Ang Bungangerang Amo

Umagang-umaga, rumerepeke na naman ang bibig ni Dolores, 52 taong gulang, ang may-ari ng isa sa mga dinarayong karinderya sa palengke. Nagagalit siya sa kanyang mga tauhan dahil iniisip niyang mga batugan ang mga ito. May apat siyang tauhan sa kanyang karihan.

Ang una ay si Meding, nasa 40 taong gulang, may asawa’t mga anak. Ito ang pinakamatagal sa lahat. Si Nemie naman ay 18 taong gulang, na nagmula pa sa Samar. Si Betty naman na laging “mali-mali” ay 21 taong gulang. Ang nag-iisang lalaki naman ay si Boyet, 19 taong gulang.

“Hoy ikaw Nemie, bilis-bilisan mo naman ang pagluluto ng lugaw. Aba’y kanina ka pa diyan ah? Iyan ang hinahanap-hanap ng customer natin kaya bawal ang kukupad-kupad. Ikaw naman Betty, ginagawa mo ba’ng trabaho mo? Bakit ang dumi-dumi ng mga mantel natin? Nanlilimahid! Saka gupitin mo na ang mga isaw at tuwalya ng baka para ilalagay na lang ni Nemie sa lugaw. Napakabagal mo talagang kumilos! At ikaw naman Boyet, hugasan mo na agad ang mga kawali at kaserola. Ayokong natatambakan,” tuloy-tuloy na ratsada ng bibig ni Dolores.

Nagbibilang ito ng kinita ng kanyang karinderya sa isang giray na mesita. Nakataas sa isang upuang monoblock ang kanyang kanang paa. Humihigop siya ng mainit na kape na tinimpla ni Boyet para sa kanya.

Napansin ni Dolores na habang nagluluto si Meding ay sumusulyap-sulyap ito sa kanya, lalo na sa hawak niyang mga pera.

“Hoy Meding, alam kong tumatakbo sa isip mo. Cash advance na naman? Aba’t noong isang linggo ay bumale ka na ah, bale na naman?!” untag nito kay Meding. Ito ang pinakamatagal niyang tauhan sa karinderya.

“Kailangan lang po ate, pangmatrikula lang ho ng anak ko…” nahihiyang sabi nito.

“Pag-isipan ko muna. Mahina ang kita eh… Iyan kasi, huwag mag-anak-anak kung hindi naman kaya!”

Advertisement

Tumahimik na lamang ang apat na tauhan at ibinigay ang pansin sa kani-kanilang mga gawain. Sina Nemie at Meding ang kusinera. Si Betty naman ang tiga-linis at serbidora, habang si Boyet naman ang kanilang utusan at tiga-pamalengke.

Nang saglit na umalis si Dolores, nag-usap-usap ang apat.

“May topak na naman si ate. Baka hindi na naman dinatnan!” natatawang sabi ni Boyet habang iniisis ang mga kaldero’t kawali.

“Hoy tumahimik ka’t baka may makarinig sa’yo’t isumbong ka. Unawain na lang natin siya. Masungit lang talaga siya pero mabait naman iyan. Ako ang saksi,” awat ni Meding kay Boyet. Naggigisa na siya ng bawang para sa pansit. Mabuti na lamang at wala pang gaanong customer.

“Bakit ba kasi ganoon si ate? Parang laging aburido sa buhay…” tanong ni Betty habang naglalampaso ng sahig.

“Naku alam iyan ni Aling Meding, ‘di ba ate? Kwento mo nga,” untag naman ni Nemie na kahit yata nakapikit ay alam na alam lutuin ang goto.

Isinalaysay na nga ni Meding ang maikling talambuhay ng kanilang amo. Noon daw ay hindi naman ito masungit. Nakakilala ito ng isang lalaking mas bata sa kanya. Akala niya, mahal siya, subalit nalaman niyang pineperahan lamang siya. Mula noon ay naging masungit na ito. Tumandang dalaga na raw kasi. Wala raw itong ni isang kamag-anak na kasama sa bahay. Lahat daw ay nasa probinsya, at siya lamang ang naglakas-loob na magtungong Maynila upang makipagsapalaran. Itinayo niya ang karinderya sa palengke na dating simpleng lugawan lamang.

Mula noon, sinikap ng apat na tauhan ni Dolores na intindihin na lamang ang magaspang na ugali ng kanilang amo. Kapag pinagagalitan sila nito, pasok sa kaliwa at labas sa kanang tenga. Natutunan na nilang huwag masyadong dibdibin ang mga sinasabi nito. Mabigat na nga ang kanilang gawain sa karinderya, dadagdagan pa ba nila?

Advertisement

Subalit may mga araw namang tahimik lamang ito, seryoso, malamig ang pakikitungo sa kanila, at hindi naninigaw. Mas ayos na iyon para sa kanila. Kaysa naman sa lagi silang binubulyawan kahit na may mga kumakaing kostumer at napapahiya sila.

May mga pagkakataong gusto nang magresign nina Nemie at Betty, subalit pinipigilan sila ni Meding. Mahirap daw humanap ng trabaho ngayon, kaya kailangang magtiyaga at magtiis alang-alang sa kanilang mga binubuhay na pamilya.

Isang araw, hindi nakapunta sa karinderya si Dolores. Masama raw ang pakiramdam nito. Hindi ito nagpakita o dumalaw sa karinderya ng buong araw. Kinagabihan, napagdesisyunan ni Meding na magsara nang maaga upang mapuntahan at madalaw nila ang amo.

Pumayag naman sina Nemie, Betty at Boyet na dalawin si Dolores. Nang kumatok sila sa pinto nito, walang sumasagot.

“Baka walang tao… Tara na, alis na tayo. May pinuntahan iyon,” untag ni Boyet.

Aalis na sana sila nang makarinig sila ng nabasag na bagay sa loob ng bahay nito. Dahil nakapinid at nakalock ang pinto, lumusot si Boyet sa isa sa mga bintana. Binuksan niya ang pinto upang makapasok ang tatlong babae.

Nagulat sila sa tumambad sa kanilang harapan. Nakahandusay sa sahig si Dolores. Agad nilang itinayo ang amo. Inaapoy ng lagnat ang matanda! Nagpakuha si Meding ng malamig na tubig at bimpo kina Nemie at Betty at saka pinunasan. Si Boyet naman ay tumawag ng ambulansya. Itinakbo nila si Dolores sa ospital.

May dengue pala si Dolores. Mabuti na lamang at naagapan nila. Salitan nilang binantayan si Dolores hanggang sa gumaling ito.

Advertisement

“Maraming salamat sa inyo. Sa kabila ng pagiging masungit ko sa inyo, heto kayo’t inaalagaan n’yo ako,” naluluhang sabi ni Dolores.

“Ate, huwag mo nang intindihin iyon. Ang mahalaga, magpalakas ka. Iisang pamilya tayo rito,” nakangiting sabi ni Meding sa amo.

Simula noon, naging maayos at mabuti na ang pakikitungo ni Dolores sa apat niyang tauhan. Bukod dito, dinagdagan pa niya ang mga sweldo nito, at binigyan ng day-off. Napagtanto ni Dolores na kailangan niyang pakisamahan nang maayos ang mga tao sa kanyang paligid, dahil maaaring ito ang mga makatutulong sa kanya sa matinding pangangailangan.