Parating Nasa Galaan ang Dalaga Kaya Naman Pinalayas Ito sa Kanila Ngunit Ibubunyag Niya ang Lihim na Siyang Magbabago sa Lahat
Simula nang mag-asawang muli si Mang Enzo ay nawalan na siya ng panahon sa kaisa-isang anak na si Mona. Nagkaroon kasi siya kaagad ng bagong supling sa bagong asawa na si Aling Kim, kaya naman hinayaan na lamang niya ang bata sa kahit anong desisyong gawin nito sa buhay basta ang mahalaga ay makapagtapos ito ng pag-aaral.
“Itay, mawawala po ako ulit ng tatlong araw. Pupunta ho kaming Ilocos ng mga kaibigan ko, libre naman,” saad ni Mona sa kaniyang ama.
“Naku, Mona! mukhang napapadalas na iyang pag gala-gala mo ha! Hindi ko na iyan nagugustuhan! Mamaya mabuntis ka e maging pabigat ka pa lalo dito sa pamilya!” saad naman ni Aling Kim.
Maalaga bilang isang asawa at ina sa kaniyang anak ang ale ngunit hindi ganoong kaganda ang pakikitungo niya sa bata dahil hindi naman raw niya ito kadugo at naiinis siyang ginagastusan pa siya ng asawa na dapat ay para sa kanila lamang.
“Hayaan mo na, makikipagtalo ka na naman sa kaniya e nasa hapag kainan tayo. Sige na Mona, basta ang tatandaan mo may usapan tayo. Kailangan mong magtapos ng high school at bawal muna ang nobyo nobyo, makakasira lamang ng kinabukasan iyan,” baling naman ni Mang Enzo.
“Hay nako! Kailan ba kasi matatapos yan sa pag-aaral para naman makapagtrabaho na kaagad at hindi na maging palamunin dito sa pamilya? Lalo na ngayong buntis ulit ako!” saad ng ale na labis na ikinagulat ni Mona.
“Buntis ho ulit kayo? E ‘di ba bata pa yung bunso natin,” baling ni Mona. Ngunit hindi yata siya narinig dahil agad na nagyakap ang mag-asawa sa kaniyang harapan at tuwang-tuwa naman ang babae. Tumayo na lamang si Mona at pumunta na sa kaniyang tulugan.
Dahil maliit lang ang kanilang bahay ay nawalan siya ng kwarto dahil napunta ito sa unang anak ni Aling Kim kaya naman ngayon ay katabi niya ang mga sapatos at labahan sa kaniyang pagtulog dahil doon siya nakapwesto. Kasama ang manipis na banig, unan at kumot at natiis ni Mona ang ganoong katayuan niya sa kanilang bahay.
Kinaumagahan ay agad umalis ang dalaga ng maaga. Bitbit ang isang bag ay nagtungo sila kasama ng mga kaibigan patungo ng Ilocos. Agad siyang nagpost sa Facebook kasama ng magagandang windmills.
At nakita niyang agad na nagcomment ang kaniyang madastra na “PURO PASARAP SA BUHAY” ngunit hinayaan na lamang niya iyon.
Pagtapos ng Ilocos ay nagsunod-sunod na ang pag-alis ng dalaga. Nagtungo ito sa Puerto Galera, Lucban Quezon at kung saan-saan pa na labis na ikinainit ng dugo ni Aling Kim.
“Oh, magkaka-long weekend na naman, paniguradong aalis na naman ‘yang anak mo! Baka naman gusto mong pagsabihan ‘yan, Enzo! Hindi na nakakatulong dito sa bahay at puro na lang pagpapasarap sa buhay!” sigaw ni Aling Kim sa asawa kahit pa nga andoon lang si Mona at naririnig ang sigaw ng ale.
“Narinig mo ‘yon, Mona? tumulong ka muna dito sa bahay at itigil mo muna yang kakagala mo, nahihirapan na ang tita mo,” saad ng kaniyang ama.
