Inday TrendingInday Trending
Ang Terror Kong Teacher

Ang Terror Kong Teacher

“Hayan na siya!”

Nagpulasan ang mga mga mag-aaral ng Grade 10-Sampaguita nang marinig ang sigaw at babala ng kanilang “look out”. Nariyan at paparating na ang pinaka-kinatatakutang guro sa buong Sampilong National High School; ang kanilang guro sa asignaturang Araling Panlipunan na si Bb. Leona Alegre.

Sa pangalan pa lamang nito, tiyak na titiklop ang sinumang pasaway na mag-aaral. Sinasabing isang dekada nang nagtuturo si Bb. Alegre sa naturang paaralan. Hula nila, mga nasa 30 taong gulang na ito. Dalaga pa rin. Hindi na raw ito nakapag-asawa dahil “ikinasal” na raw ito sa kanyang propesyon. Sabi naman nila, baka kasi masungit lang talaga ito at pihikan.

Sa totoo lang, may taglay namang kagandahan si Bb. Alegre. Lagi itong nakaayos. Laging nakamake-up at lipstick. Hindi ito pumapasok sa klase na hindi handa. Isa sa mga humahanga sa gurong ito si Jeffrey. Ayon sa kwentuhan at umpukan ng mga naunang batch, mahusay talaga itong magturo subalit bawal ang tamad, tutulog-tulog, at tulala sa kanyang klase.

Pagpasok ni Bb. Alegre, parang mga robot na nagsitayuan ang mga kaklase ni Jeffrey. Walang humihinga. Tumayo nang tuwid ang guro sa gitna. Inilapat nito ang hintuturo sa pisara.

“Wala na bang maglilinis ng pisara?”

Isa sa mga kaklase ni Jeffrey, na siyang nakatalaga sa paglilinis ng pisara, ang agad na nagtungo sa harapan. Ikinuskos nito ang pambura sa bahagi ng pisara na sinuri ng guro.

“Sa susunod, bago ako pumasok, tiyaking malinis at maayos ang lahat ng aspeto sa silid na ito. Maliwanag ba?”

“Opo, maliwanag po,” sabay-sabay na sagot ng klase.

“Magandang umaga, Sampaguita.”

“Magandang umaga po, Bb. Alegre. Ikinagagalak po namin kayong makita!”

“Magsiupo!”

“Salamat po, Bb. Alegre.” Nagsiupo ang buong klase.

Kinuha ng guro ang kanyang mga index card. Ito ang batayan ng kanyang recitation. Sakto, natawag ang pangalan ni Jeffrey. Nakatoka siya para sa pagbabalik-aral.

Subalit hindi alam ni Jeffrey ang ginawa nila kahapon dahil siya ay liban. Ang totoo, tinamad siyang pumasok dahil maulan at malamig. Nasarapan siya sa pagtulog.

“Ma’am, ipagpaumanhin n’yo po, pero hindi ko po alam ang nangyari kahapon sapagkat ako po ay lumiban sa klase,” mahinang sagot ni Jeffrey. Parang nakikita na niya ang isang speech balloon sa ulo ng kanyang mga kaklase: “LAGOT KA!”

“Ginoo, hindi balidong dahilan para sa akin na ikaw ay lumiban, kaya hindi mo alam ang nangyari sa klase. Iresponsableng mag-aaral lamang ang gumagawa niyan.

Maraming paraan para malaman ang aralin kahapon. Dahil diyan, kinakailangan mong ibahagi sa klase bukas ang kahulugan ng micro at macro economics bilang paghahanda sa ating susunod na aralin. Naiintindihan?”

Tumango si Jeffrey. Panalangin niya, sana ay bumuka ang lupa at lamunin siya nito dahil sa labis na kahihiyan na inabot niya. Nanermon pa nang bahagya ang kanilang guro, bago nito itinuro ang kanyang leksyon.

Pakiramdam ni Jeffrey, siya ang sinisisi ng kanyang mga kaklase kung bakit uminit ang ulo ni Bb. Alegre. Nagtawag ito nang nagtawag para sa recitation kaya’t hindi na naman sila nakahinga sa loob ng halos 50 minutong klase nito.

Ipinasya ni Jeffrey na magtungo sa faculty room upang humingi ng tawad kay Bb. Alegre. Nilakasan niya ang kanyang kalooban. Naghilamos at nagmumog muna siya. Haharap siya sa kinatatakutang “leon” ng kanilang klase, at ng buong paaralan.

Pagdating sa faculty room, nag-antanda muna si Jeffrey. “Bahala na,” sabay katok sa pinto. Makatlong ulit siyang kumatok bago siya pumasok sa loob. Hindi pa man siya nakakapasok nang tuluyan sa loob nang mapahinto siya. May kausap sa cellphone ang kanilang guro. Umiiyak ito. Pinakinggan niya ang mga sinasabi nito.

