Masayang masaya si Kyla habang kasama niya ang nobyong si Dwayne sa araw na iyon. Ito ang araw ng kanila ikalawang Anibersaryo, kaya naman naghanda ng isang sorpresa si Kyla para sa kanyang kasintahan.
“Surprise!” masiglang pagbati ng dalaga sa kanyang nobyo pagkatapos ng inihanda niyang picnic date para sa kanila. Naglatag siya ng isang tela at pinalibutan ito ng mumunting mga bulalak. Nakahain din ang mga paborito nilang mga pagkain at inumin na siya mismo ang nagluto.
“Nagustuhan mo ba?” halata ang saya at pagkasabik ng dalaga sa magiging reaksyon ng nobyo. Pilit naman na ngumiti si Dwayne at niyakap ang nobya. Hindi alam ng binata kung paano na sasabihin sa nobya ang nais niya sanang ipagtapat rito sa araw na iyon.
“Maraming salamat, Babe. Muntik ko ng makalimutan, pasensya kana,” saad niya sa dalaga.
“Ano ka ba? Okay lang! Alam ko namang busy ka sa work di ba? How’s work pala?” puno ng sigla na sagot naman ni Kyla. Tinitingnan palang ni Dwayne ang masayang mga ngiti ng nobya, parang hindi niya na kakayanin na sabihin rito ang isang bagay na sigurado siyang makakasakit lang sa dalaga.
Ngumiti lang siya sa dalaga, hinawakan ang kamay nito at inakay na para maupo sa telang nakalatag sa may damuhan sa may lilim ng punong mangga. Pinagsaluhan nila ang mga hinanda ng dalaga at masayang nagkwentuhan.
Talaga namang napakasaya ni Kyla dahil ngayon nalang ulit sila nagkasama ng kasintahan. Parati kasing walang oras ang kanyang nobyo dahil nagsimula na itong magtrabaho.
Mas matanda kasi si Dwayne kay Kyla ng tatlong taon. Nasa ikatlong taon na ng kursong kanyang kinuha si Kyla habang si Dwayne naman ay nakapagtapos na nang nakaraang taon. Makaraan ng ilang buwan ng pagtatapos ng binata ay agad itong nag-apply sa mga kompanya at pinalad din namang matanggap.
Isang manunulat si Dwayne. Nakapagtapos siya ng isang kurso sa Literatura. Sa ngayon ay nagsusulat siya ng mga maiikling kwento at mga nobela sa kompanyang kanyang pinagtratrabahuan. Todo suporta naman sa kanya ang nobyang si Kyla at bagamat nawawalan na siya ng oras para sa dalaga ay iniintindi nalang siya nito.
Bago sila umuwi ay napagdesisyonan na ni Dwayne na sabihin na sa dalaga ang matagal na niyang nais ipagtapat sa nobya. Alam niyang masasaktan ito at kung maaari lang sana ay ayaw niyang gawin ito, ngunit alam niya ring mas masasaktan lang ang dalaga kung mas patatagalin pa niya. Hindi niya maitatago ang katotohanan habangbuhay.
“Ky, ito pala ang regalo ko para sayo. Isinulat ko dyan ang lahat ng dapat mong malaman. Maraming salamat sa dalawang taon. Ayaw ko sanang gawin ito pero alam kong kailangan, dahil hindi mo deserve ang ganito. Ayaw man kitang saktan pero kasi… para rin naman ito sa ikabubuti mo. You don’t deserve someone like me. Sana balang araw mapatawad mo ako,” tumulo ang mga luha sa mga mata ni Dwayne habang sinasabi sa dalaga ang mga katagang iyon.
Ibinigay niya ang isang munting libro na siya pa mismo ang nagsulat para rito. Sa huling pagkakataon ay niyakap ng mahigpit ni Dwayne si Kyla at hinalikan ito sa noo bago tuluyang umalis at iniwan ang dalaga.
Nakatulala lamang si Kyla habang minamasdan ang likod ng papaalis na kasintahan. Hindi siya makapaniwala sa nangyari pa lamang. Kinurot niya ang sarili at baka naman isang bangungot lang ito pero nasaktan siya. Nasaktan siya…
Biglang umagos na parang rumaragasang ilog ang luha sa mata ni Kyla. Labis na sakit ang kanyang nararamdaman sa mga oras na iyon. Napayakap na lamang siya sa librong bigay sa kanya ng minamahal na nobyo at napahagulgol.
Kinabukasan ay mugto pa rin ang mga mata ni Kyla dahil sa magdamagang pag-iyak. Kinuha niya ang huling regalo sa kanya ng dating kasintahan at nagsimulang basahin iyon.
Noong una ay natutuwa siya, natatawa at kinikilig sa mga nababasa niya. Nakasulat kasi roon ang mga nangyari sa kanila na para bang ang istoryang iyon ay ang kanila mismong istorya. Natutuwa siya pero nalulungkot din siya. Hindi niya pa rin kasi maintindihan kung bakit siya hiniwalayan ng binata. Masaya naman sila kahapon bago ito nakipaghiwalay ha? Bakit ganun na lamang ang nangyari?
Nagpatuloy siya sa pagbabasa at habang tumatagal ay nalilinawan na siya sa kung ano nga ba ang dahilan ng pakikipagkalas ni Dwayne sa kanilang relasyon. Mahal naman siya ng binata. Hindi, minahal naman siya ng binata. Minahal. Tapos na…
Ibig sabihin, may mahal na itong iba. Nahulog sa iba ang nobyo niya habang sila pa! Pinagtaksilan siya nito kasama ang taong malapit rin sa puso niya. Kinuha niya ang kanyang telepono at tinawagan ang matalik na kaibigan at nakipagkita rito.
“Alam ko na ang lahat. Paano niyo nagawa sa akin ito? Ikaw pa talaga na matalik kong kaibigan ang tratraydor sakin ng ganito? Ang t*nga-t*nga ko, hindi man lang ako naghinala sa inyo. Ang galing niyo namang magpanggap. Ang galing niyong umarte. Grabe, napaniwala niyo ako,” puno ng pait na pahayag ni Kyla sa matalik na kaibigan.
“Kyla, pasensya na. Nagmahal lang din ako. Hindi naman namin sinasadya na saktan ka. Patawarin mo kami. Hindi man ngayon, sana balang araw… Para rin naman ito sa iyo. Hindi ka na niya mahal at alam kong naiintindihan mo na ngayon kung bakit,” makikita rin ang mga luhang unti-unti ng namumuo sa gilid ng mga mata ng matalik na kaibigan ni Kyla.
“Oo alam ko na, pero hindi ibig sabihin nun hindi na ako nasasaktan sa ginawa niyo. Hindi porket naiintindihan ko na eh hindi na ako masasaktan. Mahal ko si Dwayne at alam mo yan Paul! Hindi ko akalaing aahasin mo siya sa akin,
Hindi ko man lang alam na may nararamdaman ka rin pala sa kanya. Nakipagkita ako sa iyo, hindi para makipag-away o para patawarin kayo, kasi lolokohin ko lang ang sarili ko at kayo kung sasabihin kong napatawad ko na kayo agad.
T*ng *na anong akala niyo sa puso ko, bato?!” Hindi na napigilan pa ni Kyla ang mga luhang kanina pa pinipigilang pakawalan.
Kinuha niya ang librong ibinigay sa kanya ni Dwayne at ibinigay iyon sa matalik na kaibigang si Paul.
“Sa tingin ko para ito sa iyo at hindi sa akin. Dahil hindi kwento namin ang nakasulat na istorya dyan. Kundi kwento niyo na kasama lang ako. Hindi ko kayo kayang patawarin ngayon, pero susubukan ko. Maging masaya sana kayo,” pagkatapos sabihin iyon ay tumayo na ang dalaga ang akamang aalis na ng maramdaman niyang niyakap siya ni Paul mula sa likuran.
“Salamat bes, huwag kang mag-alala mahahanap mo rin ang para sayo. Magiging masaya ka rin,” mahinang usal ni Paul sa dalaga. Nasasaktan man ay napangiti na lang ng mapait ang dalaga. Kahit sinaktan man siya ng mga ito ay alam niyang mahal siya ng matalik na kaibigan at dating kasintahan. Hindi nga lang gaya ng pagmamahal na gusto at inakala niya, pero siguradong mahal siya ng mga ito.
Lumipas ang isang taon at nakapagtapos na rin sa wakas si Kyla. Nasaktan man ng lubos sa pag-ibig ay hindi siya nagpadaig sa sakit at patuloy na lumaban. Itinuon niya na lamang ang buong atensyon sa kanyang pag-aaral. Ngayon ay handa na siyang harapin ang landas na kanyang tatahakin tungo sa kanyang pangarap, at umaasa na ring mahahanap niya ang pag-ibig na para talaga sa kanya.