“Tay, pasensya na ho kayo pero may alis po kami ngayong sabado. Hindi ho ako pwedeng mawala doon at hindi makakaalis ang buong grupo,” baling naman ni Mona sa ama.
“Sa susunod na lang ho ako tutulong tiyang, hayaan niyo ho babawi ho ako sa inyo,” dagdag pa ng dalaga.
Kaya naman itinuloy ni Mona ang pag-alis at sa Caramoan naman ang punta nila. Katulad ng dati ay agad din siyang nagpost at kasama pa ang ibang kaibigan.
At katulad din ng inaasahan ay nagcomment rin kaagad ang tiyahin niya, “ANG KAPAL TALAGA NG MUKHA MO! PERA NG TATAY MO PINANGGAGANYAN MO LANG! WALA KANG UTANG NA LOOB” at dahil sanay na sanay na siya ay binalewala na lamang niya iyon.
Ngunit laking gulat niya ng pag-uwi niya ng bahay ay hinagis kaagad ni Aling Kim ang mga damit ni Mona sa kanilang pinto.
“Lumayas ka! HINDI KA MAPAGSABIHANG ITIGIL NA YANG KAKAGALA MO! PERO ANO? HALA! SIGE! NAGPASARAP KA PA LALO!” sigaw ng ale at hindi na napigilan pa ni Mona ang maluha habang nililigpit ang kaniyang mga damit at nagulat siyang nasa likod ang kaniyang ama na kakarating lang rin galing sa trabaho.
“Ano na naman ba ito Kim? Bakit ba hindi kayo magkasundo nitong si Mona e wala naman ginagawa yung tao,” saad ni Mang Enzo at nilapitan ang asawa para tigilan ang paghahagis ng damit.
“Ayan ang pagsabihan mo! Nangigigil ako e! Ako habang hirap na hirap dito sa bahay e ‘yang anak mong istupida ay puro pasarap! Puro picture picture! Post sa facebook! Akala mo pinupulot ang pera! lumayas ka!” saad ang ale habang dinuduro si Mona. Pinakalma muna ito ni Mang Enzo at pinasok sa bahay, tsaka siya lumabas para balikan ang anak na umiiyak.
“Mona naman kasi! Ano bang kalokohan yang mga alis mo? Kaya nagagalit sayo yun kasi hindi mo tinutulungan dito sa bahay,” saad ni Mang Enzo sa anak.
“Tay. Hindi naman ho kung ano-anong gala lang iyon,” saad ni Mona na lumuluha at paputol-putol ang salita.
“Tay, hindi naman ho kasi ako gumagala. Tay, tour guide ho ako. Nagsideline ho ako at nag-iipon para makapag-aral ako ng kolehiyo. Alam ko naman hong hindi niyo na ako pag-aaralin pa pagtapos ng high school kaya ho ako na ang gumagawa ng paraan. Pasensya na ho kayo ‘tay kung hindi na ako nakakatulong tuwing sabado at lingo dito sa bahay. Pasensya na talaga itay. Alam ko rin naman hong mas pipiliin niyo siya kesa sa akin, pero ‘tay sana naman ho kahit minsan e ipagtangol niyo rin ako pag inaapi niya akong wala sa lugar. Sobrang sakit na ho kasi,” nakayukong pahayag ni Mona sa ama.
Inaatay ni Mona na sigawan siya ng Mang Enzo ngunit laking gulat niyang niyakap siya nito.
“Anak, pasensya ka na kung napabayaan kita ng ganito. Pasensya na anak! Patawarin mo ang tatay!” lumuluha na rin ang kaniyang ama at nag-iyakan sila sa labas.
Simula noon ay nahimasmasan si Mang Enzo na maling pabayaan na lamang niya si Mona dahil lang nagkaroon na siya ng bagong pamilya. Kinausap rin niya si Aling Kim na ayusin ang trato sa anak dahil dugo niya rin ito.
Ngayon ay isa pa ring tour guide si Mona at malapit na siyang makapagtapos ng kolehiyo. Maayos na rin ang higaan ng babae, at higit sa lahat ay naramdaman niyang muli na mahal siya ng kaniyang ama.