“Nay, sinabi ko naman sa inyo, magpatingin na kayo sa doktor! Kung hindi po kaya ng mga albularyo ang sakit n’yo, parang awa n’yo na po, magpakonsulta na kayo. Nay naman eh….”

Ngayon lang niya nakitang umiyak ang kanilang matapang at istriktong guro.

“Basta ha, huwag na matigas ang ulo. Uuwi ako diyan sa makalawa.”

Napansin ni Bb. Alegre na may nakatingin sa kanya. Ang malungkot na mukha nito ay nagbalik sa pagiging mabalasik nang makita si Jeffrey sa bandang pintuan ng faculty room. Hindi nakahuma si Jeffrey. Pakiramdam niya, napako ang kanyang mga paa.

Matapos ang pakikipag-usap sa cellphone, pinapasok ni Bb. Alegre si Jeffrey sa loob ng faculty room.

“Kanina ka pa ba? Anong ginagawa mo rito?” Matigas na tanong ng guro.

Walang maapuhap na tugon si Jeffrey. Imbes na “sorry” ang mausal, iba ang nasambit niya. “Ayos lang po ba kayo?”

Hindi tumugon ang guro. Nakatingin lang ito kay Jeffrey.

“Ayos lamang ako. Huwag mo akong intindihin. Anuman ang nakita at narinig mo, huwag mong ipagsasabi sa iba. Maliwanag ba?”

Hindi pananakot o pagbabanta ang tono ng tinig ni Bb. Alegre. Pakikiusap.

“O-opo,” tugon ni Jeffrey.

Magmula noon, nagbago ang pagtingin ni Jeffrey sa kanyang gurong si Bb. Alegre. Hindi na “leon” ang tingin niya rito kundi isang maamong tupa. Sa kabila ng isang matapang na awra ay isang mabait, mabuti at mapagmahal na puso para sa kanyang ina.

Isang linggong nawala si Bb. Alegre. Umuwi raw ng probinsya. Marami sa mga hawak nitong klase ang nagbunyi, dahil ang humaliling guro sa kanya ay kwela at malayong-malayo sa imahe ng kanilang guro. Marami pa rin ang may gusto sa paraan ng pagtuturo nito. Para sa mas marami, mabisa ang paraan ng pagtuturo ni Bb. Alegre.

Kumalat ang mga espekulasyon kung bakit biglang nawala si Bb. Alegre. Hindi na ito bumalik. Naging permanente na nilang guro ang humalili rito. May alingasngas na tinanggal ito sa tungkulin dahil sa maraming reklamo ng mga nahihintakot na mag-aaral. May mga nagsasabing buntis daw at mag-aasawa na. Gustong ipagtanggol ni Jeffrey ang guro, dahil alam niya ang maaaring dahilan nito. Umuwi si Bb. Alegre sa probinsya upang alagaan ang inang maysakit.

At lumipas ang napakahahabang panahon. Isa nang ganap na dentista si Jeffrey. Nakapagtayo na rin siya ng sariling klinika na dinarayo ng maraming mga customer. Hanggang sa isang araw, isang pamilyar na mukha ang bumungad sa kanya. Si Bb. Alegre!

Tumanda na ito, subalit kababakasan pa rin sa mukha nito ang dignidad, tapang, at talino. Magpapagawa ito ng pustiso. Ibinigay niya ang pinakamahusay na kalidad ng serbisyo na maaaring maibigay rito. Nang magbabayad na ito, hindi niya tinanggap ang bayad.

“Naku dok, mahal po ang bayad sa pustiso ko. Bakit ayaw n’yong tanggapin? May pambayad naman po ako,” takang tanong ng guro.

“Ma’am, hindi na po kailangan. Regalo ko na po iyan sa inyo. Isa po ako sa mga naging mag-aaral sa Sampilong National High School. Ako po si Jeffrey Mangantan.”

Niyakap ng guro ang dating mag-aaral na ngayon ay isa nang mahusay na dentista. Labis siyang nagpasalamat sa pustiso at paglilinis ng kanyang mga ngipin na ginawa ni Jeffrey.

Sinabi naman ni Jeffrey na siya ang dapat magpasalamat kay Bb. Alegre dahil isa ito sa kanyang mga naging inspirasyon upang makamit niya ang kanyang mga pangarap. Ito rin daw ang pagpapakita niya ng pasasalamat sa lahat ng kanyang mga naging guro na nag-iwan ng tatak sa kanyang gunita.

Napagtanto ni Jeffrey na hindi dapat husgahan ang ipinakikitang pagiging istrikto at masungit ng mga guro dahil ginagawa lamang nila ito para sa kapakanan ng kanilang mga mag-aaral.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement