Inis na inis na naman si Vallerie o mas kilala bilang Val, pagkagising niya sa umaga. Tatlong araw na siyang nawawalan ng salawal na gabi-gabi niyang nilalabhan. Nagtatrabaho sa isang pabrika ng mga handicraft si Val, at nagrerenta lamang sa isang bedspace upang makatipid.
“Nawawala na naman ang panty ko!”
Nagising na rin ang kanyang kasama sa kwarto na si Melissa, isang estudyante na malapit nang magtapos ng Nursing sa kolehiyo. Hindi niya ito personal na kakilala, ganoon naman talaga kapag umuupa lamang ng bedspace, subalit naging malapit ang loob niya rito.
“Ilang araw na bang ganyan? Buti sa akin hindi nawawala,” sagot ni Melissa.
“Ewan ko ba. Sadyang may tirador ng salawal ko. Baka walang pambili!”
Noong mawalan si Val ng salawal, gustong-gusto na niyang i-report ito sa may-ari ng apartment, subalit hindi naman ito tumutuloy doon. Nasa sarili nitong bahay sa Pasig si Aling Bebeng, at bumibisita lamang kapag maniningil ng bayad sa upa tuwing katapusan ng buwan.
Naaalarma na rin siya dahil ikatlong beses na siyang nawawalan ng mga gamit na salawal, at syempre, nahihiya naman siya kung iisa-isahin niya kung sino sa mga kapitbahay nila, o iba pang mga tenants, ang nangunguha nito.
Subalit mayroon na siyang hinala kung sino, kaya siya labis na naaalarma. Lagi niyang napapansin na laging nakatingin sa kanya ang isang lalaki, na kahilera lamang nila, at tumutuloy sa isa pang bedspace, nang mag-isa. Malagkit kung tumingin ito, na parang nanghuhubad. Suspetsa niya, baka manyak ang lalaking ito, at kinukuha ang kanyang salawal dahil obssessed sa kanya.
Sinabi ni Val ang kanyang teorya kay Melissa. Namutla ito.
“Grabe ka naman. Ganun ba talaga iyon? Baka naman type ka lang talaga ni kuya, pero hindi ibig sabihin na siya ang kumukuha. Maganda ka naman kasi,” puri ni Melissa kay Val.
“Nambola ka pa! Ah, basta, hindi ako komportable hangga’t hindi ko nalalaman at nahuhuli kung sinoman ang kumukuha ng mga salawal ko. Ako lang ang nawawalan dito eh. Wala namang ibang nagrereklamo,” sabi ni Val.
Dahil hindi talaga makampante si Val sa nangyayaring pagkawala ng kanyang salawal, inabangan niya ang naturang lalaki na lumabas ng kwarto nito. Tamang-tama, day off niya. Hinayaan niyang bukas ang kanilang pinto upang masipat kung papalabas na ba ito.
Bandang tanghali, nakita niyang naglalakad na ito palabas ng tarangkahan. Madadaanan nito ang kanilang unit kaya hindi ito makakalampas. Nang mapatapat na ito sa kanilang pinto, tumayo si Val at namaywang.
“Excuse me, kuya. Pwede ka bang makausap?,” mataray na tanong ni Val sa lalaki.
Napamaang ang lalaki kay Val. Ngayon lang niya ito natitigan. May hitsura naman pala, pero iwinaksi niya ito sa kanyang isipan. Hindi ito panahon ng “awra”. Panahon ito ng giyera!
“Yes miss? Bakit po? Number ko po ba? Ibibigay ko po. 0919…”
“Hoy ang kapal ng mukha mo, kuya! Presko! Wala akong pakialam sa number mo at wala akong pakialam sa iyo! Didiretsahin na kita…,” sabay duro sa lalaki.
“Ikaw ba ang kumukuha ng salawal ko???”
Saglit na napahinto at napamaang ang lalaki. Kruuu… kruuu… kruuu…
Maya-maya, halos sumakit ang tiyan nito sa katatawa. Hagalpak na tawa ang isinukli nito sa kanya.
“Anong nakakatawa sa tanong ko? Well, sige, ipagpalagay nating nakakatawa nga, pero seryoso ako sa tanong ko!” napipikon na si Val. Pero napagtanto niya na nakakatawa nga ang tanong niya.
“Miss, aanuhin ko naman ang salawal mo? Marami akong salawal. Saka hindi ako nagsusuot ng salawal na pambabae. Nagkakamali ka! Wala kang ebidensya,” nakangiting sagot ng lalaki.
Ang lalaki naman ang nagtanong. “Ano naman ang pumasok sa isip mo, miss, para masabing ako ang kumukuha ng salawal mo?”
Pinandilatan siya ni Val. “Eh lagi kang nakatingin dito sa akin eh. Manyakis ka!”
“Miss, tumitingin ako sa iyo kasi, nakakatuwa na may maganda pala akong kapitbahay. Miggy nga pala,” inilahad ni Miggy ang kanyang kanang palad, subalit tinabig ito ni Val.
Pumasok na siya sa loob ng kanilang unit. Nagpupuyos ang kanyang kalooban. Nagtungo siya sa harap ng salamin, at kitang-kita niyang namumula siya. Hindi niya alam kung saan siya nahihiya: kay Miggy o sa sarili niya. Agad-agad siyang nambibintang ng walang matibay na katibayan. Nakakahiya tuloy sa tao.
“Hmmmm, hayaan mo siya. Presko! Mahangin! Mayabang! Akala mo naman, gwapo…” nausal na lamang ni Val. Pero napahinto siya. Infairness, gwapo naman talaga ito.
Dahil sa day-off niya, napagpasyahan ni Val na mag-over time kinabukasan. Ipinaalam niya kay Melissa na OT siya. Subalit biglang nagblack out kinagabihan, kaya wala siyang magagawa kundi umuwi nang maaga.
Pagpasok niya sa loob ng unit, agad siyang nagtungo sa banyo upang umihi. Subalit nagulantang siya dahil nasa loob pala si Melissa. At ang mas ikinagulat niya, nakita niyang inaamoy-amoy nito ang unang salawal na nawawala sa kanya! Animo’y nakakita ng multo si Melissa.
“Ikaw? Ikaw ang kumukuha ng mga salawal ko?! At bakit mo inaamoy?” nagsiklab ang kalooban ni Val. Kahit kailan, hindi niya naisip na malikot ang kamay ni Melissa. Ang ikinatataka rin niya, bakit nito inaamoy?
At natuklasan ni Val ang masaklap na katotohanan. Si Melissa ang kumuha ng lahat ng nawawala niyang salawal.
“Patawarin mo ako, Val. Hindi ko sinasadya. Hindi ko napigilan ang nararamdaman ko sa’yo. Una pa lang kitang nakita, nagustuhan na kita,” pag-amin ni Melissa. Isa pa lang babaeng nagkakagusto rin sa babae si Melissa.
Hindi makapaniwala si Val. Umalis siya ng kanilang apartment at umupa sa isang motel. Bukas na bukas din ay hahanap siya ng malilipatan. Hindi dahil sa natuklasan niya ang tunay na katauhan ni Melissa, kundi hindi niya nagustuhan ang ginawa nito.
Pagbalik niya sa apartment, wala na ang mga gamit ni Melissa. Nakatanggap siya ng text mula rito na humihingi ng dispensa, at nagpapaalam na siya na lamang daw ang aalis at lilipat ng ibang apartment dahil siya naman daw ang may kasalanan.
Kinabukasan, muling inabangan ni Val si Miggy.
“Miggy ‘ di ba? Patawarin mo sana ako sa pambibintang ko sa iyo. Hindi na mauulit. Peace na tayo?” nakangiting paghingi ng tawad ni Val kay Miggy.
“Patatawarin kita kung papayag ka sa isang kondisyon…”
“Ano iyon?”
“Pumayag kang lumabas tayo. Kain lang tayo.”
Pumayag naman si Val. Hanggang sa halos araw-araw na silang lumalabas ni Miggy. Niligawan siya ni Miggy, at pagkaraan ng ilang buwan ay sinagot na rin niya. Ipinasya nilang magsama na lamang sa isang bedspace. Nag-ipon sila hanggang sa sila ay magpakasal. Biniyayaan sila ng kambal na anak.
Samantala, si Melissa naman ay naging ganap na nurse na at nagtatrabaho sa bansang Finland. Nakahanap na rin ito ng kanyang partner, na hindi na niya kailangan pang pagnakawan ng salawal.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.