Inday TrendingInday Trending
Muntik nang Maghiwalay ang Mag-asawa Dahil sa Sunod-Sunod Nilang Pag-aaway; Nang Lumayas ang Babae ay Napagtanto Nila ang Kanilang Pagkakamali

Muntik nang Maghiwalay ang Mag-asawa Dahil sa Sunod-Sunod Nilang Pag-aaway; Nang Lumayas ang Babae ay Napagtanto Nila ang Kanilang Pagkakamali

Ang unang mga araw matapos ikasal nila Edwin at Trish ay talaga namang napakasaya. Sa pagsasama nila sa isang bubong ay wala silang ibang ginawa kung hindi ang maglambingan. Punong-puno ng pagmamahalan ang kanilang tahanan at pawang napakasaya nila bilang mag-asawa.

“Baby tulungan na kitang magluto.” Wika ni Edwin.

“Wag na, kaya ko na ito.” Sagot ni Trish.

“Sige na, para puwede na ulit tayong maglabing-labing.” Sabay kurot sa kaniyang misis.

Halos araw-araw ay sabik na sabik sila na makita ang isa’t-isa matapos ang maghapong pagtatrabaho. Nauunang umuwi si Trish at agad niyang inihahanda ang kanilang hapunan.

“Oh nandiyan ka na pala, halika kumain na tayo, niluto ko ang paborito mong adobo.”

“Wow! Ang swerte ko talaga sa misis ko.” Wika ni Edwin habang niyayakap sa asawa sa likuran.

Sa tatlong taong nagdaan ay ganito kaligaya ang kanilang naging pagsasama, mayroong mga tampuhan ngunit agad naman nila itong nareresolba sa maayos na usapan. Ngunit dumating ang panahon na hindi na nila maiwasan ang pag-aaway at hindi pagkakasundo.

“Sabi mo ikaw ang dadaan sa Meralco para magbayad ng kuryente? Mapuputulan na tayo oh!” Sigaw ni Trish.

“Oo nga eh nakalimutan ko, bukas ko na babayaran.”

“Puro ka bukas! Pag nakalimutan mo pa ‘yan baka umuwi ka nalang dito na wala nang ilaw!”

Ang pinakamadalas nilang pag-awayan ay ang pagba-budget ng pera at ang madalas na pag-uwi ni Edwin ng hatinggabi. Unti-unti na ring nababawasan ang kanilang malambing na pakikitungo sa isa’t-isa at naglalaho na ang matatamis na mga salita.

“Anong oras na Edwin! Inumaga ka na naman sa pakikipag-inuman mo! Kulang pa nga ang perang inaabot mo sakin para sa mga bills natin pero nagagawa mo pang makipaglaklakan!”

“Ang ingay ng bunganga mo! Pwede ba tigil-tigilan mo yang pagtatalak sa ‘kin? Nakakarindi ka na!” Sagot ng lasing na mister.

“Kung ayaw mong natatalakan aba eh umayos ka!”

Sa salas natulog si Edwin ng gabing iyon at ilang araw siyang hindi kinausap ni Trish. Sa Paglipas ng mga buwan ay lalo pang lumala ang kanilang away at minsan na itong humantong sa pagbabatuhan nila ng gamit. Nariyang lumilipad ang kanilang electric fan, mga plato, kaldero at anu pang mahawakan nila kapag nauubusan na sila ng pasensya.

“Ewan ko sayo! Wala kang kwenta!” Sigaw ni Edwin.

“Mas lalo ka na! Ewan ko nga kung bakit pinakasalan kita!” Sagot ni Trish.

Sa mga wikang ito tila natigilan ni Edwin, pakiramdam niya ay pinagsisisihan ng kaniyang misis ang pagpapakasal sa kaniya at isang malaking pagkakamali ang kanilang pag-aasawa. Nakita na lamang niya si Trish na umiiyak sa isang sulok matapos mag-impake.

“Baby, wag naman ganyan, pag-usapan natin to.” Wika niya.

“Uuwi na muna ako sa amin, nakakapagod na Edwin. Araw-araw na tayong nag-aaway. Halos sira na lahat ng gamit natin sa pagbabatuhan.” Sagot nito.

“Ako din naman pagod na, pero iniwan ba kita?”

“Kailangan ko munang mapag-isa.” At tuluyan ng lumabas si Trish ng kanilang tahanan.

Labis na ikinalungkot ng mag-asawa ang mga araw na sila ay magkawalay, gustuhin man ni Trish na bumalik ay umaasa siyang susunduin muna siya ng asawa. Habang si Edwin naman ay nagdadalawang isip kung sasama ba si Trish sa kanya kung susunduin niya ito.

“Pa, ano bang gagawin ko, mahal ko si Trish kahit palagi kaming magkaaway. Gusto ko na siyang umuwi.” Tanong niya sa kaniyang ama.

“Anak, ganyan talaga ang mag-asawa, hindi naman puro saya at sarap lang, dadaan kayo sa matitinding problema, pero iyon ang susubok kung gaano kayo katatag.”

Nalinawan si Edwin sa mga pangaral ng kaniyang ama. Kinabukasan ay pinuntahan niya si Trish upang kausapain at yayain nang umuwi.

“Sorry Trish kasi palagi kong pinapasakit ang ulo mo, alam kong pagod ka na sa trabaho at gawaing bahay pero dinadagdagan ko pa.” Wika niya.

“Sorry din ha, palagi kong pinapairal ang pagiging talakera ko, tsaka lagi kong pinupuna ang mga pagkakamali mo.” Sagot nito.

Nagyakap ang mag-asawa at masayang sumama si Trish kay Edwin, simula noon ay ipinangako nilang palagi na nilang iintindihin at uunawaing mabuti ang pinagdadaanan ng bawat isa. Magkasama nilang hinarap ang mga suliranin at dagok na pinagdadaanan ng mag-asawa na mayroong pagmamahal at respeto para sa isa’t-isa.

Ang pag-aasawa ay isang sagradong pagsasama na kinakailangan ng pasensya, pangunawa at pagtitiis ng dalawang taong tunay na nagmamahalan, hindi ito dapat na sinusukuan dahil lamang sa patong-patong na problema. Tandaan na ang wagas na pag-ibig ay hindi basta sumusuko.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement