalam na babalik na sa pag-aayos – si Benjo at Dina naman ay siya nang naghintay sa may pintuan ng simbahan para sa mga kasama sa ensayo ng kasal.

Kinabukasan ay naidaos nang maayos ang kasalan. Matapos ang seremonya at picture taking sa altar ay sumandaling nagpaiwan ang mag asawa. Hinanap ni Benjo si Agnes at siya nitong kinsusap nang huling beses.

“Sister Agnes, mag-iingat ka palagi. Hanggang sa muli nating pagkikita,” nakangiting sambit ni Benjo.

“Kaawaan kayo ng Diyos, Benjo at Dina. Maging masaya sana kayo pang habangbuhay sa inyong buhay bilang mag asawa. Asahan ninyong palagi ko kayong isasama sa aking mga panalangin, at hihilingin ko sa Diyos na gabayan niya kayo at mabiyayaan kayo ng mga mababait at masunuring supling sa hinaharap. Masaya ako para sa inyo. Hanggang sa muli nating pagkikita,” nakangiting tugon ng madre.

Nakipag-kamay si Dina kay Agnes at ganon rin si Benjo – bago bitawan ng lalaki ang kamay ng madre ay ngumiti ito at siya itong sinuklian ni Ages ng ngiti at pagtango na nangangahulugang sa wakas ay tuluyan ka nang Malaya.

Naging masaya si Benjo sa kaniyang buhay kasama si Dina at makalipas ang ilang taon ay nabiyayaan sila ng kambal na supling. Sa kabilang banda, si Agnes naman ay naging isang director sa isang Catholic School sa Maynila. Hindi man sila ang nagkatuluyan sa huli ay naging masaya ang dalawa sa kani-kaniyang tinahak sa buhay.

Advertisement