Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Dinanas na Hirap Nuon, Sinuguro ng Nanay na Hindi Nahuhuli sa Uso ang Kanyang Anak; Nagkalubog-lubog Siya sa Utang Dahil Dito

Dahil sa Dinanas na Hirap Nuon, Sinuguro ng Nanay na Hindi Nahuhuli sa Uso ang Kanyang Anak; Nagkalubog-lubog Siya sa Utang Dahil Dito

“Mommy, thank you po sa bagong shoes. I love you Mommy.” Sabi ni Ian.

“Alam ko kasi na gusto mo niyan, saka bagong labas nila yan kaya dapat meron kaagad. Ganyan ka kamahal ni Mommy eh.” Sagot naman ni Gemma sa anak.

Sunod sa luho ni Gemma ang anak na si Ian. Lahat ng mga bagong labas na damit, sapatos, gadgets at mga laro ay binibili agad ng babae para sa kaniyang kaisa-isang anak.

Kung minsan, pati mga bagay na hindi naman kailangan o hindi naman talaga hiningi ng anak ay binibili pa rin niya. Ang gusto niya ay hindi napag-iiwanan sa uso si Ian. Ang ugaling ito ni Gemma ang madalas nilang pagtalunang mag-asawa.

“Alam ko para sa anak natin lahat iyan, pero Gemma naman matuto naman tayong mag-prioritize ng mga dapat at hindi dapat bilhin.” Wika ni Dan, asawa ni Gemma.

“Dan, wag mo na nga ako sermunan. Alam ko ang ginagawa ko, dapat nga matuwa ka dahil hindi mukhang kawawa ang anak mo sa school. Gusto mo bang pagdaanan niya yung mga dinanas ko? Na nagkakaroon lamang ako ng bagong gamit kapag birthday ko? Minsan ay wala pa dahil sa hirap ng buhay namin.” Naiinis na saad ni Gemma.

Si Gemma ay galing sa mahirap na pamilya. Nabuhay siya sa mga pinaglumaan ng mga nakatatandang kapatid o mga pinsan. Minsan sa isang taon lamang siya magkaroon ng mga bago at kailanman ay hindi niya nagawang magpabili ng mga gusto niya.

Kung ano lamang ang kasya sa pera ng nanay niya, iyon lang ang mabibili. Ito ang dahilan ni Gemma kung bakit kahit hindi kailangan ni Ian ay ipinangungutang niya pa maibigay lamang sa anak. Ayaw niya na tuksuhin ito gaya ng naranasan niya noong nag-aaral pa lamang siya.

“Basta sinasabihan na kita ha, mas maraming dapat unahin. Sana pinag-iipunan na natin ang pag-aaral niya, sana nakakabili na tayo ng bahay natin kaso marami tayong binabayarang utang dahil sa luho mo.” Paalala ni Dan.

“Opo salamat sa paalala pero para sa anak naman natin lahat ng ito.” Sagot ni Gemma.

Tuloy tuloy pa rin ang ganitong pamumuhay ni Gemma. Kali-kaliwa ang pagsha-shopping niya para sa anak, sa sarili at sa bahay nila.

“Ma, tumatawag sakin ang bangko, hindi ka daw nagbayad ng hulog ng sasakyan? Diba nasa account na natin yun nung isang araw pa? Dalawang buwan na daw ang palya ng hulog? Asan ang pera Ma?” tanong ni Dan.

“Ay, naipambayad ko sa mga pinamili ko. Yung sapatos kasi ni Ian ngayon nasa 8,000 pesos. Isipin mo ah, bagong labas tapos may bawas pa dahil naka-sale sila. Laking natipid ko, hindi ba?” sagot ni Gemma.

“Ano? Sapatos? Walong libo?”gulat na gulat na tanong ni Dan.

“Baka marinig ka ng anak mo, tuwang tuwa pa naman siya sa sapatos niya.” sagot ni Gemma.

