Inday TrendingInday Trending
Wala Akong Kasalanan!

Wala Akong Kasalanan!

Ang pagiging tricycle driver ang trabaho ni Mang Inigo. Mayroon siyang dalawang anak na mag-isang binubuhay mula nang iwan siya at ipagpalit sa ibang lalaki ng kanyang asawa. Mula noon ay siya na ang tumayong nanay at tatay ng dalawa niyang mababait na anak na sina Bimbo at Jimbo.

Kahit hindi kalakihan ang kinikita sa pagiging tricycle driver ay nagagampanan naman niya ang responsibilidad bilang ama sa kanyang mga anak at naibibigay ang mga pangangailangan ng mga ito. Pinag-aaral din niya ang mga anak sa pampublikong paaralan, iginagapang niya ang pag-aaral ng mga ito dahil naniniwala siya na ang edukasyon ang tangi niyang maipamamana sa dalawa.

Dumadating din sa punto na nagkukulang ang kanyang kita para sa baon ng mga anak kaya nagagawa niyang mangutang makapasok lang mga ito sa klase. Isang araw ay pinuntahan siya ng isa sa kanyang pinagkakautangan para siya ay singilin.

“Inigo! Inigo! Lumabas ka riyan!” pasigaw na tawag ng kapitbahay niyang si Mang Vino na kumakatok pa nang malakas sa kanyang pinto. Halos sirain na nito iyon sa lakas nang kanyang pagkatok.

Nang buksan niya ang pinto ay bumungad agad sa kanya ang galit nitong pagmumukha.

“Hoy Inigo, kailan ka ba talaga magbabayad ng utang mo? Ilang buwan ka nang nangangako na magbabayad pero hanggang ngayon ay wala pa rin! Aba, wala na ngang interes iyon e. May balak ka pa bang magbayad ha?” asik ng lalaki.

“Pasensya na Mang Vino, magbabayad ako ng utang ko, sana ay pagbigyan niyo pa ako kahit na ilang araw pa at pangako babayaran ko iyon ng buo,” pakiusap niya rito.

“Puro ka na lang pangako, parati namang napapako! Pagbibigyan pa kita, kapag hindi ka pa rin nakabayad sa makalawa ay kailangang magtrabaho ng panganay mong anak sa karinderya ko. Iyon ang magiging kabayaran sa lahat ng pagkakautang mo,” anito.

“M-Mang Vino, huwag naman ang mga anak ko. Kahit ako na lang ang magtrabaho sa inyo, huwag lang sila, nakikiusap ako,” aniya.

“Basta, ang gusto ko ang masusunod! Bayaran mo ang utang mo kung ayaw mong maging alipin ang anak mo!” pasigaw nitong sabi sabay alis sa kanyang harapan.

Mangiyak-ngiyak si Mang Inigo sa sinabi ng kanyang kapitbahay. Ang hindi niya alam ay narinig pala ng mga anak ang napag-usapan nila ng lalaki.

“Tay, ayoko pong magtrabaho kay Mang Vino. Napakasungit po niya at naninigaw ng mga bata kaya ayoko po sa kanya,” hagulgol ng panganay niyang anak na si Bimbo.

“Tahan na, anak. Huwag kang mag-alala at gagawa ako ng paraan. Hinding-hindi ka magtatrabaho sa kanya,” pangako ni Mang Inigo sa anak.

Kahit namomroblema sa utang ay nagawa pa rin niyang mamasada nang sumapit ang gabi. Sayang rin ang kanyang kikitain, pandagdag sa pambayad niya kay Mang Vino. Maya-maya ay pinara siya ng isang matandang babae na nasa sisenta anyos na at isang lalaki na sa tingin niya ay nasa treinta anyos lang.

“Manong, pakihatid po kami sa Barangay Uno Kuwatro sa may subdivision,” magalang na wika ng lalaki.

“Masusunod!” aniya.

Habang pinatatakbo niya ang tricycle ay hindi naman niya naiwasang pakinggan ang pinag-uusapan ng kanyang mga pasahero. Naririnig niya na sobra kung makapanglait ng kapwa ang matandang babae. Hindi halata sa ayos at pananamit nito na makakapagsalita ito ng hindi maganda sa ibang tao. Mukhang mayaman pa naman ang hitsura ng matanda ngunit asal kalye ang pananalita. Mabuti pa ang kasama nitong lalaki, panay ang awat sa kabubunganga ng matanda. Kahit sinasalungat ang kasama ay hindi pa rin naaalis ang paggalang sa mga salita nito.

Ilang minuto lang ay narating na nila ang destinasyon ng dalawang pasahero.

“Manong, bayad namin! Salamat po!” nakangiting sabi ng lalaki.

“Salamat din!” aniya.

Matapos maihatid ang dalawa, nakaramdam na ng pagod si Mang Inigo kaya naman napagdesisyunan na niyang gumarahe upang makapagpahinga na. Pagsilip sa loob ng pamasadang tricycle, doon niya napansin ang kulay itim na bag na nakapatong sa upuan.

“Aba at naiwan yata nung matanda at nung kasama niya,” bulong niya sa sarili.

May kung anong bumulong sa kanyang utak na buksan ang bag. Nang buksan niya iyon ay laking gulat niya dahil may laman iyong tig-iisang libong pisong papel. Tinangka niyang bilangin kung magkano ang mga perang naroon ngunit hindi niya nagawa dahil sobrang dami ng perang nasa loob ng bag.

“Diyos ko, ang daming pera nito!”

Sa isip niya ay malaking tulong na iyon para mabayaran niya ang utang niya kay Mang Vino. Sobra-sobra pa nga iyon sa pambayad niya ng utang. Maaari niyang gamitin ang pera para sa pag-aaal ng kanyang mga anak o ibili ito ng mga damit at laruan o ipangkain nila sa labas. May parte ng kanyang isip na kumokontra sa kanya at sinasabing isauli ang pera dahil hindi iyon sa kanya at mali ang kanyang gagawin. Naipikit niya ang mga mata at napagdesisyunang isauli ang pera sa may-ari nito.

“Tama, kailangan kong gawin ang nararapat.”

Binalikan niya ang bahay kung saan hinatid ang dalawa niyang pasahero. Nasa labas na siya ng gate nang biglang may lumabas na mga pulis sa loob ng bahay kasama ang matandang babaeng pasahero niya.

“Siya, mamang pulis! Siya ang kumuha ng bag ko, siya ang nagnakaw!” sigaw ng matandang babae habang itinuturo siya sa mga kasamang pulis.

“Manong, kayo po ang itinuturo nitong si Ginang Yap na kumuha raw ng bag niya na may lamang mga pera, totoo po ba?” tanong sa kanya ng isang pulis.

“Naku, nagkakamali po kayo. Hindi ko po kinuha, sa katunayan nga po ay narito ako para isauli itong bag sa aking pasahero kanina. Wala po akong kasalanan,” pagtanggi niya sa akusasyon sa kanya.

Agad namang kinuha sa kanya ng matanda ang bag, binuksan iyon at binilang ang mga pera na nasa loob.

“Huwag po kayong maniniwala sa kanya, siya po talaga ang kumuha ng bag ko. Hoy, ikaw na hampaslupa ka, ang kapal ng mukha mong nakawin itong bag ko! Hulihin niyo na ang lalaking iyan, baka makapang-biktima pa iyan ng iba niyang magiging pasahero,” wika ng matapobreng matanda.

Poposasan na sana ng mga pulis si Mang Inigo nang biglang dumating ang lalaking kasama ng matanda.

“Lola, sandali! Anong ibig sabihin nito? Bakit may mga pulis?” nagtataka nitong tanong.

“Sir, ako po iyong tricycle driver na naghatid sa inyo kanina. Ibinalik ko lang po ang bag na naiwan niyo sa loob ng tricycle ko,” sabi ni Mang Inigo.

Nang may naalala ang lalaki.

“O-Oo tama. Ako ang nakaiwan niyan sa tricycle mo. Ako ang naghawak ng bag ni Lola nang sumakay kami kanina. Hindi ko namalayan na naipatong ko sa upuan nang iabot ko sa iyo ang bayad,” hayag ng lalaki.

“Totoo po ba ang sinasabi niyo?” tanong ng isang pulis.

“Opo, ako ang may kasalanan dahil ako ang nakaiwan ng bag sa tricycle niya. Bakit, ano po ba ang sinabi ng lola ko sa inyo?”

“Tumawag ang lola mo sa presinto at sinabing ninakaw raw ng lalaking ito ang bag niya,” wika ng pulis.

“Hindi po iyon totoo. Ako ang nakaiwan ng bag sa tricycle ni Manong. Wala siyang kasalanan. Pagpasensyahan niyo na rin po ang lola ko dahil nag-uulyanin na siya,” paliwanag ng lalaki.

Humingi ng paumanhin ang lalaki at ang matandang babae kay Mang Inigo maging ang mga pulis bago nagsi-alis ang mga ito. Muntik na siyang makulong sa kasalanang hindi niya ginawa dahil sa pagiging ulyanin ng matandang babaeng nagbintang sa kanya, mabuti na lamang at ipinagtapat ng apo nito ang katotohanan.

Sa sobrang kahihiyan sa ginawang pagbibintang ng kanyang lola at paghanga niya sa ginawang pagsauli ni Mang Inigo ng bag na may lamang pera ay binigyan niya ito ng pabuyang hindi naman inasahan ng tricycle driver. Binayaran ng lalaki ang utang ni Mang Inigo kay Mang Vino at ang iba pang pinagkakautangan nito at pinangakuang pag-aaralin ang kanyang mga anak.

Laking pasasalamat naman ni Mang Inigo sa ginawang kabutihan ng lalaki. Mula noon ay naging mas masipag siya sa paghahanapbuhay para sa dalawa niyang anak kahit pa mayroon na siyang katuwang sa pagpapa-aral sa mga ito.

Advertisement