Inday TrendingInday Trending
Isinugod sa Ospital ang Matandang Ito Dahil sa Pamamaga ng Dila; Ano nga ba ang Nangyari?

Isinugod sa Ospital ang Matandang Ito Dahil sa Pamamaga ng Dila; Ano nga ba ang Nangyari?

“Delfin, nag-aalala na talaga ako sa lola niyo,” mangiyak-ngiyak na sambit sa kabilang linya ng ina ni Delfin na si Aleng Sol.

“Bakit naman po, Mamay?”

“Ilang araw na siyang hindi kumakain dahil sa pamamaga ng dila niya. Masakit daw kapag nalalapatan ng pagkain, kaya hindi na lamang siya kumakain. Nilulugawan ko naman kaso ayaw pa rin,” mahabang paliwanag ng ina.

“Ipa-check-up niyo na lang si lola, Mamay. Ako na ang bahala sa lahat ng gagastusin. Uuwi po ako d’yan bukas— kaming tatlo nina Bea at Sam,” nag-aalalang wika ni Delfin.

Matanda na ang kanilang Lola Jemina, otsyenta’y singko na ito kaya labis ang pag-aalala ng buong pamilya sa t’wing may mararamdaman itong hindi maganda sa katawan.

Ayaw nilang isipin na may mangyayaring masama sa lola nila. Walang binatbat ang pera sa buhay nito. Gano’n nila kamahal ang abuela.

Gaya ng ipinangako ni Delfin ay umuwi nga silang tatlong magkakapatid sa bahay ng kanilang mga magulang.

“Kumusta na po ang nararamdaman niyo, lola?” Nag-aalalang tanong ni Sam ng makita ang abuela.

“Ayos naman hijo. Medyo namamaga lamang ang aking dila,” sagot naman nito sa gulat ng makita silang tatlo. Sa tono pa lang ng salita nito ay halata ng namamaga nga ang sarili nitong dila. “Bakit naman napasugod kayong tatlong magkakapatid rito?”

“Kasi nag-aalala kami sa’yo lola,” wika naman ni Bea na agad yumakap sa abuela.

“Naku naman ang mga batang ito,” masayang wika ni Lola Jemina. “Ayos lamang ako.”

“Ano po ba talaga ang nangyari sa dila niyo lola?” Tanong ni Delfin.

“Ewan ko ba! Bigla na lang e pagkagising ko sa umaga ay namamaga na ito at nahihirapan na akong magsalita,” nahihirapang wika ni Lola Jemina.

“Hali ka na lola at magpapa-ospital tayo. Patitingnan natin iyang dila ninyo, kung ano ba talaga ang nangyari riyan,” pursigidong wika ni Delfin at akmang iikot na sa kabilang dulo ng sasakyan nang matigilan.

“Hindi na ‘ga importante iyon. Gagaling rin naman ‘ire,” malumanay na tanggi ni Lola Jemina.

“Hindi po lola,” sabay na tanggi nina Sam at Bea.

“Mapapanatag ang loob namin kapag nalaman namin kung ano ‘baga ang nangyari d’yan,” wika ni Sam na agad namang sinang-ayunan ni Bea.

Walang nagawa ang abuela kung ‘di ang sumama sa tatlo niyang apo. Habang nasa daan ay pilit na nagpapaliwanag si Lola Jemina na maayos lamang ang lagay niya at walang dapat ipag-alala. Ngunit nanatiling pursigido ang mga apo niyang patignan siya sa eksperto.

Pagkarating sa ospital ay agad na tinignan si Lola Jemina. Si Bea ang nagpaliwanag sa nangyari sa kaniyang abuela, dahil nga nahihirapang magsalita ang kanilang lola.

“Nanay, masakit po ba ang dila ninyo?” Tanong ng doktora.

“Oho, dok. Medyo namamaga nga po e,” sagot naman nito.

“Gano’n po ba. May ituturok po ako sa inyo. Hindi naman ito makakasama dahil pain reliever lang naman ito. Ang purpose po ng gamot na ito ay upang mawala ang pananakit ng dila niyo. Saka ko po siya titingnan,” paliwanag ng doktora.

“Naku! Hindi na po kailangan iyan dok,” tanggi ni Lola Jemina.

“Lola, pain reliever lang naman po iyan,” pangungumbinse ni Delfin.

“Ayoko nga. Umuwi na lang tayo. Ayoko na rito,” wika ni Lola Jemina.

“Lola, walang uuwi hangga’t hindi natitingnan iyang dila ninyo,” segunda naman ni Sam.

Muling umupo si Lola Jemina na ayaw magpaturok ng kahit anong gamot. Maya-maya ay nagsalita si Lola Jemina.

“A-ang totoo po doktora ay wala naman talagang dapat ipag-alala ang mga apo ko,” mahinang sambit nito habang nakayuko. “N-napaso lang naman po ang dila ko kaya humapdi at medyo namaga,” pag-amin nito na ikinaguat ng lahat sa loob.

Matagal bago nakabawi si Doktora Santos saka ngumiti. “Ayy, kaya naman po pala, nanay. Sana kanina niyo pa iyang inamin sa mga apo niyo.” Natatawang wika nito.

“Oo nga po doktora e, kaso nahihiya kasi akong umamin sa kanila. Masyado silang nataranta lahat e,” nakangiti na ring wika ni Lola Jemina.

“Patunay lamang iyan nanay na mahal na mahal kayo ng mga apo ninyo. Kaya nagiging OA ang reaksyon nila,” wika ni doktora saka nilingon ang tatlong apo ng ginang na biglang nawalan ng lakas.

“Lola naman e. Hindi magandang biro ‘to ah. Kung alam niyo lang na gusto na naming paliparin ang sasakyan makauwi lang kami agad upang makita kayo. Hindi na nga kami nakatulog kagabi sa kakaisip sa inyo,” mangiyak-ngiyak na wika ni Delfin.

“Aysus! Ang panganay kong apo na si Delfin,” lapit ni Lola Jemina sa apo sabay yakap. “Salamat at napatunayan kong mahal niyo nga akong tatlo,” tatawa-tawang wika ni Lola Jemina.

“Kung hindi pa kasi ako magkakaroon ng sakit ay hindi niyo rin maalalang dalawin ang matanda niyong lola. Kaya nga natuwa ako kanina nang sobra nang makita kayo. Kaya hindi ko kaagad na ipaliwanag ang totoo,” nakangiting wika ni Lola Jemina, saka niyakap ng sabay-sabay ang mga apo.

“Sorry po lola,” sabay-sabay na wika ng tatlo.

“Matanda na ang lola ninyo. Ilang kembot na lang ay nasa hukay na ako. Kaya sana naman dalas-dalasan niyo ang pagbisita sa’kin. Hindi iyong pagka-may sakit lang ako saka kayo natatarantang pumunta,” may himig tampong wika ni Lola Jemina.

“Sorry po, lola. Promise babawi na po kami simula sa araw na ito,” mangiyak-ngiyak na wika ni Sam.

“Opo. Promise po lola,” sabay na wika naman nina Delfin at Bea.

Kapag malaki na tayo ay mas nakatuon na ang atensyon natin sa kung paano tayo mabubuhay sa sarili nating paraan. Minsan ay nakakalimutan na nating alalahanin ang mga mahal natin sa buhay na palaging naghihintay sa pagdalaw natin.

Advertisement