Inday TrendingInday Trending
Patawad sa Tatlumpong Taong Nasayang

Patawad sa Tatlumpong Taong Nasayang

Nakatulala na naman sa kawalan si Mang Manuel. Iniisip niya na naman kung nasaan na kaya ang kanyang pamilya at kung hahanapin niya ang mga ito.

Tatlumpong taon na rin niyang hinahanap ang kanyang asawa at dalawang anak. Kung saan-saan niya na hinanap ang mga ito, pero tila ba alam ng mga ito na pinaghahahanap sila at sinasadyang hindi magpakita sa kanya. Para bang patuloy siyang tinatakasan.

Nanariwa na naman sa kanyang isipan ang mga alaala kasama ang kanyang pamilya bago siya nito iniwan.

“Hoy Juan, bilhan mo nga ako ng isang boteng alak dun kila Aling Tina!” utos niya sa panganay na anak na si Juan. Nasa walong taong gulang pa lamang noon ang batang lalaki.

“P-pero ‘tay, wala po tayong pera. Hindi pa nga po kami nakakakain ng kapatid ko at ni nanay eh,” natatakot na sagot ng batang lalaki sa ama.

“Oh edi umutang ka! O humingi ka dun sa nanay mo! Wala akong pakialam kung paano mo gagawin basta bigyan mo ako ng isang boteng alak!” bulyaw niya sa anak at akmang papaluin ito ng walis. Napapikit naman ang batang si Juan na tila ba hinintay na dumapo ang walis sa kanyang balat.

Agad naman na dumating ang kanyang asawang si Pepita at hinarang ang hawak niyang walis kaya naman ang asawa niya ang natamaan imbis na ang anak.

“Oh mahal kong asawa, mabuti naman at dumating kana. Bigyan mo nga ng pera yang batang yan at ng makabili ng alak, nauuhaw ako!” napatingin sa kanya ang asawa ng may mamasa-masang mga mata.

“Wala na akong pera. Sapat lang ang kinita ko para pambili ng pagkain natin ngayong araw at gamot ni bunso. Marami pa nga tayong utang kila Aling Tina gawa ng kakautang mo ng alak eh. Wala ka na ba talagang plano magbago ha Manuel?” Kakakitaan ng galit at lungkot ang mga mata ni Pepita habang sinasabi sa asawa ang mga katagang iyon.

“Ano? Anong sabi mo?! Sumasagot-sagot ka na saking babae ka ha? Halika nga dito!” nilapitan niya ang asawa at inumpisang pagbuhatan ito ng kamay. Ito ang madalas gawin ni Manuel sa asawa’t anak niya sa tuwing hindi niya makuha ang kanyang gusto o pag sinasagot siya ng mga ito.

Hindi naman ganyan dati si Manuel. Matino siyang tao at masaya sila ng kanyang pamilya. Mabait na ama at mapagmahal na asawa siya, pero lahat ng iyon ay nagbago nang siya ay matanggal sa trabaho ng mapagbintangan sa salang hindi niya naman ginawa.

Galing lamang siya sa hirap at nagpursigi kaya naman nakapasok sa isang malaking kompanya, at dahil sa likas na masipag at madiskarte, talaga namang natutuwa sa kanya ang kanyang mga boss na naging rason para kainggitan siya sa kanilang kompanya. Sabi nga nila, maraming nagagawa ang inggit. Pinagtulungan siya ng kanyang mga kasamahan sa trabaho at pinagbintangan sa salang di naman talaga siya ang gumawa.

Hindi nakulong si Manuel pero natanggal siya sa kompanyang pinagtratrabahuan. Doon nagsimulang lunurin ni Manuel ang sarili sa alak at sirain ang sarili. Labis siyang nagagalit sa mundo dahil hindi ito naging patas sa isang taong tapat kagaya niya. Sa araw-araw na paglalasing ay unti-unti na rin siyang nagbago hanggang sa umabot na hindi na siya makilala ng kanyang sariling pamilya. Parang nawala na ang kanilang mabait at mapagmahal na haligi ng tahanan.

Nagagawa niyang saktan ang asawa at anak na dati ay ni lamok, hindi niya pinapadapuan. Tuluyan na ngang nawala ang dating Manuel.

Isang araw ay nagising na lamang si Manuel na wala na ang kanyang asawa at dalawang anak. Nilayasan siya ng mga ito! Noong una ay galit na galit siya pero kalaunan ay napagtanto niya ang kanyang mga nagawa para magawa ng kanyang pamilya an iwan siya.

Labis siyang nagsisi sa kanyang mga nagawa at hinanap ang mga ito ng hinanap. Sinubukan niyang ayusin muli ang kanyang sarili para sa pagbalik ng mga ito ay makakapagsimula na ulit sila at muling babalik sa dating masaya at puno ng siglang pamilya, ngunit tatlumpong-taon na ang nakalilipas at wala pa rin siyang nahahanap ni anino ng mga ito.

Anibersaryo ngayon ng araw na ikinasal si Manuel sa kanyang asawang si Pepita. Sa labis na pangungulila niya sa asawa ay naisipan niyang puntahan ang simbahan kung saan sila nagpakasal.

Nagsindi siya ng kandila at taimtim na nagdasal sa Panginoon. Una’y nagpasalamat siya sa pagkakataong ibinigay sa kanya para magbago bago pa mahuli ang lahat, at pangalawa ay ang sana mahanap niya na ang pamilyang kaytagal ng hinahanap. Pagkatapos niyang magdasal, papalabas na sana ng simbahan ay may nakabangga siyang babae.

“Ay sorry, pasensya na po kay-” malugod na paghingi niya ng paumanhin sa babae, pero natigilan silang pareho ng mapagtanto kung sino ang nakabangga.

“Manuel…” tawag sa pangalan niya ng isang boses na akala niya’y hindi niya na mapapakinggan pa kahit kailan. Hindi na napigilan ni Manuel ang sarili at mahigpit na niyakap ang asawang kaytagal na hinanap.

“Pepita, mahal ko. Patawarin mo ako sa aking mga nagawa sa iyo at sa ating mga anak. Pangakong nagbago na ako. Nagtino na ulit ako. Kaytagal ko kayong hinanap,” sunod-sunod ang mga luhang umagos sa pisngi ni Manuel. Niyakap naman siya ng asawang si Pepita at para bang sinasabi na okay lang at na napatawad na siya ng mga ito.

Pagkatapos mag-usap ng mag-asawa ay dinala ni Pepita ang lalaki sa kasalukuyang tinitirhan nila ng kanilang mga anak. Hindi naging madali ang buhay ng kanyang mag-iina pagkatapos maglayas, ngunit hindi sila sumuko at nagtulungan para mabuhay. Lahat ng uri ng marangal na trabaho ay ginawa ni Pepita maigapang lang ang mga anak sa kahirapan.

Hindi naman siya nabigo at napagtapos niya ang dalawang bata. Naging isang abogado ang panganay nilang si Juan at doctor naman ang bunsong si Lilia. Unti-unti silang naka-ahon sa hirap, laking pasasalamat niya na rin sa kanyang mga anak dahil kahit kailan ay hindi siya pinahirapan ng mga ito.

Humingi naman ng tawad si Manuel sa kanyang mga anak at pinakita at pinatunayan na nagbago na talaga siya. Na siya na ulit ang amang labis silang mahal at gagawin ang lahat para sa kanila, hindi na siya magpapakalunod sa alak at magagalit sa napakadayang mundo.

Likas na may mga busilak na kalooban ang mga anak ni Pepita at Manuel kaya naman agad din nilang napatawad ang ama. Napagdesisyonan na lamang ng kanilang pamilya na kalimutan na lamang ang mapait na nakaraan at magsimula muli. Simula ng araw na iyon ay araw-araw na bumabawi si Manuel sa asawa at anak sa mga taong nasayang na hindi nila nakapiling ang isa’t isa.

Advertisement