Nag-usap sa kwarto ang mag-asawa at tuluyan silang nag-away. Hindi na mapigilan ni Dan ang mga nasabing salita sa asawa dahil kahit anong pangaral niya rito tungkol sa paggastos ay parang pasok sa kabilang tenga at labas rin sa kabila.

Alam ni Dan na mauuwi sa wala ang kanilang mga ipon lalo na at naadik na ang asawa niya sa pagbili ng mga luho at pangungutang sa credit card.

Ilang buwan ang lumipas ay nanlaki ang mata ni Gemma nang hindi tanggapin ng cashier ang credit card na ibinabayad niya.

“Ma’am, declined po.” wika ng cashier.

“Ha? Ito o, subukan mo tong isa.” Natatarantang sabi nya.

“Ma’am, ayaw din po eh.” mahinang sagot ng cashier.

“Imposible. Teka Miss, itabi mo muna lahat ‘yan at tatawag muna ako sa bangko ko.” sabi ni Gemma habang hindi niya maitago ang pagkapahiya sa kahera.

Madami pa naman siyang kinuha at wala naman siyang dalang cash. Umaasa lamang siya sa credit limit ng credit card niya. Hindi na niya binalikan ang cashier.

Pag-uwi niya sa bahay, nagtaka siya dahil madilim sa loob. Naputulan pala sila ng kuryente dahil ginastos niya ang pambayad para bumili ng bala para sa play station ng anak. Nakita niya ang anak na nag-aaral sa salas na kandila ang gamit bilang liwanag. Saka niya naalala na hindi rin niya nabayaran ang tuition fee ni Ian.

Ang pinakamasakit pa ay nahatak na ng banko ang kanilang sasakyan dahil pumalya na naman sila ng hulog dito.Galit na galit si Dan kay Gemma pero naawa siya sa kinahinatnan ng misis. Umiiyak na lumapit si Gemma sa asawa. Niyakap naman ito ni Dan.

“Ma, galit ako sa’yo pero dahil yun sa mga ginawa mo at naging epekto nito. Galit ako sa’yo kasi hindi ako nagkulang magsabi sa’yo. Bukod sa mga nawala ngayon sa atin, yung mga kaibigan natin kinausap ako. Marami ka na rin palang utang sa kanila na hindi mo nababayaran pa. Hindi ka pa ba nalulunod sa mga utang mo?” tanong ni Dan.

“Hindi ko alam bakit ganito. Ang hirap maging masaya. Pag nagsha-shopping ako para sa atin pakiramdam ko malaki ang nilamang ko sa mga nang-aasar sakin dati nung bata ako. Tulungan mo ako please. Huwag mo ako sukuan.” pakiusap ni Gemma.

Awang awa si Dan sa nangyari sa buhay ng asawa. Alam niya na higit kailanman, ngayon siya kailangan ng babae.

Pinag-usapan nila ang kanilang dapat gawin. Ginupit ni Dan lahat ng credit cards ni Gemma. Nilista nila lahat ng pinagkakautangan nito. Sumunod naman nilang nilista ang kanilang mga sahod at paano nila mababayaran lahat ng mga utang ni Gemma sa credit card at sa mga kaibigan.

Hiyang hiya si Gemma hindi lamang dahil sa mga utang niya kundi dahil sa problemang dala niya sa mister. Pinangakuan naman siya ni Dan na tutulungan siya nito.

“Kailangan natin gawin ito hindi lang para sa’yo kung hindi para sa pamilyang ito. Baka pag tinuloy tuloy mo pa ito ay ikaw pa ang magparanas mismo ng kahirapan kay Ian. Kakayanin natin ito okay?” wika ni Dan.

Hanggang ngayon ay nagbabayad pa rin sila ng mga utang. May mga hulugan buwan buwan sa credit card at may mga hinuhulugan rin sa inutangang mga tao. Malaki rin ang pinagbago sa pamumuhay ni Gemma. Hindi na nito nabibilhan ang anak ng kung ano ano pero masaya at naiintindihan naman ito ni Ian.

Ma-swerte si Gemma dahil sa gitna ng lahat ng ito, sinuportahan at hindi pa rin siya iniwan ng kanyang mister.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement