Ang Regalo ng Gusgusing Lolo
Iniimbentaryong maigi ni Jocelyn ang mga bagong dating na cellphone units sa kanilang stall, na nasa loob ng isang sikat na mall sa bandang San Jose Del Monte, Bulacan. Tamang-tama, wala pa masyadong mga mall goers dahil kabubukas pa lamang ng mall.
Inilista na ni Jocelyn ang mga nakatakdang gagawin. Pagkatapos niyang iimbentaryo ang cellphones, bibilangin naman niya ang mga accessories, chargers, at iba pang mga kagamitan. Mag-isa lang siya ngayon dahil day off ni Nenita, ang kasama niya.
Maya-maya, nagulat na lamang siya dahil biglang sumulpot sa harapan niya ang isang matandang lalaking gusgusin, sira-sira ang damit, na tila ba maipagkakamalang isang palaboy. Tinitingnan nito ang mga cellphones na paninda niya.
“Paano kaya nakapasok ito?” naitanong ni Jocelyn sa kanyang sarili. Hinayaan lamang niya ito at hindi pinansin. Mukhang wala naman itong pambili.
Nasegundahan ang haka-haka ni Jocelyn na isang gusgusin ang naturang matandang lalaki nang makita niya ang isang guwardiya ng mall na papalapit sa kanilang stall. Mukhang itataboy nito ang lalaking gusgusin. Tumayo ito sa bandang likuran ng lalaki, at sa mahinahong pagsasalita ay pinakiusapan itong lumabas na.
Sumulyap lamang ang matanda sa guwardiya, at ipinagpatuloy ang paghahanap ng cellphone. Nagkatinginan si Jocelyn at ang guwardiya.
Maya-maya, tumitig ito sa isang mamahaling cellphone. Nagkakahalaga itong pitong libong piso at may magandang camera.
“Magkano ‘yan, Ineng?” tanong ng matanda at itinuro ang mamahaling cellphone na kanina pa nito pinakatititigan.
“Naku manong, mahal ho iyan eh.”
“Kaya nga ineng, tinatanong ko kung magkano…”
Sumagot si Jocelyn. “Eh may pambayad ho ba kayo?”
Inilabas ng matandang lalaki ang kanyang nanlilimahid na lukbutan. “Meron, huwag ka mag-alala.”
Inilabas ni Jocelyn ang cellphone na itinuro ng matanda. Matapos ang testing kung gumagana ba ito, muli itong tinanong ni Jocelyn kung sigurado itong kukunin ba niya ito. Tumango ang matanda. Nakatanga lamang sa kanila ang guwardiya.
Inilabas ng matanda mula sa kanyang lumang lukbutan ang isang malaking tuwalya. Sa loob ng malaking tuwalya, tumambad ang napakaraming isandaan at limang daan. Nang binilang ito ng matanda at ni Jocelyn, lumalabas na limang libong piso ito. Kulang pa ng dalawang libo.
“Naku lolo, limang libo lang po ang pera n’yo. Kulang pa po ito.”
“Ganoon ba? Sandali lang…”
Mula sa lukbutan, inilabas ng matanda ang isang malaking bote ng alcohol. Sa loob nito, ibinuhos nito ang napakaraming mga barya. Napamaang si Jocelyn. Binilang nila ang mga barya, at tumulong na rin ang guwardiya. Tumagal nang halos 30 minuto ang kanilang pagbibilang. Umabot sa tatlong libo at tatlong daang piso ang kabuuan ng mga ipong barya ng matanda.
Habang nireresibuhan ni Jocelyn ang biniling cellphone ng matanda, inusisa niya ito kung para kanino ang cellphone na kanyang binili. Ang pangalan pala nito ay Ambrocio.
“Para ito sa apo ko. nagtapos kasi siya sa hayskul na mayroong mataas na karangalan at medalya. Ireregalo ko sa kanya. Matagal na akong nag-iipon, ineng. Para sana sa burol ko kapag namatay ako. Pero hayaan mo na. Ang mahalaga, mapasaya ko ang apo ko,” nakangiting kwento ng matanda.
May kurot sa puso na naramdaman si Jocelyn.
“Ano po bang trabaho n’yo ‘Tay? Buti ho at nakaipon kayo ng maraming pera?”
“Marami akong naging trabaho noon. Naging piyon ako, karpintero, tubero. Kaya medyo marumi ako ngayon dahil tagalinis ako ngayon ng mga maruruming bote sa junk shop, diyan sa tapat.”
Nabagbag ang kalooban ni Jocelyn. Napakaswerte ng apo na makatatangap ng regalo mula sa kanyang lolo. Dahil sa labis na katuwaan, humingi ng pahintulot si Jocelyn na magpakuha ng selfie kasama ang matanda.
Kinagabihan, ipinost ni Jocelyn sa kanyang Facebook account ang larawan ng matanda, at ang natuklasan niya rito. Agad na naging viral at trending ito, dahilan upang mapansin ng isang sikat na news magazine show sa isang sikat na TV network.
Naitampok ang buhay ng naturang matanda, at napag-alaman ng lahat na nakatira lamang ito sa ilalim ng isang tulay kasama ang apo. Bumuhos ang tulong ng mga netizen, at maging ng TV network sa matanda at apo nito.
Inilipat sila sa mas maayos na tirahan. Tamang-tama naman, dahil ilang araw lamang matapos ang kanilang paglipat, bumuhos ang isang napakalakas na ulan dulot ng hanging habagat. Nagkaroon ng baha, at tinangay ang kanilang barong-barong na nasa ilalim ng tulay.
Bumalik ang matanda sa stall ng mga cellphone kung saan naroon si Jocelyn, kasama ang apo nito. Labis-labis ang kanilang pasasalamat kay Jocelyn dahil sa ginawa nito.
Naging aral ito para kay Jocelyn na hindi dapat husgahan ang panlabas na anyo ng isang tao dahil minsan, ang mga taong gaya ni Lolo Ambrocio ay may tapat at busilak na kalooban.