Inday TrendingInday Trending
Katapatan ng Isang Sekyu

Katapatan ng Isang Sekyu

Huminga ng malalim si Mang Lito at pinagmasdan ng mabuti ang kanyang paligid. Halos dalawang taon din niyang hindi nakita ang mundo sa labas ng kulungan. Isang dating security guard si Mang Lito sa isang bodega ng mga mamahaling gamit ng isang malaking kompanya.

Kakalaya niya lamang matapos pagbayaran ang kasalanang hindi niya naman ginawa. Napagbintangan si Mang Lito na nagnanakaw ng mga gamit sa bodegang kanyang binabantayan. Sinubukan mang depensahan ang kanyang sarili, ngunit wala pa rin siyang nagawa dahil hindi naman siya pinakinggan ng mga ito. Mabuti na lamang at hindi natutulog ang batas at sa huli ay napawalang sala rin siya.

Matapos makalaya, agad din namang naghanap ng trabaho si Mang Lito dahil may pamilya din siyang binubuhay. Ngunit sa kasamaang palad ay walang may gustong tumanggap sa kanya dahil na rin sa nagkaroon siya ng criminal record. Hindi malaman ni Mang Lito ang gagawin. Kinakailangan niyang makahanap ng trabaho para buhayin ang kanyang pamilya. Lalo na’t may mga anak pa siyang nag-aaral.

Habang patuloy na naghahanap ng trabaho ay naisipan ni Mang Lito na maglako ng mga ballpen at ibenta ito sa mga estudyanteng nakakasalubong o nakikita sa mga kainan. Nagbibigay siya ng isang munting sulat na nagpapahiwatig ng kanyang sinapit at kalagayan. Nahihiya man ay wala ng ibang paraang naiisip si Mang Lito para kahit paano ay kumita sa malinis at marangal na paraan.

Isang araw habang naglalakad si Mang Lito ay may nakita siyang mga binatilyo sa gilid ng isang kilalang unibersidad sa Maynila. Lumapit siya sa mga ito upang pagbentahan sana ito ng kanyang nilalakong mga ballpen. Laking gulat niyang may isang binata na nakahandusay sa sahig.

“Hoy ano yan?!” sigaw ni Mang Lito sa mga binatilyo na agad namang nagtakbuhan ng marinig ang sigaw niya.

Dali-dali niyang pinuntahan ang binatang nakahandusay sa sahig. Putok ang ibabang parte ng labi nito at may pasa sa pisngi. Mukhang binugbog ang binata ng mga binatilyong kanyang nakita.

Binuhat niya ang binata at dinala sa pinakamalapit na hospital. Hindi siya umalis hanggang sa hindi dumarating ang pamilya o mga magulang ng bata. Gusto niyang tiyaking nasa mabuti na itong kalagayan bago siya umalis.

Nang nagkamalay na ang binata ay sinubukan niya itong kausapin.

“Aba bata, ano ba ng nangyari at ikaw ay nagkaganyan?” tanong niya sa binatilyong nakahiga pa sa kama. Tumingin naman sa kanya ang binatilyo at tinanong kung sino siya at kung ano ang nangyari at naroroon siya.

“Ako si Lito. Naglalako ako ng mga ballpen na ito nang makita ko kayo sa gilid ng unibersidad. Lalapit sana ako sa inyo para pagbentahan kayo ng ballpen pero laking gulat ko ng makita kitang nakahandusay sa sahig at may dugo sa mukha,” pagpapaliwanag niya sa banatilyo. Napaisip naman ang binatilyo.

Agad din namang nagsidatingan ang mga magulang ng binatilyo kaya umalis na rin si Mang Lito at ipinagpatuloy ang paghahanap at paglalako ng mga ballpen.

Makaraan ang ilang araw ay bigla na lamang siyang natanggap na tawag galing sa isang malaking kompanya. Laking gulat naman ni Mang Lito na tinawagan siya, dahil hindi naman siya nag-apply sa kompanyang iyon. Hindi nga siya matanggap sa maliliit na mga tindahan lamang dahil sa records niya, paano pa kaya kung sa malalaking kompanya pa.

May pag-aalinlangan mang nadarama ay pinuntahan pa rin iyon ni Mang Lito. Laking tuwa ni Mang Lito ng maipasa niya ang lahat ng mga interview at pagsusulit. Sa wakas, may trabaho na siya!

Labis na saya at kagalakan man ang nadarama, hindi pa rin maiwasan ni Mang Lito na mapaisip sa kung paano nangyari ang mala-himala niyang pagkakaroon ng trabaho. Nagpunta naman agad si Mang Lito na simbahan at nagsindi ng kandila bilang pasasalamat sa Diyos sa biyayang natanggap.

Umuwi siya sa kanila at masayang ibinalita sa kanyang pamilya ang pagkakaroon niya ng trabaho. Pagkaraan ng isang linggo ay nagsimula ng magtrabaho si Mang Lito bilang isang sekyu sa kompanyang tumanggap sa kanya. Bilang kapalit ng kabutihang loob at pagtanggap sa kanya ay pinag-iigihan talaga ni Mang Lito ang kanyang trabaho. Wala siyang planong biguin o sayangin ang pagkakataong ibinigay sa kanya.

Laking gulat na lamang ni Mang Lito nang isang araw ay bigla niya nalang nakita ang binatilyong kanyang tinulungan. Lumapit ito sa kanya at nagpasalamat sa tulong na kanyang iginawad rito.

“Maraming salamat po Mang Lito. Kung hindi dahil po sa inyo hindi ko po alam kung nasaan na po ako ngayon o kung humihinga pa ba ako,” malugod na pahayag ng binatilyo sa kanya.

“Naku, wala po yun sir. Pero sino nga ba ang mga iyon at bakit nila nagawa iyon sa inyo?” tanong niya naman sa binatilyo.

“Wag na po kayong mag-alala at naturuan na naman po sila ng leksyon. Mga batang walang magawang matino lamang sa buhay nila ang mga iyon. Pinipilit kasi nila akong sumama sa kanila at sumama sa mga maling gawain.

Tumanggi naman ako kaya pilit nalang nilang kinukuha ang wallet ko at ng hindi ko ibinigay ay pinagtulungan na nga nila ako hanggang sa nakita mo na kami,” sagot nito sa kanya.

“Mabuti naman kung sa ganun. O siya at pumasok ka na. Ay, maiba ako at kung di mo mamasamain, eh ano ba ang ginaawa mo rito? Dito ba nagtratrabaho ang mga magulang mo?” tanong naman ni Mang Lito sa binatilyo. Bahagya namang natawa ito at sumagot.

“Opo. Mga magulang ko po ang may-ari ng kompanyang ito,” nakangiting sagot nito at kinindatan siya.

“Ibig sabihin…” hindi na pinatapos pa ng binatilyo si Mang Lito.

“Opo. At kilala na po kita bago pa man nangyari ang pagtulong mo sa akin. Nakikita kitang naglalako ng mga ballpen sa labas ng aming Unibersidad. Alam ko na ang kwento mo,” hinawakan siya nito sa balikat, “huwag niyo sanang sayangin ang pagkakataong ito Mang Lito. Sana po ay makapagsimula na kayo ng maayos.”

Naluha naman si Mang Lito sa kanyang nalaman.

“Naku, maraming salamat po sir! Pangakong pagbubutihan ko po talaga ang aking trabaho. Hindi ko po kayo bibiguin!” puno ng emosyong pangako ni Mang Lito.

“Aasahan ko po yan Mang Lito, good luck po!” nakangiting sagot sa kanya ng binatilyo bago pumasok sa kompanya ng kanyang mga magulang.

Pinagbutihan ni Mang Lito ang kanyang trabaho gaya ng kanyang pangako. Nakapagsimula siyang muli. Nabigyan niya ng maayos na buhay ang kanyang pamilya at napag-aral ang kanyang mga anak sa marangal na paraan.

Maraming pagsubok man ang dumating sa buhay ni Mang Lito, pinili niya paring maging tapat at maging marang sa kabila ng lahat ng pinagdaanan. Nawa’y tularan natin si Mang Lito at piliing maging mabuting tao sa kabila ng mga paghihirap na ating nararanasan sa buhay.

Advertisement