Inday TrendingInday Trending
Sinabi ng Matandang Babae na Ganti ng Langit at Sumpa ang Pagkakasakit ng Lalaki Dahil sa Mapagmataas Nitong mga Anak, Mas Matindi Pala ang Buwelta sa Kanya ng Tadhana

Sinabi ng Matandang Babae na Ganti ng Langit at Sumpa ang Pagkakasakit ng Lalaki Dahil sa Mapagmataas Nitong mga Anak, Mas Matindi Pala ang Buwelta sa Kanya ng Tadhana

Sa Barangay Maloka ay sikat na sikat si Aling Marling na isang dakilang tsismosa. Lahat ng baho ng kanyang mga kapitbahay ay alam na alam ng matandang babae. Walang nakaliligtas kahit maliit na detalye kaya sa kanya sumasagap ng tsismis ang iba pang tsismosa sa kanilang lugar.

“Alam niyo ba si Agnes na asawa ni Paeng, may kinatatagpo daw na ibang lalaki!” kuwento ni Aling Marling sa mga kapwa tsismosa.

“Totoo ba iyan, Marling? Di ba pulis ang asawa ni Agnes, bakit nagawa pa niyang magloko?” tanong naman ni Aling Lolit.

“Ang nakarating sa akin, mas magaling daw sa kasama ang bagong lalaki ni Agnes kaysa sa asawang pulis,” anito.

“Ay ganoon ba iyon, kaya naman pala iniputan sa ulo.”

At sabay-sabay nagtawanan ang mga dalahira.

Hindi rin nakaligtas sa matabil na dila ni Aling Marling ang pamilya ni Luwela. Dating isang kahit isang tuka lang ang pamilya ng babae ngunit nang makapagtapos sa pag-aaral ng may karangalan ang dalawang anak ng mag-asawang Luwela at Rodner na pareho ring nakapasa sa board exam at nakahanap ng magagandang trabaho ay umangat ang buhay ng mag-anak.

“Alam niyo iyang mga anak ni Luwela at Rodner, nagkaroon lang ng magagandang trabaho ay akala mo na kung sino!” sabi ni Aling Marling.

“Bakit mo naman nasabi na ganoon ang mga bata, e mukhang mababait nga!” wika ni Aling Perla.

“Naku, nang nakasalubong ko iyong bunso niyang anak na babae, hindi man lang ako pinansin. Halatang pinagyayabangan ako!”

“Teka, Marling ‘di ba mahiyain naman talaga ang anak na iyon nina Luwela? Baka nahihiya lang na batiin ka?”

“Basta nag-iba ang ugali ng batang iyon, akala mo kung sinong nagmamataas. Isa pa iyong anak niyang panganay, iyong binabae!”

“O, e ano naman ang problema sa batang iyon?” tanong ni Aling Biring.

“Dati kapag nakakasalubong ko ay nginingitian ako, pero nang magkatrabaho ay dinadaan-daanan na lang ako.”

“Hindi naman ako makapaniwala kasi sa dalawang magkapatid iyon ang hindi mahiyain at palakausap sa mga kapitbahay.”

Nang ‘di inaasahan ay nagkaroon ng isang mabigat na suliranin ang pamilya ni Luwela. Na-stroke si Rodner kaya tumigil ang lalaki sa pagtatrabaho. Mabuti na naman ang kalagayan nito ngunit malaki ang kinikita ng lalaki sa kumpanyang pinapasukan kaya kabawasan sa pamilya ang pagtigil nito sa trabaho. Usapan-usapan sa umpukan ng mga tsismosa ang pagkakasakit ng mister ni Luwela.

“Hay nako, sinasabi ko na nga ba e! Ganti iyon sa kanila ng langit sa pagiging mapagmataas ng kanilang mga anak!” hayag ni Aling Marling.

“Marling naman, nagkasakit na nga si Rodner ganyan pa ang sinasabi mo,” saway ni Aling Lolit.

“Talaga naman e, sumpa iyon sa kanila!” anito.

Ang hindi alam ng matandang babae ay nakarating kay Luwela ang pinagkakalat nitong tsismis.

“Grabe talaga ang Aling Marling na iyon! Kung ano-ano ang ipinagkalalat na tsismis tungkol sa atin at sa mga anak mo, Rodner!” inis na wika ng babae sa mister.

“Hayaan mo na siya, huwag na nating patulan. Hindi naman totoo ang mga ibinibintang niya, e,” sagot ng lalaki.

“Alam mo ba ang nakarating sa akin na tsismis ng matandang iyon, ipinagkakalat niya na ganti ng langit at sumpa ang pagkaka-stroke mo dahil sa pagmamataas daw ng mga anak natin.”

Narinig ng busong anak na si Murielle ang sinabi ng ina.

“Hindi po totoong hindi ko pinansin si Aling Marling. Binati ko po siya nang nagkasalubong kami pero siya naman ang hindi pumansin sa akin!” bunyag ng dalaga.

“Ako rin po, kapag nakikita niya ako ay iniirapan pa ako,” sumbong naman ng panganay na si Miguel.

“Ang ibig sabihin ay si Aling Marling pa pala ang hindi namamansin sa inyo?” gulat na wika ni Luwela.

“Opo!” sabay na sagot ng magkapatid.

Isang araw ay kumalat sa buong barangay ang pagkakasakit ng mister ni Aling Marling. Napag-alaman na mayroong sakit sa baga ang matandang lalaki at malala na ito.

‘Di sinasadyang napadaan si Luwela sa umpukan ng kanyang mga kapitbahay sa tindahan ni Aling Lolit at narinig niya ang tsismis tungkol sa nangyari sa asawa ni Aling Marling.

“May taning na raw ang buhay ni Ador dahil sa sakit nito, kaawa-awang Marling!” wika ni Aling Biring.

“Oo nga, silang mag-asawa na lang ang magkasama, hindi na umuuwi sa kanila ang dalawa nilang anak dahil hindi raw makasundo ni Marling ang mga manugang niya,” lahad naman ni Aling Perla.

Hindi nakatiis si Luwela at nagsalita sa harap ng mga tsismosa.

“Iyan din ang ganti ng langit kay Aling Marling sa lahat ng paninira niya sa pamilya ko. Sinungaling siya!

Nagkatitigan ang mga tsismosa. Hindi makapaniwala sa ibinunyag ni Luwela. Matapos ihayag ang nararamdaman ay tahimik na umalis sa umpukang iyon ang babae. Natameme naman ang mga kapitbahay, nalaman nila na ang tsismis ni Aling Marling sa mga anak ni Luwela ay gawa-gawa lang pala nito.

Ang totoo, ay malaki ang inggit ni Aling Marling sa mga anak ni Luwela dahil ang mga ito ay nakatapos ng may karangalan at mayroong magagandang trabaho samantalang ang dalawa niyang anak ay mga di nakapagtapos ng pag-aaral at maagang nagsipag-asawa kaya gumawa ito ng kuwento tungkol sa mga anak ni Luwela para siraan.

Sa pagsasabi niyang ganti ng langit at sumpa ang nangyari sa pamilya ni Luwela ay ang mahal niya sa buhay ang tila isinumpa at ginantihan ng tadhana. Bumalik lang kay Aling Marling ang KARMA na siya mismo ang nagpakalat.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement