Inday TrendingInday Trending
Biglang Nagbago Ang Buhay ng Lalakeng Lumaki sa Layaw nang Nag-iwan ng Napakalaking Utang ang Pumanaw na Ama

Biglang Nagbago Ang Buhay ng Lalakeng Lumaki sa Layaw nang Nag-iwan ng Napakalaking Utang ang Pumanaw na Ama

Dahil sa nag-iisang anak lamang si Jimmy ay lumaki siyang spoiled at sunod sa luho. Lahat ng naisin niya ay ibinibigay palagi ng kaniyang mga magulang kahit hindi naman importante ang mga iyon.

“Mommy gusto ko ‘yong kagaya ng laruan ng kaklase ko, bili mo ako noon.”

“Sige anak sa susunod na pagalis natin ay ibibili kita.”

“Yeeeeehhheeey!”

Nakasanayan na nga ni Jimmy ang pagiging maluho. Konting drama lang niya sa magulang ay agad niya silang nauuto. Hanggang sa siya ay magbinata.

“Mom, pahingi naman ako ng pera oh, may bago kasi kaming project.”

“Eto anak isang libo, ayos na ba iyan?”

“Dagdagan niyo naman, kulang to eh.”

Sobra-sobra pa ang kaniyang baon ngunit nagkukulang pa rin ito dahil ginagasta niya sa panlilibre sa mga kaibigan. Natutunan na rin niya ang pagsisinungaling sa ama’t ina para lang makahingi ng dagdag na pera.

“Sige, order lang kayo diyan akong bahala.”

“Galante talaga ‘tong si Jimmy, kaya kaibigan ko to eh.” Wika ng kaniyang kaklase.

Madalas ay magdamag na nagpapakasaya si Jimmy sa bar kasama ang mga kaibigan, hindi naman siya sinisita ng kaniyang mga magulang kaya’t hindi na siya nagpapaalam.

Minsan pag-uwi niya ng madaling araw ay napansin niyang walang tao sa kanilang bahay. Tinignan niya ang kaniyang telepono at doon niya lang nakita ang napakaraming text messages at missed calls ng kaniyang ina.

“Anak inatake ang dad mo sa puso, andito kami sa ospital nasaan ka na ba?”

Sa sobrang kalasingan niya ay hindi na niya halos maaninag ang iba pang mensahe nito. Agad siyang lumabas at pinuntahan ang mga magulang ngunit huli na ang lahat sa kaniyang pagdating.

“Mommy, nasaan si dad? Bakit ka umiiyak?”

“Wala na siya anak, iniwan niya na tayo.”

Niyakap niya ang ina at humagulgol ng walang tigil. Isang linggo ang lumipas at ipinalibing na nila ang namayapang ama. Ngunit sa paglisan nito ay naiwan ang malaking problema na dadalhin ng kanilang pamilya.

“Mommy, bakit kulang ‘tong baon ko?” Tanong niya sa ina.

“Pasensya ka na anak, simula ngayon ay hindi ko na maibibigay ang mga luho mo. Yan lang ang nakayanan ko.” Sagot nito.

“Ano? Bakit? Di ba may pera namang iniwan si dad?”

“Wala akong kaalam-alam, baon na pala sa utang ang daddy mo, hindi ko alam kung saan ako kukuha ng milyon na ipambabayad sa mga pinagkautangan niya.”

Sa isang iglap ay bumaliktad ang mundo ni Jimmy, saktong-sakto na lamang sa kaniya ang araw-araw na pambaon at wala na siyang pera para sa kaniyang mga luho.

“Jimmy! Di mo na kami nililibre ah.” Wika ng kaniyang kaibigan.

“Sige tara libre ko kayo ngayon.”

Agad niyang naubos ang baon na ibinigay ng ina na dapat ay para sa dalawang linggo. Alam niyang hindi siya matitiis ng ina kaya’t naisip niyang humingi na lamang ulit.

“Jimmy, wala na akong hawak na pera. Sinabi ko naman sayo na walang iniwan ang daddy mo.”

“Eh anong gagawin ko? Naubos nga.”

“Saan mo ba kasi ginagastos ang baon mo, alam mo bang mapipilitan na akong ibenta itong bahay para lang makabayad ng utang?”

Doon lamang natauhan si Jimmy, ang tahanang kinalakihan niya ay malalagay sa alanganin dahil sa biglaang paghihirap ng kanilang pamilya. Napansin din niya ang kahabag-habag na itsura ng kaniyang ina.

Tinulungan niya ito na makahanap ng maaring bumili ng kanilang bahay, pagtapos ay lumipat sila sa maliit na paupahan at ipinangako niyang tutulungan ang ina sa kanilang gastusin.

“Mommy konti na lang makaka-graduate na ako, wag kang mag-aalala, magtatrabaho ako agad.”
Advertisement

“Salamat anak, masaya na ako na makapagtapos ka ng pag-aaral.”

Pinanindigan niya ang pangakong pagtulong sa ina, sa paglipas ng mga taon ay natutunan ni Jimmy ang tamang paggastos ng salapi lalo pa’t pinaghirapan niya ito. Nag-ipon siya ng pera para sa isang malaking sorpresang inihahanda niya para sa kaniyang mommy.

“Surprise!” Wika niya pagkatanggal ng piring sa mata nito.

“Bakit tayo nandito, anak?”

“Binili ko na ulit ‘tong bahay natin mommy, hinuhulugan ko pa ang natitirang balanse pero maari na tayong bumalik dito.”

Sa sobrang kagalakan ng ina ay napayakap ito sa kaniya habang umiiyak. Hindi na napigilan ni Jimmy ang sarili at lumuha na din.

“Salamat anak salamat! Lahat ng ala-ala ng iyong ama ay nasa bahay na ito, napakasaya ko.”

“Alam ko iyon mommy, kaya pinilit kong mabili ito para sayo.”
Advertisement

Muli silang bumalik sa dating tirahan. Doon na rin nanirahan ang naging asawa at anak ni Jimmy, bilang ama ay tinuruan niya ang anak na maging masinop sa salapi nang sa gayon ay hindi matulad sa dati niyang gawain.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!