Inday TrendingInday Trending
Isang Linggong Walang Forever

Isang Linggong Walang Forever

Isang umaga ng Linggo, sabik na umalis ng bahay si Meryl upang dumalo sa isang Sunday fellowship na itinuturing na “happiest place on Earth” na lingguhang ginaganap sa isang sikat na mall sa Fairview, Quezon City.

Ikalawang beses na niyang dadalo rito. Napag-alaman niya ang tungkol dito dahil sa ilang mga kakilala na nakadalo na rito, at nasiyahan sa kakaibang gawain ng pananampalataya, na maihahalintulad sa mga ginagawa ng relihiyong “Christian born again”. Pagkatapos ng fellowship, may kasunod itong misa. Pakiramdam niya, busog na busog ang kanyang ispiritwalidad kapag dumadalo sa naturang fellowship.

8:30 ng umaga magsisimula ang unang talk, kaya 8:00 pa lamang ay nasa loob na siya ng sinehan ng mall kung saan ito ginaganap. Marami pang bakanteng upuan. Pinili niyang umupo malapit sa entablado para mas malapit sa speaker.

Unti-unti na ring dumadagsa ang mga tao na nanggaling pa sa iba’t ibang lugar. Tiningnan ni Meryl ang magiging talk sa umagang iyon. Tungkol sa “Forever”. Mukhang interesante ang paksa, lalo na’t nakakaramdam siya ng burn out sa kanyang trabaho ngayon. Hindi niya maipaliwanag kung bakit may kalungkutang bumabalot sa kanyang pagkatao, samantalang kung tutuusin, wala na siyang dapat pang problemahin sa buhay.

May matatag siyang trabaho, may impok sa bangko, maayos na ang lagay ng kanyang pamilya, kaya sarili na lamang niya ang kanyang iniisip. Wala rin siyang karelasyon. NBSB siya o “No Boyfriend Since Birth”. Wala pa siyang karanasan sa usapin ng pakikipagrelasyon.

Dahil malapit nang magsimula ang praise and worship, napuno na rin ang mga upuan sa loob ng sinehan. Isang upuan na lamang ang bakante, ang upuang nasa tabi ni Meryl. Isang gwapo at matangkad na lalaki ang naghahanap ng kanyang mauupuan. Maputi ito at may makapal na salaming itim. Nang makita niya ang bakanteng upuan sa tabi ni Meryl, lumapit ito sa kanya.

“Hi Miss! May kasama po ba kayo?”

Napalingon si Meryl.

“Wala,” medyo matabang na sagot ni Meryl. Kahit gwapo ito, wala siyang amor makipag-usap sa mga lalaki.

Hindi man nagsabi ng pagbibigay-permiso, tumabi pa rin ang gwapong lalaki kay Meryl. At nagsimula na nga ang worship service. Sa kalagitnaan ng talk, sinabi ng speaker na itaas nila ang kanang kamay nila at ilagay sa balikat ng kanilang katabi aat sabihing “Nahanap mo na ba ang forever mo?” Ginawa naman ito ni Meryl sa tumabing lalaki. Nagkatawanan sila.

Pagkatapos, ipinataas naman ang kanilang kaliwang kamay at ipinalagay sa katabi sa kaliwa. Kailangan daw sabihing “Ikaw ang forever ko”. Nagkatawanan ulit sila ng gwapong lalaki.

Matapos ang misa, nakipagkilala ang lalaki kay Meryl. George pala ang pangalan nito. Isa nitong landscape architect. Inaya ni George si Meryl na mananghalian sa isang tahimik at hindi mataong restaurant. Hindi malaman ni Meryl ang dahilan subalit magaan ang kanyang loob kay George. Nagkapalitan din sila ng mga numero.

Pagsapit ng Lunes, magkatext at magkatawagan na sila. Halos maghapon silang nagkwentuhan sa pamamagitan lamang ng text at tawag. Nahalata ng mga kasamahan ni Meryl ang kakaibang mga ngiti sa kanyang mga labi, kaya tinukso siya ng mga ito na may bago na raw siyang love life.

At muli silang nagkita noong Martes sa mall kung saan sila unang nagkakilala. Matapos manood ng sine, nagkape, at kumain ng dinner. Mahusay magsalita si George. Maraming kwento. Hindi sanay sa pakikipag-date si Meryl, subalit sa piling ni George, panatag siya.

Pagsapit ng Miyerkules, natiyak ni Meryl na gusto niya si George. Nahihiya naman siyang ipagtapat dito ang kanyang nararamdaman. Wala pa siyang karanasan sa pakikipagrelasyon. Ang alam lamang niya, masaya siya sa tuwing magkausap sila ni George sa text, tawag, at maging sa chat. Halos hinihintay-hintay niya ang pagrereply nito.

Muli silang nagkita noong Huwebes sa isang sikat na coffee shop. Humingi ng permiso si George na kung pwede siyang ligawan. Pumayag naman si Meryl.

Biyernes ng gabi, muli silang nagkita ni George. Namasyal sila sa isang amusement park. Sinagot lahat ni George ang kanilang mga gastusin. Kilig na kilig naman si Mery subalit hindi niya pinahahalata. Bago sa kanya ang lahat. Ngayon lang nagkaroon ng lalaking nagbigay ng atensyon sa kanya.

Pagsapit ng Sabado, hindi sila nagkita. Puyat daw si George dahil sa kanilang paglabas noong nakaraang gabi. Magkita na lamang daw sila sa Linggo, sa oras ng Sunday service. Kailangang magkatabi sila.

Kinahapunan, nagtungo sa mall si Meryl upang bumili ng bagong damit. Habang siya ay nasa boutique at namimili, isang pamilyar na mukha ang kanyang nakita. Si George! May kasama itong maganda at seksing babae. Magkahawak-kamay at mukhang katatapos lang mag-shopping. Sa kilos nilang dalawa ay parang may relasyon sila. Patungo ang mga ito sa loob ng boutique. Sinalubong niya ang mga ito. Napamaang at namutla si George.

“Hi, George! Kumusta? Long time no see ah. Hindi mo ba ako ipapakilala sa kasama mo?,” nang-uuyam na pakunwaring tanong ni Meryl kay George. Malamig sa loob ng mall subalit gumigitaw ang ga-butil na pawis sa noo ng lalaki.

“Sino siya, Babe?” Tanong ng babae kay George.

“Naku miss, nevermind. Churchmate kami before ni George. Ngayon lang ulit kami nagkita. O siya, mauna na ako ha?” Nakangiting sabi ni Meryl, sabay “make face” at taas-noong lumabas ng boutique. Hindi na niya kailangang alamin pa kung sino ang babae sa buhay ni George dahil sa pagtawag nito ng “babe” dito.

Hindi na pinansin ni Meryl ang paliwanag ni George sa text at chat, pati na ang ilang beses na pagtawag nito sa kanya. Sa isip-isip ni Meryl, mabuti na rin ang nangyari na maaga niyang nakilala ang tunay na pagkatao ni George, kaysa sa nahulog na ang emosyon niya rito’t hindi naman pala karapat-dapat ng kanyang pagmamahal. Hindi siya umiyak o nagbuhos ng sama ng loob.

Pagsapit ng Linggo, masayang dumalo si Meryl sa Sunday service sa mall. Tungkol pa rin sa forever ang paksa. Pero kung ang pokus noong nakaraang Linggo ay tungkol sa forever na katuwang sa buhay, ngayon naman ay nakapokus sa tunay na forever ng lahat—ang Panginoong Diyos. Napagtanto ni Meryl na wala mang forever sa tao, may forever naman sa Panginoong Diyos na nagbigay ng lahat ng bagay sa mundo.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement