Hindi Maintindihan ng Guro ang Iginuhit na Larawan ng Isang Estudyante, Napaluha Siya nang Malaman ang Kwento sa Likod Nito
Malapit na ang araw ng pasasalamat, kaya ang gurong si Shane ay nagbigay ng isang takdang-aralin para sa kanyang mga batang estudyante.
“Class, gagawa tayo ng isang proyekto at dahil malapit na ang araw ng pasasalamat ay nais kong gumuhit kayo sa isang malinis na papel ng isang bagay na nais ninyong ipagpasalamat,” wika ng guro.
Kinabukasan ay bitbit ng mga estudyante ang kanilang mga iginuhit na larawan. Marami sa kanila ang gumuhit ng mga bagay na ipinagpapasalamat nila na mayroon sila sa kabila ng kakapusan sa buhay.
May ilang gumuhit ng mga larawan ng tradisyunal na pagkain, mga bagong laruan, bagong laruan at sapatos na kanilang ipinagpapasalamat, subalit isang larawan ang naiiba at naging bukod tangi sa lahat ng mga naipasang proyekto, ito ang larawan na nilikha ni Toto.
Si Toto ay sadyang kakaiba sa ibang tipikal na mga estudyante. Sobra siyang mahiyain kaya hirap siyang makihalubilo sa ibang mga bata. Kapag oras ng recess ay makikita siyang nasa isang sulok lamang o di kaya naman ay nakapwesto malapit sa kinauupuan ng guro.
Alam ng guro ang kwento sa likod ng malulungkot na mata ni Toto. Hiwalay ang mga magulang ng bata at tanging ang yaya lamang nito ang nag-aalaga at tumitingin sa bata. Nag-iisa lamang siyang anak at bagama’t sagana sa materyal na bagay ay makikita ang kakulangan ng kaligayahan sa buhay ng bata.
Sa takdang-aralin na ipinagawa ni Teacher Shane, ay lumitaw ang tunay na saloobin ng bata. Nang hilingin sa kanya na iguhit ang isang bagay na nais niyang ipagpasalamat ay iginuhit ni Toto ang kamay, isang kamay na nakabukas at walang hawak na kahit anong bagay.
Nang ipakita ng bata ang iginuhit niyang larawan, ay umandar ang imahinasyon ng kanyang kamag-aral. Hinulaan nila ang ibigsabihin ng kanyang larawan.
“Toto, kamay ba iyan ng isang magsasaka? Dahil sila ang nag-aalaga ng mga manok at pabo na kakainin natin?” tanong ng isang kaklase.
“Kamay ba iyan ng mga pulis? Nagpapasalamat ka sa mga pulis dahil sila ang nagtatanggol sa mga naaapi,” mungkahi pa ng isang kaklase.
“Siguro kamay iyan ng Diyos? Kasi Siya ang nagbibigay sa atin ng mga pagkain,” hula pa ng isang batang babae.
Nagpatuloy ang diskusyon sa klase hanggang sa tumayo ang guro, “okay class, magaganda ang mga ideya ninyo at lahat ng sinabi ninyo, maghanda na kayo para sa break time ninyo. Mamaya ay titignan natin ang iba pang likha ng kaklase ninyo. Kumain kayo ng marami ha?” paalala ng guro.
Habang kumakain ang ibang estudyante ay nanatiling nakaupo si Toto sa kanyang lamesa. Kinukulayan niya ang kamay na iginuhit niya. Dahil dito ay nilapitan siya ng guro.
“Toto? Hindi ka pa ba manananghalian?” tanong ng guro.
“Tatapusin ko muna pong kulayan itong larawang iginuhit ko teacher,” mahinang tugon ng bata.
“Toto, puwede ko bang malaman kung kaninong kamay ang iginuhit mo?” muling tanong ng guro.
Napatingin sa malayo at bata at sinabing, “sa inyo po teacher. Iginuhit ko po ang kamay ninyo,” sagot ng bata.
“Talaga Toto? Bakit kamay ni teacher ang iginuhit mo?” nakangiting tanong ng guro.
“Labis po ang pasasalamat ko sa kamay na nasa larawan dahil ang kamay na ito po ang umaakay sa akin at sa aking mga kaklase. Ang mga kamay na ito po ang minsan nakasama ko sa pagtawid sa kalsada.
“Ang kamay na ito rin po ang humawak sa kamay ko upang matutong humawak sa lapis, kung paano magsulat at kung paano gumuhit. Labis po akong nagpapasalamat sa mapag-arugang kamay ninyo teacher,” paliwanag ng bata.
Napaluha ang guro ng malaman niya ang puso ng bata sa pamamagitan ng isang kamay. Niyakap niya ang bata at yumakap din naman ang bata sa kanya ng sobrang higpit. Hindi niya inaasahan na ganoon kalaki ang pagpapasalamat ng bata sa mga simpleng bagay na ginagawa niya.
Sadyang hindi matatawaran ang impluwensiya sa mga bata ng mga taong nagpapakita ng tunay na kalinga gaya ng maarugang kamay ng mga guro at mga magulang. Higit na natatandaan ng mga bata ang mga ikinikilos ng mga kamay kaysa sa mga salitang binibitawan ng ating dila.
Ang pagiging guro ang isang propesyon kung saan ibinibuhos nila ang lakas at pagmamahal sa paghubog ng mga bata habang sila ay lumalaki. Bago naging propesyonal ang marami sa atin ay dumaan muna tayo sa paghuhubog ng mga mababait at mapagmahal na guro.
Sila ang mga pangalawang magulang ng bawat isa sa atin. Marami sa mga bagay na natutunan natin ay dahil sa matiyagang kamay ng ating guro na nagturo sa atin kung paano bumasa, sumulat, at gumuhit. Tunay nga ang kasabihang “ang magturo ay ang humaplos ng buhay magpakailanman,” dahil kahit saan panig man ng mundo tayo mapunta, isang malaking parte ang ating mga guro sa paghubog ng ating katauhan.