Inday TrendingInday Trending
Mahalaga ang Anak na Lalaki sa Angkan ni Mister, Paano Kung Hindi Siya Mabigyan ni Misis, Magiging Tapat Pa Rin Kaya ang Lalaki?

Mahalaga ang Anak na Lalaki sa Angkan ni Mister, Paano Kung Hindi Siya Mabigyan ni Misis, Magiging Tapat Pa Rin Kaya ang Lalaki?

Matanda na ang lolo at may edad na rin ang ama ng binatang si Valentino, mabigat ang pasaning nakaatas sa binata dahil buong angkan niya ang nakasalaylay sa kaniyang magiging desisyon sa buhay.

“Apo, ayos lang talaga na magkanobya ka na. Tandaan mo, ikaw lang ang tanging pag-asa ng angkan natin kaya hindi ka pwedeng babagal-bagal sa babae,” saad ni Lolo Mio.

“Lo, bata pa ho ako, wala pa nga ho akong 18 anyos e pag-aasawa na lang ho lagi ang bilin niyo sa akin,” sagot naman ni Valentino na noon ay 16 anyos lamang at mag-uumpisa pa lang sa Kolehiyo.

“Kami nga noon ng lola mo ay 15 anyos lang may dalawa na kaagad na anak. Kita mo nakarami kami, yun nga lang bukod tangi naman ang tatay mong si Marco at bukod tangi ka rin, nasa dugo na yata talaga natin ang nag-iisa lang ang lalaki sa angkan,” wika pang muli ng matanda.

Nag-iisang lalaki lang si Valentino sa pitong magkakapatid, siya ang bunso at hinabol lang talagang magkaroon ng lalaki sa pamilya bago tumigil ang kaniyang magulang sa paggawa ng supling. Ganun rin ang tatay niya at ang lolo nitong si Mang Mio.

“Hayaan niyo lo, malay niyo ngayong kolehiyo ay magkanobya na ako at uuwian ko na ho kayo ng maraming apo,” baling naman ni Valentino sa matanda upang tigilan na siya nito.

Nag-aral sa Maynila ang binata, bukod sa bitbit niyang gamit at pera ay baon baon din niya ang basbas na maaring magkanobya o di kaya naman makabuntis ng maaga. Sa unang buwan pa lang ng eskwela ay agad na pinana ni kupido ang puso ng binata sa dalagang si Eva, niligawan niya ito at ipinakilala sa kaniyang mga magulang.

“Ano apo? May laman na ba?” masayang bati ni Lolo Mio sa kaniya.

“Anak, huwag kang mag-alala, suportado ka naming lahat. Kami na bahala sa pagpapalaki ng magiging anak niyo at hindi niyo kailangang alalahanin ang pag-aaral dahil maitutuloy niyo pa rin iyon kahit may bata na,” saad naman ng kaniyang amang si Mang Marco.

“Kayo ho talaga, wala pa ho. Nirerespeto ko ho ang kagustuhan ng aking nobya na kami ay makapagtapos muna sa pag-aaral kaya naman matagal tagal pa ho ang hihintayin ninyo,” sagot naman ng binata sa dalawa.

Nag-aral ng mabuti ang magkasintahan at hindi kailanman binalak hingin ni Valentino ang pagkababae ng nobya dahil alam niyang mapagsasaluhan din nila ang bagay na iyon sa tamang panahon. Hindi nagtagal ay nakapagtapos na sila at kaagad na sumunod ang kasal ng dalawa, magiliw na magiliw ang pamilya ni Valentino dahil sa wakas ay madurugtungan na ang kanilang angkan. Nag-alay at gumawa na rin ito ng ibat-ibang orasyon upang siguraduhing lalaki ang magiging panganay ng bagong mag-asawa.

Lumipas ang isa, dalawa at tatlong taon ngunit hindi pa rin sila nabibiyayaan ng kahit isang supling at doon napagpasyahan nilang magpatingin sa doktor. Napag-alamang may PCOS si Eva at mahihirapan itong magbuntis dahil kailangan niyang sumailalim muna sa ilang mga gamutan.

“Anak, hiwalayan mo na lang ang asawa mo. Mukhang hindi niya madurugtungan ang lahi natin,” wika ni Mang Marco.

“Oh kaya naman anak kung ayaw mo e mag-anak ka na lang sa ibang babae, tumatanda na kami ng lolo mo at baka hindi na namin abutin pa na magkaroon ka ng lalaking anak,” dagdag pa ng tatay niya.

“Tay, asawa ko ho ang pinag-uusapan natin. Hindi ho biro ang pinagdadaanan niya ngayon para isipin ko pa ang angkan natin,” sagot ni Valentino.

“Kung hindi mo iiwan ang asawa mo o hindi ka mag-aanak sa iba, hindi kita papamanahan! Bastos kang bata ka, hindi mo alam ang sinasabi mo, tanging anak na lalaki lamang ang makakapagtuloy ng apelyido natin dito sa mundo kaya hindi ito simpleng bagay lang,” pahayag ni Lolo Mio.

Hindi na lang nagsalita si Valentino, agad niyang pinuntahan ang asawa sa kwarto at niyakap ito ng mahigpit.

“Mahal, ayos lang. Tama naman sila, baka hindi kita mabigyan ng anak, iwan mo na lang ako. Maghiwalay na lang tayo,” sambit ni Eva.

“Hindi kita iiwan ng dahil lang sa anak, Eva. Mahal na mahal kita, yan ang tatandaan mo at hindi tayo magpapatalo. Pagsubok lang ito sa atin, hayaan mo ang mana dahil kaya kong magtrabaho para sa’yo at sa magiging anak natin,” saad ng lalaki at hinalikan niya sa ulo ang kaniyang misis.

Lumipas pa ang dalawang taon ngunit hindi pa rin nabubuntis si Eva pero nanatiling matatag ang pananalig ni Valentino kahit pa nga hindi na siya iniimik ng kaniyang pamilya. Mas dinalasan pa nila ang pagdarasal at maging ang pagsasayaw sa Obando ay nakahiligan na lang rin ng mag-asawa. Hindi pinaramdam ni Valentino sa kaniyang misis na problema ang hindi nila pagkakaroon ng supling bagkus mas lalo niyang minahal ang babae.

“Mahal! Happy 6th anniversary,” maagang bati ni Eva sa mister sabay bigay niya sa isang maliit na sobre.

“May paregalo pa ang magandang misis ko oh,” saad ni Valentino at binuksan ito napasigaw siya sabay buhat kay Eva. “TATAY NA AKO!” at nagbunga na nga ang paghihintay ng mag-asawa. Nabiyayaan pa sila kaagad ng isang malusog na batang lalaki.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement