Inday TrendingInday Trending
Tiwala at Pag-ibig

Tiwala at Pag-ibig

Nasa kolehiyo pa lamang sila Angie at Renzo nang mabuntis ng binata ang kasintahan. Nasa murang edad man ay hiningi ni Renzo ang basbas ng kanilang mga magulang bago sila magpakasal. Nangako ang binata sa mga magulang ni Angie na aalagaan niya ng mabuti ang kanilang anak at bibigyan ng mabuting buhay.

Pinatigil na muna ni Renzo si Angie sa pag-aaral habang siya ay sinasabay ang pag-aaral at ang pagtratrabaho para matustusan ang araw-araw na pangangailangan nilang mag-anak. Talagang nahirapan si Angie at Renzo, lalo na sa aspetong pinansyal. Subalit kahit na ganoon ay masaya naman sila kaya natitiis nila ang ganoong buhay. Alam naman nila na pansamantala lamang ang kanilang sitwasyon. Uunlad din ang kanilang pamumuhay sa oras na makapagtapos na si Renzo at makahanap ng permanenteng trabaho.

Galing sa mayamang pamilya si Angie habang mahirap lamang si Renzo. Kaya naman labis na pangungutya at panghuhusga ang natatanggap ng lalaki sa pamilya ng asawa.

“Angie hija, bakit ba pinagtitiyagaan mo yang asawa mo ha? Ang daming nangligaw sa’yong mas gwapo, mas mayaman at mga professional, bakit ‘yan pa pinili mo? Sayang naman yang ganda at talino mo kung d’yan ka lang mapupunta,” pangsusol pa kay Angie ng isa niyang tiyahin.

Gayunpaman, hindi nagpatinag ang mag-asawang Angie at Renzo. Panay man ang parinig ng mga ito sa babae na hiwalayan na lamang ang asawa tutal ay maganda naman daw siya at kaya naman daw nilang buhayin ang bata kahit na walang ama ay hindi pa rin nagpatinag sa kanyang desisyon si Angie.

Pinanghahawakan niya kasi ang binitiwan nilang sumpaan sa kanilang kasal. “For better or for worse”, ‘yan ang mga katagang kahit kailan ay wala siyang balak baliin. Sa hirap man o ginhawa ay magsasama silang mag-asawa. Hindi niya bibitawan ang mga kamay ni Renzo kahit na siya ay labis mang mahirapan.

Dumating ang buwan ng Hunyo at naisilang na ni Angie ang panganay nilang anak. Isang malusog na batang lalaki. Labis na saya at galak ang naramdaman ng mag-asawa. Mas pinag-igihan pa ni Renzo ang kanyang pag-aaral at mas nagsumikap pa siya sa kanyang mga part-time job. Lahat ay kinakaya niya para sa kanyang mag-ina.

Taon ng 2010, dalawang buwan bago magtapos ng kanyang pag-aaral si Renzo ay nalaman nilang buntis ulit si Angie. Hindi mapantayang tuwa ang naramdaman nilang mag-asawa, ngunit hindi ng kanilang mga pamilya. Nahihirapan na nga silang matustusan ang pangangailangan ng isang anak pa lang nila, paano na ngayong may padating na namang isa?

Walang plano si Renzo na baliin ang kanyang pangako sa mga magulang ni Angie nang hiningi niya ang kamay ng kanyang asawa, kaya naman pagkatapos ng kanyang pagtatapos kung saan siya ay nakatanggap ng maraming karangalan ay agad siyang lumipad papuntang abroad at doon nagtrabaho. Dahil kasi sa taglay niyang angking galing at talino ay hindi pa man siya nakakapagtapos ay may mga kompanya sa abroad na ang kumukuha sa kanya.

Nag-aalinlangan mang kunin ang alok na trabaho, at mawalay sa pamilya niya ay tinanggap na rin ni Renzo ang trabaho. Lalo na ngayon na may paparating silang bagong anghel.

“Parati kang tatawag araw-araw ha? Tapos alagaan mo ang sarili mo. ‘Wag mong aabusuhin ang katawan mo at palagi kang mag-iingat doon. Lalo na at mag-isa ka lang at wala ako sa tabi mo,” sunod-sunod na paalala ni Angie sa asawa nang ihatid na nila ito sa airport.

“Opo ma’am. Tatawag ako araw-araw at aalagaan ko ang sarili ko. Hindi ako magkakasakit para hindi mo na kailangan pang mag-alala,” nakangiting sagot ni Renzo sa asawa at marahang hinalikan ito sa noo at sa ibabaw ng tiyan nito kung nasaan ang pangalawa nilang anak. Siyempre hinalikan niya rin ang munting pisngi ng kanilang panganay na anak.

Maya-maya lang ay umalis na ang eroplanong sinakyan ni Renzo paalis ng bansa. Lumipas ang ilang buwan at nagustuhan naman si Renzo ng kanyang mga amo kaya naging regular na empleyado siya sa kompanyang kumuha sa kanya.

Regular na napapadala ang lalaki sa kanyang asawa sa Pilipinas, kaya unti-unti ring umaasenso ang kanilang buhay sa sariling bansa. Matalino at madiskarteng babae rin si Angie kaya naman ang perang pinapadala ng asawa ay ginamit niya sa mahusay na paraan. Una ay bumili muna siya ng bahay at lupa. Pagkatapos ay nagtayo siya ng negosyo na unti-unti rin naman niyang napalago.

Ilang taon na nagtrabaho sa abroad si Renzo at lumaki din naman ng husto ang negosyong itinayo ng kanyang misis na si Angie kaya naman ay talagang umunlad na ang kanilang pamumuhay. Tuluyan ng umuwi si Renzo at sa unang pagkakataon ay nasilayaan niya ang pangalawang anak ng personal.

Limang taon na ang batang babae na agad namang nagpakarga sa kanya na tinadtad niya ng halik dahil sa sobrang pananabik at pangungulila sa kanyang pamilya. Naging masaya ang buhay nilang mag-anak at patuloy na pinalago ang kanilang negosyong ilang taong pinaghirapan nilang itaguyod ng kanyang asawa.

Nagkamali man sa murang edad ay hindi pa rin tinakasan ng dalawa ang naging bunga ng kanilang kapusukan. Naging responsible sila at hinarap ang lahat ng pagsubok ng buhay. Pinatunayan nila sa lahat na sa huli, ang tunay na pag-ibig pa rin ang magwawagi na kahit anong mangyari ang hindi sila basta-basta matitibag.

Advertisement