Nagpapanggap na Mabait sa Harap ng Mayamang Nobyo ang Babae, Isang Pangyayari ang Nagpalabas sa Tunay Niyang Kulay
Isang buwan pa lamang na mag-nobyo sina Shela at Dexter. Gwapo ang lalaki at mayaman kaya naman sobra ang tuwa ni Shela na nagustuhan siya nito, hindi niya naman kasi talaga sana ito papansinin noon dahil akala niya ay normal na empleyado lang sa opisina nila. Nang malaman niyang ito ang pamangkin ng may-ari ay naging magiliw na rin ang pagtanggap niya sa lalaki. Bukod sa mga nasabing katangian ay matalino rin ito, pero wala nang pakialam si Shela roon. Kung tutuusin, kahit bobo basta may pera ay didikitan niya.
Ang laki nga ng ngiti niya nang marinig ang usap-usapan sa opisina na parang si Dexter raw ang pamamanahan ng matandang may ari ng kumpanya dahil wala namang sariling anak ito. Pag nagkataon pala, donya na siya.
“Babe, kunin ko lang ang kotse sa parking. Wait mo na lang ako rito sa entrance ha?” sabi ni Dexter, kalalabas lamang nila sa trabaho.
“Sige,” mahinhing sabi niya. Magmula nang maging sila ay ayaw na niyang maglakad kahit na konting distansya lang. Ang gusto niya, palaging naka-kotse. Para naman nakikita ng kanyang mga ka-opisina na sosyal na siya ngayon, at para na rin mainggit ang mga ito. Maya maya pa ay nasa tapat na niya ang magarang sasakyan ni Dexter.
Hindi pa pumasok si Shela, nakatayo lamang siya sa tapat ng pintuan. Tila nahalata naman ng lalaki ang ibig niyang mangyari kaya lumabas ito sa sasakyan at pinagbuksan siya ng pinto. Doon ay pumasok na si Shela, ngiting ngiti siya, hawak niya kasi ang nobyo sa leeg.
“Babe saan tayo kakain?” tanong niya sa nobyo.
“Ah, dyan sa may pagliko lang, malapit dun sa kulay blue na building,” sabi nito.
Medyo tumaas tuloy ang kilay ni Shela, normal na restaurant iyon ah! Aircon naman at masarap ang pagkain, may kamahalan ng kaunti pero ayaw niya sa ganoon! Ang ine-expect niya ay sobrang mahal, mga tipong star.
“Don’t you like it there? May specialty kasi sila na favorite ko at gusto ko sanang ipatikim sa’yo. It’s okay if may iba kang suggestion, just tell me para maka U- turn ako,” sabi naman ni Dexter na sinulyapan siya. Nahalata nito ang pagsimangot niya.
“N-no it’s okay. Favorite ko rin doon,” nakangiti niyang sabi at hinawakan pa ang kamay nito. Pinili niya nalang magpaka-plastic, tutal bago palang naman sila. Pag tumagal sila, humanda ito sa kanya kapag ibinalik pa siya sa mumurahing kainan.
Pagdating doon ay agad na nilapitan sila ng waiter at itinanong kung ano ang order nila. Napatunayan ni Shela na paborito nga rito ng kanyang nobyo dahil kakapasok pa lamang nila sa pinto ay nakangiti na ang mga waiter sa kanila. Palihim niyang inirapan at tinaasan ng kilay ang mga waitress na bumati sa nobyo niya, mga ambisyosa, sa isip isip niya. Pagkasabi ni Dexter ng order nila ay may ibinulong rito ang waiter, tumango naman ang nobyo niya. Kung ano man iyon, hindi siya interesado. Wala naman siyang pakialam sa sasabihin ng walang kwentang taong iyon, baka nanghihingi lang ng tip.
Maya maya pa ay nagsimula na silang kumain, muling lumapit ang waiter at inilapag sa kanyang harapan ang isang baso ng ice cream. Kukutsarahin sana ni Shela ang laman noon nang mapasigaw siya dahil may ipis doon!
“P*tang ina! Ano to?!” sigaw niya. Hindi naman nakasalita agad si Dexter, nagulat ito sa lumabas sa kanyang bibig. Tumayo si Shela at nilapitan ang waiter, bitbit niya ang isang kutsarang may ice cream at isinaboy iyon sa mukha nito.
“Letse! Bulag ka?! Di mo nakita to? Ang dumi dumi nyo! Sabi ko na nga ba, pipitsugin kayong lahat dito, mapa-restaurant, mapa-tao lahat kayo cheap! P*ta, bilhin ko kayo eh!” hinihingal na sabi niya, nalimutang nakaharap ang kanyang nobyo.
Hinawakan naman siya ni Dexter sa balikat, “Babe, relax. Hindi nila kasalanan, it’s my fault. Gusto sana kitang biruin. Look, this is just a toy. Hindi totoong ipis ito,” sabi ng lalaki na iniangat pa ang laruan pero tinabig iyon ni Shela.
“Isa ka pang hay*p ka! Tingin mo nakakatawa? Namumuro ka na sa akin. Una sa lahat, dinala mo ko rito sa mumurahing restaurant. Pangalawa, hindi mo ako binibilhan ng mamahaling gamit, where are my diamonds? Wala ka man lang ibinibigay, puro bulaklak puro chocolate. Hindi ka naman yata mapo-promote ng tito mo bilang bagong may ari kasi ang poor ng choices mo! Wala naman akong mahihita sayo! Letse ka!” sabi niya at nag walk out na.
Napapailing naman si Dexter, sabi niya na nga ba, iyon lang ang habol ng nobya. Una palang ay nahalata na niya ang ugali nito pero sinusubukan niyang bigyan ito ng chance dahil naniniwala siyang lahat ng tao ay may itinatagong kabutihan, pero lumabas na ang tunay nitong kulay.
Mabuti nalang habang maaga at hindi pa gaanong nahuhulog ang loob niya rito ay nakilala na niya ang babae. Humingi siya ng tawad sa mga waiter at kinuha ang baso ng ice cream na may laruang ipis. Isinalin niya sa isa pang baso ang laman noon at sa pinakailalim ay kinuha ang isang plastic, sa loob ng plastic ay naroon ang isang mamahaling kwintas.
Ibibigay niya sana ang kwintas na ito, na galing pa sa Paris, sa kanyang nobya. Mali pala- sa kanyang DATING nobya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?