Pagmamahal ng Isang Ama
Nabubuhay sa pagsasaka ang pamilya ni Dencio, at mula sa marangal na pagta-trabaho nito sa bukid ay natutustusan ng padre de pamilya ang mga pangangailangan kaniyang asawa at tatlong anak.
Walang sinasayang na oras si Dencio – sa umaga ay nagta-trabaho ito sa bukid, at naglalako naman ng balut, penoy at chicharon sa gabi kung kinakailangan ng extrang pang gastos. Lalo pa’t ang kaniyang panganay na anak ay nag aaral na sa kolehiyo, kailangan talaga mag doble-kayod ang haligi ng tahanan.
“Papa, may project po kami sa iskul… magbayad na lang daw po sabi ni teacher para hindi na po kami gagawa,” ani Karlos, ika-anim na baitang, habang nag aasikaso ng kaniyang sarili – kakagaling lang nito sa eskwela.
“Eh sige anak, ‘wag kang mag alala, kapag maraming nabenta ang tatay mamayang gabi ibibigay ko sa’yo para sa project mo ha?” nakangiting tugon ni Dencio sa kaniyang anak. Ngumiti si Karlos at saka na dumiretso sa banyo upang maglinis ng sarili.
Sa pagkayod ni Dencio ay hindi naman kinakapos sa pangangailangan ang pamilya – napagkakasya nila ang kinikita nito sa pang araw-araw na gastusin at pangangailangan.
Ngunit isang araw ay may trahedyang dumating sa mag-anak ni Dencio – isinugod sa ospital si Melody dulot ng lubhang pagsakit ng tiyan nito. Pangalawang anak ni Dencio si Melody, labing limang taong gulang na nag aaral sa hayskul. Sabi ng doktor ay tinamaan ito ng ulcer dahilan sa paminsang pagliban nito sa pagkain – kinakailangan nitong maoperahan sa lalong madaling panahon.
Napahilamos na lamang si Dencio – iisa lamang ang naiisip nitong mapagkukunan ng pera, ang ibenta ang kanilang mga alagang kalabaw at kambing. Kinausap ni Dencio ang asawang si Marlyn ukol sa pasya nito ukol sa pagbebenta ng kanilang mga alaga. Noong una ay tila ayaw nitong pumayag dahil maaari naman dawn a humiram siya sa kaniyang amo – si Marlyn ay bihira lamang kung umuwi dahil nagta-trabaho ito bilang kasambahay. Ngunit makalipas ang ilang diskusyon ay pumayag na rin ito at napagpasyahang uuwi muna si Marlyn upang maalagaan ang kanilang anak.
Naipagbili ni Dencio ang kanilang alagang kalabaw at dalawang kambing sa halagang animnapung libong piso – ang apatnapung libong piso ay gagamitin para lamang sa deposito sa ospital. Nang makuha na ng lalaki ang perang pandeposito ay agad niya itong ibinigay sa kaniyang asawa. Habang nakatabi ang natitirang bente mil ay siya pa ring kumakayod si Dencio para makaipon para sa balanseng babayaran nila sa ospital. Gamit ang luma at may sira nang cellphone ay may tumawag kay Dencio habang naglalako ito ng balut.
“Papa, si Pamela ho ito. Pasensya na ho pero wala pa po ba ‘yong pang deposito sa ospital? Eh, namimilipit na naman po kasi sa sakit si Melody,” sambit ng panganay na anak ni Dencio sa kabilang linya.
“Anak… ipinadala ko na sa mama mo ang pandeposito kanina pang tanghali. Sinabi ko pa nga sa kaniya na baka umaga na ako makarating d’yan dahil didiskarte pa ako ng para sa pambayad sa balanse,” nagtatakang tugon nito sa anak. “hayaan mo at papunta na ako riyan,” dagdag pa nito na nagmamadaling tumakbo pauwi para kuhanin ang nakatabing bente milat saka patakbong pumunta ng ospital.
“Papa! Dala n’yo na ho ba ‘yong pera? Hindi pa ho pumupunta si mama rito simula kaninang umaga, namimilipit na si Melody kaya tumawag na ho ako sa inyo,” nag aalalang sabi ni Pamela sa ama.
“Ibinigay ko sa kaniya ang kwarenta mil, ang pinagbentahan ng mga alaga natin. Ang natira lamang sakin ay bente mil para sana dadagdagan ko nalang para sa balanse,” halos pagsakluban ng langit at lupa si Dencio. Hindi siya makapaniwalang itatakbo ng sarili niyang asawa ang perang dapat ay pang opera ng kaniyang anak. Napayuko na lamang ito at umiyak – niyakap ni Pamela ang ama at nangako itong tutulong sa pagpapagamot ng kaniyang kapatid.
Nang gabi ring iyon ay napaki-usapan ni Pamela ang doktor na maoperahan ang kaniyang kapatid. Habang isinasagawa ang operasyon ay naiwan si Karlos upang bantayan ang kaniyang ate Melody, habang si Dencio naman at ang anak na si Pamela ay gumagawa ng paraan upang mapunan ang balanse para sa ospital. Dahil sa sipag at diskarte, sa awa ng Diyos ay natapos ang kanilang suliranin sa sakit ni Melody. Ngunit simula nang araw na iyon ay hindi na muli pang nagpakita si Marlyn. Nabalitaan na lamang ni Dencio na may iba na itong kinakasama.
Kahit na wala si Marlyn ay sinikap ni Dencio na makatapos si Pamela ng kolehiyo – ito ang tumulong sa kaniya sa pag-aaral ng dalawa pa nitong kapatid. Ginawa niyang araw ang gabi para lamang matustusan ang pangangailangan ng tatlong anak. Hindi nagbago ang pagmamahal ni Dencio sa asawa sa kabila ng pagkakasala nito – maski ang kanilang mga anak ay wala man lang kahit kaunting hinanakit sa ina.
Hiling lamang nila na kahit papaano ay magkita pa silang muli – na kahit sandali ay maramdaman muli nilang sila ay isang buong pamilya.